Chapter 49

11 0 0
                                    

Pabalik-balik na naglalakad si Julian sa harap ng operating room ng hospital na pinagdalhan kay Lianne. Hindi siya mapakali sa labis na pag-aalala sa kalagayan ng dalaga. Sa nakita niyang tama ng bala sa likod nito ay alam niyang nasa kritikal itong kalagayan. Sumisilip pa ang binata sa munting salaming bintana sa pinto ng operating room.

Si Daniel ay tahimik lamang na nakaupo sa waiting bench. Nakayuko siya habang sapo ng dalawang kamay ang kanyang ulo. Mababakas din ang matinding pag-aalala sa kanyang mukha para sa kaligtasan ng dalaga. Nakita niyang natuyo na ang patak ng dugo ng dalaga na nagmantsa sa kanyang damit. Inangat niya ang kanyang ulo. Pagkaraan ay pinagsalikop niya ang kanyang dalawang kamay habang nakapatong pa rin ang mga siko sa kanyang hita. Pakiramdam niya ay napakabagal ng oras. Matinding kaba ang nararamdaman niya sa dibdib. Maraming bagay ang pumapasok sa kanyang isipan. Paano kung mawala ang dalaga nang hindi man lang siya nakahihingi ng tawad dito? Kakayanin ba niya iyon? Hindi. May bahagi sa puso niya na umaasang magkakasama pa sila ng matagal. Yumuko siya at nakapikit na umusal ng taimtim na panalangin. Buong buhay niya ay ngayon lang siya nanalangin nang ganoon.

Ilang saglit pa ay humahangos na dumating si Rogelio.  Mababakas ang labis na pag-aalala nang lumapit ito kay Julian.

"Julian, kumusta na si Lianne?" tanong nito sa binata.

"Dad," sambit ni Julian ng makita ang kinagisnang ama. "Nasa loob pa ho siya ng operating room. Hindi pa lumalabas ang doktor kaya hindi ko pa alam ang kalagayan niya," sagot niya. "Si Mommy?"

"Naiwan siya kay James. Baka kasi kapag kaming dalawa ng mommy mo ang umalis ay maghinala si James. Hindi pa namin ipinaaalam kay James ang nangyari. Baka mag-alala pa ito kapag nalaman nito ang nangyari kay Lianne. Hindi pa siya lubos na magaling," paliwanag ni Rogelio. Mababakas sa mukha nito ang labis na paghihirap ng kalooban dahil sa magkasunod na nangyari sa kanyang mga anak. Nangilid ang luha nito sa mga mata. "Julian, hindi ba ako naging mabuting ama? Ito ba ang kapalit ng lahat ng mga kasalanan ko sa'yo? Bakit ang mga anak ko ang nagbabayad sa mga pagkakamali kong nagawa noon?" sunud-sunod na tanong nito. "Sana ako na lang ang pinarusahan Niya hindi ang mga anak ko!" naghihinagpis na sabi nito. Tuluyan ng tumulo ang luha nito sa mga mata.

"Dad, huwag kang magsalita ng ganyan! Walang may kasalanan sa lahat ng nangyaring ito. Sinusubok lang Niya tayo. Siguro ito ang paraan Niya upang mabuo ang pamilya natin. Hindi ba dahil sa mga nangyari kay James, nagawa niyang tanggapin si Lianne?... Dad, walang mangyayaring masama kay Lianne. Matapang si Lianne. Lumalaban," pahayag ni Julian sa kinagisnang ama. Inaalo ang ginoo.

Ngumiti si Rogelio sa binata. Niyakap niya ito. "Patawarin mo sana ako sa mga nagawa ko sa'yo, a-anak!" matagal na niyang gustong sabihin iyon sa binata ngunit pinipigilan lamang siya ng pride.

Masayang yumakap din ang binata sa kinagisnang ama. Pinipigil na mapaluha. Matagal na niyang hinihintay ang pagkakataon na iyon na matanggap siya bilang anak ng kinagisnang ama.

Mataman lamang na nakatingin si Daniel sa mag-ama. Naguguluhan siya dahil wala siyang alam sa mga pangyayari sa buhay ng pamilya nito.

Natigilan sila nang mapansin na tila natataranta ang mga tao sa loob ng operating room. Naglalabas-masok ang mga nurse sa loob nito.

"Nurse, ano ang nangyayari?" nag-aalalang tanong ni Julian sa nurse na lumabas ng kuwarto. Mabilis ang lakad nito at hindi siya pinansin.

Napatayo na si Daniel sa pagkakaupo sa bench. Mababakas na rin ang pag-aalala sa nakikita.

May pumasok na iba pang nurse sa loob ng operating room. Bago makapasok ang kaninang nurse na tinanong ni Julian ay nahawakan na niya ito sa braso.  "Sandali lang nurse, ano ang nangyayari sa loob? May masama bang nangyayari kay Lianne?" madiin niyang tanong dito.

"Sir, bitiwan n'yo ako. Kailangan na itong dala ko sa loob," sagot nito sa kanya. Nakita niya ang suwero na dala nito. Binitiwan niya ito.
Nakita ng nurse ang pag-aalala sa kanilang mga mukha. Tila naawa ito sa kanila. "Nagpa-flatline po ang pasyente," iyon lang at tumalikod na sa kanila ang nurse.

Lalong nilang naramdaman ang labis na pag-aalala.

Ilang sandali pa ang lumipas. Lumabas ang doktor sa operating room. Lumapit sila sa doktor.

"Kayo po ba ang kamag-anak ng pasyente?" tanong ng doktor sa kanila.

"Ako po ang kanyang ama," pakilala ni Rogelio. "Doc, kumusta na po ba ang anak ko?" may pagaalala sa boses na tanong nito.

Malungkot ang mukha nitong tumingin sa ginoo. Mahinang napabuntong-hininga. "I'm sorry, sir! Ginawa na po namin ang lahat ng aming magagawa. Natanggal na po namin ang bala sa katawan niya at wala naman pong tinamaan na vital parts pero… mahina po ang puso niya kaya nag-flatline siya. Naibalik naman po namin ang pulse niya pero… base on my observation from her response, hindi na siya tatagal," mahabang pahayag ng doktor sa ginoo.

Lumaylay ang mga balikat habang napayuko at mariin na napapikit si Daniel sa narinig. Pakiramdam niya ay binagsakan siya ng langit at lupa.
Napasuntok naman si Julian sa pader habang nakatiim ang mga labi. Tahimik na lumuha.

Napaupo ang ginoo sa bench, tila nanlambot ang tuhod nito sa narinig.

"Ililipat na po ang pasyente sa ICU. Pwede n'yo siyang puntahan doon," pagkasabi ay nagpaalam na ang doktor.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon