Chapter 52

7 0 0
                                    

Nakatayo si Lianne sa buhanginan at tahimik na nakatanaw sa payapang dagat. Tuwing ganoong gabing maalinsangan ay lagi siyang nasa tabing dagat sa bahagi ng islang iyon. Malayo sa mga guest ng resort. May kadiliman sa lugar na iyon at alam niyang walang gagambala sa kanya doon.

Ilang taon na ang nakalilipas ngunit hindi pa rin niya makalimutan ang mga pangyayari noon. Patuloy pa rin siyang binabalikan ng mga alaala ng kahapon. Marahil may bahagi sa puso niya ang nangungulila. Munting espasyo sa puso niya na naiwan sa nakaraan.

Nang makita niya ang kanyang ina noong nag-aagaw-buhay siya ay hindi siya nito isinama. Pinabalik siya nito dahil hindi pa raw tapos ang misyon niya sa buhay. Kapag umalis siya ay maraming puso ang masasaktan at mangungulila. Sinabi rin nito na balikan niya ang kanyang kaligayahan. Hindi niya maunawaan ang ibig nitong sabihin.

Nang magising siya nakita niya ang lahat ng mga taong nagmamahal sa kanya. Sa mansyon na siya inuwi ng kanyang ama ng gumaling siya. Pinaramdam ng pamilya nito ang pagmamahal sa kanya.

Nalaman niyang nakaligtas din si Billy at nasa maayos na itong kalagayan.

Ilang beses siyang pinuntahan doon si Daniel ngunit hindi niya iyon hinarap dahil sariwa pa rin ang sugat na idinulot nito sa kanya. At kung hinarap man niya ang binata hindi niya rin alam kung paniniwalaan pa niya ang lahat ng sasabihin nito.

Nang malaman niya na dadalhin siya at si James sa Amerika ng kanilang ama ay ginusto niyang makita ang kaibigan. Ayaw siyang payagan noon ng ama dahil sa ginawa nito sa kanila ni James ngunit nakiusap siya sa ama.

Nang dinalaw niya ang kaibigan sa PDEA headquarter, nakita niya ang labis na kasiyahan sa mukha nito. Masaya ang binata, una, dahil nakaligtas siya sa kamatayan. Pangalawa, ay napatawad na niya ang binata sa lahat ng nagawa nitong kasalanan sa kanya. Nakita niyang nahapis ng husto ang mukha nito. Nakaramdam siya ng awa para sa kaibigan. Nauunawaan niya kung bakit nagawa ng kaibigan ang lahat ng kasamaang iyon. Alam niyang naghahangad at naghahanap lang din ang binata ng pagmamahal. Pagmamahal mula sa ama nito. Pagmamahal mula sa kanya. Alam niya may kasalanan din siya sa kaibigan. Naging bulag siya at makasarili. Naging insensitive siya sa nararamdaman ng binata. Sarili lamang niya ang inisip niya.

Bumakas ang kalungkutan sa mukha nito ng sabihin niya ang plano ng ama. Ngunit natuwa rin ito sa kaalamang nabuo na ang kanyang pamilya dahil natupad na ang kanyang pangarap. Nalungkot siya at napayakap sa kaibigan ng banggitin nito ang tungkol kay Daniel. Umiyak siya sa balikat nito. Pati ang kaibigan ay nakiiyak sa kanya. ‘Sana ikaw na lang ang minahal ko. Kasi mas bagay tayo. Ikaw kasi, kasalanan mo…kung sinabi mo kaagad sa akin ang damdamin mo para sa akin, sana hindi na ako naghanap ng iba. Sana, hindi na ako nasaktan!' naaalala niyang birong sabi niya sa kaibigan noon.

Tumulo ang luha sa kanyang mga mata sa mga alaalang iyon. Muling nanariwa ang sakit na nararamdaman niya sa dibdib.

Nang bumalik siya dito sa bansa ay dinalaw niyang muli ang kaibigan na nasa Muntinlupa na. Nababakas naman niya ang kasiyahan sa mukha nito. Nalaman niya na nagkamabutihan na ito at si Ella. Nang makulong ito ay ang dalaga ang matiyagang dumadalaw sa binata. Ipinaramdam ng dalaga ang pagmamahal sa kanyang kaibigan. Nalaman niya na mabibigyan ng parol ang kaibigan kapag ipinagpatuloy nito ang maganda nitong record sa loob ng kulungan. Isa pa, menor de edad pa rin naman ito noong nagawa nito ang krimen kaya nabawasan ang sintensiya nito.

Kasama rin nito ang ama sa loob ng munti. Hindi man mabibigyan ng parol ang ama nito ay masaya na rin ang matanda dahil makapagbabagong buhay ang anak sa labas ng munti. Nang nasa loob na sila ng kulungan doon lamang nito napagtanto na mahal niya ang anak at labis siyang nagsisisi dahil siya pa ang nagtulak sa sariling anak sa kapahamakan nito.

Nang bumalik ang isip ni Lianne sa kasalukuyan ay kinalas niya sa pagkakatali sa kanyang leeg nang sarong na gamit. Nang makalas ang tali ay ibinagsak niya ang sarong sa buhangin. Naglakad siya patungo sa dagat. Naramdaman niya ang lamig ng tubig dagat ng tumapak ang paa niya doon ngunit nagpatuloy siya sa paglakad. Lumangoy siya at naligo sa dagat. Pinagsawa niya ang sarili sa paglangoy doon.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon