Chapter 6

6 0 0
                                    

SI ROGELIO SANDOVAL ay mula sa mayamang angkan, gayundin din si Rizza Sanchez. Mahal ni Rogelio si Rizza ngunit iba naman ang mahal nito. Pinagkasundo ang dalawa ng kanilang mga magulang. Dahil sa mayaman ang mga magulang ni Rizza, nagawa ng mga ito na mapaghiwalay ang magnobyo at maipakasal kay Rogelio. Lingid sa kaalaman ng mga ito na bago nagkahiwalay ang magnobyo ay may namagitan na sa dalawa at nagbunga iyon. Inilihim ni Rizza ang katotohanan sa napangasawa, kung kaya inakala ni Rogelio na anak niya ang isinilang ng asawa.

Lumipas ang tatlong taon bago nalaman nito ang katotohanan. Dahil habang lumalaki ang bata ay nakikita kung sino ang kamukha nito. Nagalit si Rogelio sa ginawang paglilihim ng asawa. Dahil sa sama ng loob ay nagawa nitong mambabae. Noon nakilala ni Rogelio ang ina ni Lianne na si Anna. Isa itong saleslady sa isang department store. Sinuyo niya ang dalaga hanggang sa mapasagot niya ito.

Dahil sa inosente at mabilis magtiwala ay minahal ni Anna si Rogelio. Hindi niya alam na may pamilya na ang lalaki. Sa panahon na magkasama ang dalawa ay nahulog rin ang loob ni Rogelio sa dalaga dahil sa taglay nitong kabaitan at kainosentihan. Na-guilty rin siya sa ginagawa niya dito. Sinira niya ang kainosentihan ng dalaga dahil sa kanyang kahangalan.

Nang malaman ni Anna na may pamilya na ang lalaking minahal at pinagkatiwalaan ay labis siyang nasaktan. Sa taglay na kabutihan at takot sa Diyos, siya na mismo ang lumayo sa lalaki kahit mahal na mahal niya ito dahil alam niyang may pamilya siyang sinisira. Nagpakalayo-layo na siya kung saan hindi na siya makikita ng lalaking minahal. Hindi na rin niya ipinaalam sa lalaki na siya ay nagdadalantao. Hinanap siya ni Rogelio ngunit hindi na siya nakita. Kahit na ang kanyang nakatatandang kapatid ay hindi na rin nito nakita sa dating tinitirhan.

Labis na nasaktan si Rizza sa ginawang pambababae ng asawa. Sa ilang taon nilang pagsasama ng asawa ay natutunan na rin niya itong mahalin. Ngunit hindi niya ito magawang awayin at sumbatan dahil alam niyang may kasalanan din siya. Inilihim niya ang tungkol kay Julian. Ngunit nang mawala si Anna ay muli silang nagkamabutihan. Bago nawala si Anna ay pinuntahan siya nito at kinausap. Humingi ito nang kapatawaran sa kanya. Naramdaman niyang sinsero ang paghingi nito ng tawad. At bilang isang babae nararamdaman niyang mahal din nito ang kanyang asawa at nararamdaman rin niyang mabuti itong tao dahil kaya nitong isakripisyo ang sariling kaligayahan para lamang maitama ang nagawa nitong pagkakamali.

Teenager na si Julian nang malaman niya ang totoo. Na hindi ang kinagisnang ama ang kanyang tunay na ama. Nasagot nito ang mga katanungan na gumugulo sa kanya mula pa nang bata siya. Kung bakit gan'on na lamang kalamig ang pakikitungo sa kanya ng kanyang daddy. Nararamdaman niya ang malamig na pagtrato nito sa kanya kumpara sa kapatid niyang si James. Hindi man ito nagkulang sa pagbibigay sa kanya ng mga materyal na pangangailangan ay hindi naman niya maramdaman ang pagmamahal nito. Kung minsan ay nakararamdam siya ng inggit sa kapatid na si James, ngunit hindi niya magawang magalit sa kapatid dahil mahal na mahal niya ito. Si James at ang kanyang mommy ang nagpupuno ng mga pagkukulang ng kinagisnang ama.

Sa nalamang katotohanan at dahil sa bata pa at hindi maunawaan ang lahat ay nagawa niyang magrebelde. Nagrebelde siya para makuha ang atensiyon ng kinagisnang ama. Galit din siya sa sariling ama dahil sa pinabayaan siya nito. Lahat ng bisyo ay ginawa niya. Nagdroga siya. Nagsugal. At sumama sa lahat ng rambulan. Nakuha nga niya ang atensiyon ni Rogelio ngunit itinakwil naman siya nito at pinalayas sa bahay. Nakiusap si Rizza sa asawa ngunit hindi siya nito pinakinggan.
Lalong nalulong sa droga si Julian. Nagawa rin niyang magbenta ng ipinagbabawal na gamot para lamang may pantustos sa kanyang mga bisyo. Hanggang dumating siya sa puntong muntikan na siyang mamatay dahil sa nasobrahan siya sa droga. Sa nangyari ay nakapag-isip-isip siya. Bakit kailangan niyang sirain ang sariling buhay? Does it worth it, na sirain niya ang sariling buhay para lamang sa atensiyon at pagmamahal ng isang taong hindi kayang ibigay ang mga iyon sa kanya? Sa pagmamahal ng inang si Rizza ay muli siyang nakaahon sa madilim na kinasadlakan. Dinala siya nito sa America, sa kanyang mga agwela. Doon itinuwid niya ang lahat ng pagkakamali at nagbagong-buhay.
Pinahanap si Lianne ni Rogelio nang malaman na nagbunga ang relasyon nila ni Anna. Ngunit dalawamput isang taong gulang na siya ng matagpuan siya ng ama. Pinunan nito ang lahat ng pagkukulang nito sa kanya. Kung kaya muli siyang nakapag-aral. Hanggang highschool lang kasi ang natapos niya dahil hindi kaya ng tiyahin na siya ay pag-aralin sa kolehiyo. Isang bagay lang ang hindi maibigay sa kanya ng ama. Iyon ay ang ipakilala siya sa lahat bilang anak dahil masisira ang imahe nito sa pulitika. Alkalde ang kanyang ama at balak na tumakbo bilang congressman sa susunod na eleksyon sa kanilang distrito. Bukod tanging ang pamilya nito ang nakakaalam ng tungkol sa kanya at ilang pinagkakatiwalaan nito.

Dahil sa mga pangyayaring iyon sa nakatatandang kapatid, sa murang edad ni James kahit mahal na mahal ang sariling ama ay nakaramdam siya ng galit para rito. Paano kung siya ang hindi nito tunay na anak, ganoon din ba ang gagawin nito sa kanya? Lalong nadagdagan ang galit niya nang malaman niya ang tungkol kay Lianne. Parehong kurso at parehong kolehiyo sila ng pinapasukan. Kung kaya si Lianne ang nakatatanggap ng lahat ng kanyang galit para sa ama.

"ANO BANG hinahanap mo dyan? bati ni Lianne kay Julian. Binubuksan nito ang mga drawer sa office table na tila may hinahanap.

"Naghahanap ako ng ballpen. Ano ba namang opisina ito, bakit wala ni isang ballpen?" tila pagsuko nito sa paghahanap. Umupo ito sa swivel chair at isinandig ang likod sa sandalan nito.

"Baka nasa labas na lahat ng ballpen d'yan ni boss." Ang labas na tinutukoy niya ay ang computer shop.

Tumayo si Lianne sa kinauupuan, kinuha ang sariling ballpen na nasa bulsa ng unipormeng pang-eskwela na suot.

"O, eto muna ang gamitin mo," alok niya dito.

"Ay, salamat!" nakangiti nitong sabi.
Inabot nito ang ballpen at sinimulang magsulat sa papel na kanina pa hawak. Hindi pa nito natatapos ang sinusulat ay nawalan na ito ng tinta.

"Ay," tinaktak-taktak pa nito ang ballpen na parang may masisimot pa sa tinta nito.

"Ang malas mo naman! Sa'yo pa natapat na maubusan ang tinta niyan," natatawa niyang sabi. "Ikukuha na lang kita sa labas." Pagkasabi ay mabilis na lumabas ng kuwarto si Lianne.

Ngunit hindi pa nakuntento si Julian sa pagtaktak lang. Binuksan pa niya ito upang makita ang tinta sa loob. Ugali na niya na buksan at i-check ang ballpen na gamit kapag naubos na ang tinta nito. Pinihit niya ang gitnang bahagi ng pen upang mabuksan. Nang lumabas ang maliit na tubo ng tinta, nakita niyang ubos na nga ang tinta nito. Nagtataka lang siya kung bakit kalahati lang ng haba ng pen ang haba ng tubo ng tinta nito. Naisip niyang madaya ang kumpanyang gumagawa ng pen na ito dahil halos hindi sulit sa presyo ng ballpen ang magagamit ng consumers. Naisip niya rin na matalino ang gumawa nito dahil sa mahusay nitong naidugtong ang push button sa taas na bahagi nito upang lumabas ang pen tip. Na-curious siya kung ano ang laman ng ibabaw na bahagi ng pen. Napansin niyang may bukasan din malapit sa push button. Pinihit niya iyon at bumukas naman ito. Isang malaki-laking tubo ang loob nito. Walang itong laman. Nang itaob niya ang tubo ay may ilang white powder ang lumabas mula dito. Bigla siyang naghinala sa powder na iyon. Kumuha siya ng powder at sinalat ang texture. Inamoy. Pagkatapos ay isinubo sa bibig. Pagkaraan nang ilang sandali ay natigilan siya. Hindi nga siya nagkamali sa kanyang hinala.

Biglang bumukas ang pinto at pumasok si Lianne.

"Eto na ang ballpen. Pasensiya na medyo natagalan lang ako. Tinulungan ko pa sina boss sa labas, medyo marami kasi ang customer," paliwanag ni Lianne. Inaabot na niya sa binata ang ballpen ngunit hindi nito kinuha.

"Bakit hindi mo na ba kailangan ang ballpen?" tanong niya.

Mataman lamang na nakatingin si Julian sa dalaga. Naramdaman ni Lianne ang pagiging seryoso ng binata.

"Bakit ganyan ka makatingin sa akin?" nagtataka niyang tanong.

"Sa'yo ba talaga ang ballpen na ito?" seryosong tanong ni Julian. Tinuro nito ang pen na kalas-kalas pa na nasa ibabaw ng lamesa.

Napakunot-noo siya. "Oo, bakit?" natatawa siya sa nakita. "Masyado ka bang na-badtrip kaya ganyan ang ginawa mo sa ballpen na iyan?"

"Lianne, umamin ka. Saan mo nabili ang ballpen na ito?" seryoso pa ring tanong nito.

"Huh?!" naguguluhan siya sa inaakto nito. Hindi niya maunawaan kung bakit gusto pa nitong malaman kung saan nanggaling ang pen niya.

"Actually, hindi ko naman nabili iyan. Napulot ko lang iyan sa ladies room sa loob ng campus noong isang araw," paliwanag niya. "Bakit mo ba tinatanong?"

Nakahinga ng maluwag si Julian, akala niya ay gumagamit na ang dalaga ng ipinagbabawal na gamot.

"Alam mo ba kung anong klaseng ballpen ito? Kung ano ang laman nito?" pahayag ng binata.

"Hindi. Bakit, ano ba ang laman ng ballpen na iyan?" naku-curious niyang tanong. Umupo siya sa silya sa harap ng table nito.

Umayos ng pagkakaupo ang binata. Kinuha ang ballpen na nasa mesa at ipinakita sa kanya.

"Shabu ang laman ng ballpen na ito!" pahayag nito sa kanya.

Nanlaki ang mga mata ni Lianne sa pagkagulat sa nalaman. Hindi siya makapaniwala na may bitbit pala siyang ipinagbabawal na gamot.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon