Chapter 23

5 0 0
                                    

Malayo na ang nalalakad ni Daniel. Basang-basa na silang pareho ni Lianne. Halos hindi na niya nakikita ang dinadaanan sa lakas ng ulan.

"P-patawarin mo ako…pati ikaw a-ay…nadamay sa…k-kamalasan ko," kahit paunti-unti ay nasabi ni Lianne ang gustong paabot sa binata. Nakapikit na ang kanyang mga mata. Laylay na ang kanyang ulo sa balikat nito. Gusto man niyang magpagaan ay hindi na niya magawa dahil wala na siyang lakas. Masamang-masama na ang kanyang pakiramdam. Nangangatog na ang kanyang buong katawan sa sobrang ginaw. Pakiramdam niya ay malalagutan na siya ng hininga.

"Huwag kang magsalita nang ganyan. Makakaalis din tayo rito. May tutulong din sa atin," bulalas ni Daniel. Kahit nahihirapan ay pilit niyang kinakaya ang dalaga. Naramdaman niyang unti-unting gumagaan ang yakap ng dalaga sa kanya. Ilang sandali pa ay lumaylay na ang mga braso nito.

"L-Lianne?" Nilingon niya ang bitbit na dalaga. Nakita niyang nakapikit na ang mga mata nito.

"Lianne, huwag kang matulog. Idilat mo ang mga mata mo," may pagpapanik na sa boses niya. "Lianne, gumising ka!"

Sa pagguhit ng kidlat sa kalangitan kasabay ng malakas na kulog, sa ‘di kalayuan ay may natanawan siyang kubo. Nagkaroon siya ng munting pag-asa. Mabilis niyang binagtas ang daan patungo sa kubo. Nang makalapit ay nakita niyang walang ilaw sa loob. Tumawag siya ngunit walang sumagot. Inakala niyang tulog na ang mga naninirahan doon dahil alam niyang maagang natutulog ang mga nakatira sa mga ganoong lugar. 

Nakailang tawag siya ngunit wala pa rin sumasagot kaya pumasok na siya sa loob. Sa tulong ng liwanag ng mga gumuguhit na kidlat ay nakita niya ang loob ng kubo. Wala ngang tao. Nakita niya ang isang malaking katre sa gawing kanan ng kubo. Maingat niyang ibinaba doon ang dalaga at inihiga. Natanawan niya ang isang munting gasera na nakapatong sa isang 'di kalakihang mesang kainan. Sinindihan niya ito ng dalang lighter. Nang magliwanag ay inilibot niya ang tingin sa buong paligid. Isang payak na kubo lamang ang loob nito. May katreng higaan, may mesang kainan at lutuang de kahoy ngunit ang mga gamit doon ay parang hindi pangmatagalan na tirahan.

Hinubad niya ang basang T-shirt na suot at piniga. Pagkaraan ay sinampay sa isang upuan. Lumingon siya sa dalaga. Nakita niyang yakap-yakap nito ang sarili habang nakabaluktot at nangangatog sa sobrang ginaw. Basang-basa din ang suot ng dalaga. Naka T-shirt ito at maong pants. Naisip niyang kailangan mahubad din ang basa nitong damit dahil baka mapulmonya pa ito. Nang lumapit siya ay sinalat niya ang noo nito. Mataas na mataas na ang lagnat ng dalaga. Nakita niya ang nakasalansan na unan at kumot sa dulo ng higaan. Kinuha niya ang kumot at itinakip iyon sa katawan ng dalaga. Maingat niyang hinubad isa-isa ang basang damit nito.

***

"J-James, James….si P-Pogi…" paulit-ulit na bigkas ni Lianne.

Nagising si Daniel sa boses ng dalaga. Inangat niya ang ulo sa pagkakayukyok sa mesa. Nakita niyang tila nagdedeliryo ang dalaga. Mabilis siyang tumayo sa pagkakaupo at nilapitan ito. Sinalat niya ito. Nakakapaso na ang init nito. Kinuha niya ang panyong ginamit kanina at lumabas. Malakas pa rin ang ulan. Binasa niya mula sa tulo ng tubig na dumadaloy sa bubong ng kubo ang panyo. Pagkaraan ay piniga at muling pumasok sa kubo. Nang maalis niya kanina ang basang damit ng dalaga ay nilagyan niya ng basang panyo ang noo nito upang bumaba ang lagnat nito. Nakatulong naman dito ang kanyang ginawa.

Nilagay niya sa noo ni Lianne ang panyo. At naupo sa tabi nito. Napansin niyang tila nangingitim na ang mapupula nitong labi sa sobrang ginaw. Tingin niya ay nagdedeliryo na ang dalaga sa sobrang taas ng lagnat.

"James…si Pogi," muling sambit ni Lianne habang nanginginig ang mga labi. Nakapikit pa rin ang mga mata nito.

Natigilan siya sa sinabi ng dalaga. Hindi niya maunawaan ang nararamdaman. Kumpirmasyon ba iyon na si James ay si Pogi? May kinalaman nga ba ang dalaga sa sindikato? Napabuntong-hininga siya sa naisip. May kinalaman man o wala ang dalaga sa sindikato ay kailangan pa rin niya itong  tulungan. Hindi niya maaaring pabayaan ang dalaga sa kalagayan nito ngayon.

Lalong nangatog ang dalaga. "James," paulit-ulit nitong sambit. Nakita niya ang luhang tumulo sa mga mata nito.

"Lianne," tawag niya sa dalaga. Hinagod-hagod niya nang palad ang braso nito upang maibsan ang ginaw na nararamdaman nito. Ngunit parang wala pa rin epekto ang kanyang ginagawa. Nangingikig pa rin ito sa ginaw. Wala na siyang ibang maisip gawin kundi ang tumabi sa dalaga sa higaan at yakapin ito. Nakatulong ang kanyang ginawa dahil tumigil ang pangangatog ng katawan nito. Nabawasan ang ginaw na nararamdaman nito dahil sa init na nagmumula sa kanyang katawan. Matagal na sila sa posisyong iyon nang maalala niyang tanging ang kumot lang ang nasa pagitan nila ng dalaga. Biglang nag-init ang kanyang pakiramdam sa isiping iyon. Sabihin mang mataba ang kanyang katabi, babae pa rin ito. Lalong nadagdagan ang init na nararamdaman dahil dama niya ang lambot ng katawan nito. Tumingin siya sa mukha ng dalaga. Pinagmasdan ang napakaamong mukha nito na tila anghel. Napansin niyang bumalik na ang kulay ng natural na mapupulang labi nito. Gumalaw ang mga labi ng dalaga. Tila ba may pang-akit ito. Pakiramdam niya ay hindi siya makahinga ng mga oras na iyon. Para bang may nag-uutos sa kaibuturan ng kanyang puso na halikan ang labi nito.

"James," sambit ng dalaga. Nagmulat ang mga mata ni Lianne. Malalamlam pa ang mga mata nito nang magtama ang kanilang tingin.

Banayad na ngumiti si Lianne nang siya'y masilayan. "Nananaginip ba ako? Kung isa itong panaginip, sana hindi na ako magising," halos pabulong na sabi ng dalaga, hindi inaalis ang tingin sa kanya.

Hinawakan ng dalaga ang kanyang pisngi. "Mahal kita. Mahal na mahal," sabi pa nito na tila nangungusap ang mga mata.

Makikita ang pagmamahal sa mga mata nito. Nilapit ng dalaga ang mukha sa kanya at kinintalan siya ng halik sa labi. Natangay na siya ng mga pangyayari. Humigpit ang yakap niya sa dalaga at tinugon ang halik nito. Kusang umangat ang kamay ng dalaga sa kanyang batok. Hanggang ang banayad na halik ay naging mapusok.

Hindi na niya alintana ang muling pagguhit ng kidlat kasabay ng malakas na kulog habang malakas ang buhos ng ulan sa labas ng kubo.    

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon