Chapter 43

4 0 0
                                    

Nang lumabas si Lianne nang bulwagan ay mabilis ang mga lakad na umalis siya ng hotel. Tila walang landas na tinatahak. Ang tanging hangad lang niya ay makalayo sa lugar na iyon. Tumawid siya sa isang tawiran na nadaanan. Walang tigil sa pagtulo ang mga luha sa kanyang mga mata.

Para namang nakiramay sa kanya ang kalangitan. Naglalakad siya sa gilid ng kalsada nang bumuhos ang malakas na ulan. Patuloy lang siya sa paglakad na tila wala sa sarili. Wala siyang pakialam kung mabasa man siya ng ulan.

"Bakit ka kasi naniwala, eh! Ang tigas kasi ng ulo mo, Lianne. Sinabi na kasi sa iyong walang magseseryoso sa isang katulad mo, pero naniwala ka pa rin sa kanya. Hindi ba, tinanggap mo na noon na walang magmamahal sa'yo ng totoo dahil sa hitsura mo? Hindi ba, tinanggap mo nang tatanda kang mag-isa? Ang kulit-kulit mo kasi, eh! Bakit naniwala ka sa kanya na kaya ka niyang mahalin sa kabila ng lahat? Bakit naniwala ka na iba siya sa mga lalaki d'yan? Pare-pareho lang silang lahat, pisikal lang na anyo ang tinitingnan. Hindi nila kayang magmahal ng isang pangit na katulad mo, Lianne," masama ang loob na kausap niya sa sarili.

Tumunog ang cellphone niya ngunit hindi niya sinagot. Patuloy lang siya sa paglalakad habang walang tigil sa pagtulo ang luha sa kanyang mga mata. Tila hinuhugasan naman ng malakas na patak ng ulan ang mga luha sa kanyang pisngi.

Pagkaraan ng ilang oras ay tumila rin ang ulan. Tumigil na rin sa pagtulo ang mga luha sa kanyang mga mata. Parang manhid na ang pakiramdam niya. Parang wala na siyang mailuha. Pagod na rin siya sa paglalakad. Nakatayo na lamang siya sa gilid ng daan habang nakayuko ang ulo. Madalang na ang sasakyan na dumadaan sa lugar na kinaroroonan niya dahil disoras na ng gabi.

Muling tumunog ang kanyang cellphone. Kinuha niya ito sa dalang handbag at sinagot. Si Julian ang nasa kabilang linya. Mababakas ang pag-aalala sa boses nito nang magsalita. Nakita siya ng binata nang nasa lobby na siya palabas ng hotel. Tinawag siya nito ngunit hindi niya napansin dahil masamang-masama ang loob niya habang umiiyak. Tinanong nito kung nasaan siya. Nasagot naman niya ang tanong nito. Binilinan siya nito na huwag umalis sa kinaroroonan dahil pupuntahan siya nito. Nang maibalik niya ang cellphone sa handbag ay naramdaman niya ang ginaw kaya nayakap niya ang sarili. Kahit na nanginginig na ang katawan niya sa sobrang ginaw ay hindi siya umalis sa kinatatayuan.

Nagmamaneho si Daniel papunta sa headquarter nang matanawan niya si Lianne sa kabilang panig ng kalsada. Napansin niyang basang-basa ang dalaga at nanginginig ito sa sobrang ginaw. Ipinarada niya ang sasakyan sa gilid ng kalsada. Bababa sana siya sa kotse upang puntahan ang dalaga ngunit nakita niyang huminto sa harap nito ang kotse ni Julian.

***

"Lianne, ano ba ang ginagawa mo dito? Bakit ka nagpa-ulan? Baka magkasakit ka niyan," may pag-aalala sa boses na sabi ni Julian sa dalaga pagkalapit dito. Napansin niyang nanginginig ang dalaga sa sobrang ginaw kaya hinubad niya ang suot na coat at isinuot iyon sa dalaga.

Inangat ni Lianne ang ulo at tumingin sa binata. Nangingilid ang luhang yumakap dito. Sa balikat ng binata ay muling nag-unahan sa pagpatak ang kanyang mga luha.

"Lianne, ano ba ang nangyari? Bakit bigla kang umalis sa party?" tanong ni Julian habang hinihimas ang likod nito, inaalo ang dalaga.

Muling pumatak ang ulan kasabay ng kulog at kidlat. Iginiya ni Julian ang dalaga papasok sa kotse nito. Pagkaraan ay siya naman ang sumakay sa driver seat. Hindi pa niya pinaandar ang sasakyan. Lumingon siya sa dalaga na walang tigil sa pagluha.

"Sagutin mo ako, Lianne. Ano ang ginawa sa iyo ng lalaking iyon?" madiing tanong nito sa dalaga.

Malungkot ang mga matang tumingin sa kanya ang dalaga. Umiling.

"Julian, mahirap ba akong mahalin?"

"Ano bang tanong iyan?" tanong na sagot ng binata sa kanya.

"Bakit ayaw mo akong sagutin? Siguro nga hindi ako kaibig-ibig. Siguro nga walang magmamahal sa isang matabang babaeng tulad ko," puno ng hinanakit niyang pahayag. Nanginginig na ang kanyang mga labi sa ginaw na nararamdaman. Mabigat na rin ang pakiramdam niya. Muling nayakap niya ang sarili.

"Bakit mo sinasabi ‘yan?" naguguluhang tanong ni Julian.

"S-sagutin mo ako, please!"

"Okay, I'll answer it! Lianne, hindi ka mahirap mahalin. Sa katunayan nga…" pinag-isipan muna ni Julian kung ipagtatapat ang nararamdaman. "..mahal kita," kapagkuwan ay pagtatapat ng binata.

Mahinang tumawa si Lianne. "Natural, kapatid mo ako, eh!"

"No," madiin nitong sabi. "Hindi kita kapatid, Lianne. Mahal kita, iyon ang totoo!" Hinawakan nito ang kanyang kamay. Pinisil nito ang kanyang palad.  "Mahirap ipaliwanag. Noon akala ko, ang nararamdaman kong ito ay dahil para na kitang kapatid, pero nagising na lang ako isang araw na hindi pala para sa kapatid ang pagmamahal na nararamdaman ko sa'yo," madamdamin nitong pag-amin.

Napatingin si Lianne sa binata. Sinasalamin sa mga mata nito ang katotohanan sa mga sinabi. Pagkaraan ay napailing siya.

"Hindi. Naaawa ka lang sa akin," hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Napayuko siya. Pakiramdam niya ay babagsak na siya dahil sinasamaan na talaga siya ng katawan.

"Hindi totoo iyan. Bakit ba ayaw mong maniwala sa akin? Ano ba talaga ang ginawa niya sa'yo?" Si Daniel ang tinutukoy nito. "Sinaktan ka ba niya?" nakakunot ang noong tanong nito.

Napaluha siyang muli. Nanariwa ang sakit na nararamdaman nang maalala ang masasakit sinabi ni Daniel sa party.

Nakita ni Julian ang luha sa kanyang pisngi. Hinawakan nito ang kanyang pisngi at pinunasan ang luhang namamalisbis doon. Inangat nito ang kanyang mukha at tumitig sa kanyang mga mata.

"Lianne, mahal kita!" Nakita niya ang pagmamahal sa mga mata nito. Unti-unting yumuko ang binata palapit sa kanyang mukha. Inilapat nito ang labi sa kanyang mga labi. Kasabay niyon ay nagdilim ang lahat sa kanyang paningin.

Sa kabilang panig ng kalsada ay mahigpit na napahawak si Daniel sa manibela sa nakita. Madiing nakatiim ang mga labing ini-start ang sasakyan at mabilis na pinaharurot ang sariling kotse palayo sa lugar na iyon.

Hindi na napansin ni Julian ang umalis na sasakyan dahil nabigla siya nang mawalan ng malay ang dalaga. Naramdaman niyang mainit na mainit ang dalaga. Inaapoy ito nang lagnat. Inayos niya ang dalaga sa pagkakaupo. Pagkaraan ay pinaandar na ang sasakyan. Dinala niya ang dalaga sa pinakamalapit na hospital.  

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon