Chapter 44

7 0 0
                                    

Kinabukasan na nagising si Lianne. Si Julian ang una niyang nakita pagkamulat niya ng mata. Nakangiti ang binata habang hawak ang kanyang kamay. Napansin niyang wala siya sa sariling kuwarto. Sa tingin niya ay nasa isang private room ng hospital ang kinalalagyan niya. Nakita niya rin na nandoon ang kanyang tiyahin. Pagkatapos siyang asikasuhin ng binata ay muli nitong tinanong kung ano talaga ang nangyari noong nakaraang gabi ngunit hindi niya iyon sinagot kahit na anong pilit nito. Nakita niya ang pagdaramdam nito sa kanya. Ngunit ayaw na niyang magkuwento pa dahil ayaw na niyang maalala ang lahat ng nangyari nang gabing iyon. Dahil nagising na siya sa kanyang panaginip. 

Nagulat siya ng dalawin siya doon ng kanyang ama. Nalaman niya dito ang nangyari kay James nang nakaraang gabi. Nalaman rin niya na ang hospital na pinagdalhan sa kanya ni Julian ay ang hospital din kung saan naroroon si James.

Nang magpaalam na sa kanya ang ama na uuwi na ay nakiusap siya kay Julian na samahan siya sa kuwarto ni James. Gusto niyang makita ang nakababatang kapatid. Hindi naman siya nito binigo.  Sinamahan siya nito. Ngunit nagtaka siya ng makitang may dalawang pulis na nakabantay sa labas ng kuwarto ng kapatid. Nagtatanong ang mga matang napatingin siya kay Julian.

"Mamaya ko na ipaliliwanag," sabi nito sa kanya.  Nang makalapit sila sa kuwarto ay nagpakilala si Julian na kapatid nang pasyente. Pinapasok naman sila ng ipakita ng binata ang driver's license sa pulis.

Nang makapasok sila nakita niyang inaayos ng ginang ang kumot ni James. Ngumiti ito sa kanya nang makita siya. Kahit nakangiti ay mababakas pa rin sa mga mata ng ginang ang lungkot. Nakita niyang tulog pa rin ang kapatid. Lumapit siya sa ginang at humalik sa pisngi nito.

"Kumusta na ho si James?" nag-aalala niyang tanong. Tumingin siya sa kapatid.

"Mabuti na ang kalagayan niya ngayon. Pero kagabi…" namuo ang luha sa mga mata ng ginang. "..takot na takot ako, dahil nag-agaw buhay siya. Akala ko kukunin na Niya si James. Wala namang tinamaang vital parts ang balang pumasok sa katawan niya ngunit maraming dugo ang nawala sa kanya. Mahirap pa naman hanapin ang tipo ng dugo niya.  Mabuti na lamang may mabuting tao ang nag-donate ng dugo sa kanya. Gusto sana namin siyang pasalamatan kaso hindi na siya nagpakilala. Hindi rin siya nagpakita sa amin," mahabang pahayag ng ginang sa kanya.

"L-Lianne," tawag sa kanya ni James.

Napatingin sila sa nagsalita. Nakita nilang may malay na si James. Nakatingin sa kanila habang may ngiti sa labi.

"Mommy," tawag nito sa ina.

Mabilis na yumakap ang ginang sa anak. Pinaghahalikan nito ang pisngi ng binata. "James, hijo, mabuti at nagising ka na!" maluha-luhang sabi ng ginang.

Ngumiti si James sa ina. "Mahal na mahal ko po kayo, mommy! Patawarin n'yo ho sana ako," nangingilid na rin ang luha nito.

"Kuya," kapagkuwan ay tawag nito sa nakatatandang kapatid.

Ngumiti si Julian. Pinisil nito ang braso ng kapatid. "Magpagaling ka kaagad, ha!"

Tumingin si James kay Lianne. "Lianne… Ate," may ngiti sa labing tawag nito sa kanya. Inangat nito ang kamay.

Lumuluhang inabot niya ang kamay ng nakababatang kapatid. Sa kabila ng pagdurusang nararamdaman ng kanyang puso sa ginawa ni Daniel ay natuwa siya dahil natupad na ang matagal na niyang pangarap. Ang matanggap siya ng nakababatang kapatid. Binigyan siya ng daan ng ginang kaya nakalapit siya sa tabi nito. Lumuluhang niyakap niya ang kapatid.

"Ate Lianne, sana mapatawad mo ako sa mga ginawa ko sa'yo," hingi nito ng tawad.

Inilayo niya ang katawan sa binata. Pinisil niya ang palad nito. Nakangiti siyang tumango sa kapatid, wala pa rin tigil ang kanyang pagluha. "Wala ka namang kasalanan sa akin, eh. Kung meron man, matagal na kitang napatawad," madamdamin niyang sabi.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon