Chapter 7

9 0 0
                                    

Maingay at dumadagundong sa paligid ang masayang tugtugin sa loob ng isang bar. May ilang kabataan na sumasayaw na tila walang kapaguran sa gitna ng dance floor. May ilan din na nagkakasayahan habang umiinom. Iyon ang karaniwang makikita sa bar na iyon. Ngunit hindi basta-basta ang bar na iyon dahil halos mga conio o mga kabataang nagmula sa mayayaman at kilalang pamilya at pulitiko ang mga parukyano ng bar na ito. Mayroon ding mga artista at ilan din na kilala sa larangan ng sports.

Sa isang sulok ng bar ay tahimik na umiinom ng alak si James. Nakita niya ang dalawang kaibigan na pabalik na galing sa dance floor sa kanilang table kasama ang dalawang babae na kakakilala lang nila.

"Ano pare, wala pa ba?" tanong ni JR pagkaupo sa silya nitong okupado.

"Wala pa," sagot niya dito.
Iinom sana siyang muli ng alak ngunit inagaw ni Ella ang kanyang baso. Ang babae ay ang nakasayaw ni JR. Malagkit ang mga tinging umupo ang dalaga sa tabi ni James. Ininom ng dalaga ang alak na laman ng baso hanggang sa maubos. Pagkaraan ay ibinaba ang baso sa mesa, hindi pa rin inaalis ang malagkit na tingin sa binata. Napansin ni James na medyo tipsy na ang dalaga.

"Pogi, bakit ayaw mong magsayaw? Masaya sa dance floor," malambing na sabi nito kay James. Ipinulupot pa ng dalaga ang braso sa leeg ng binata at inilapit ang mukha.

Halos naaamoy na ni James ang hininga ng dalaga na magkahalong amoy ng alak at sigarilyo. Sa tingin niya hindi lang alak ang tinira ng dalaga dahil sa mga kilos nito.

"Alam mo bang napaka-guwapo mo?" hinihipo ng dalaga ang labi ng binata habang nakatitig doon. Muli tumingin ito sa kanyang mga mata.

Marahang hinawi ni James ang kamay ng dalaga sa kanyang labi.

Mapang-akit na ngumiti ito sa binata. "Bakit ngayon lang kita nakilala? Alam mo bang ang mga tipo mo ang gusto ko?"

Hindi na nito hinintay na magsalita pa ang binata. Binigyan na nito nang isang mapusok na halik ang binata. Dala nang alak na nainom ay hindi na rin napigil ni James ang sarili. Tinugon niya ang mga halik ng dalaga hanggang sa ito ay maging maalab.
Nagkatinginan ang napapangiti habang umiiling na dalawang kaibigan ni James.

Mula sa isang sulok ng bar ay isang lalaki ang nakatingin sa grupo ni James. Sumilay sa mga labi nito ang isang tusong ngiti habang nakatitig sa binata.

"Boss Pogi, ngayon na ba?" tanong ng isang lalaki dito.

Tumango lang ang tinanong. Pagkalipas nang ilang minuto. Lumapit ang bouncer sa mesa nila James. "Nandiyan na si Boss. Pero sabi niya isa lang ang puwedeng pumasok sa inyo," malaki ang boses na sabi ng bouncer.

Nagkatinginan silang tatlo. "Ako na lang," sabi ni James. Inalis niya ang pagkakapulupot ng braso ni Ella sa kanyang braso.

Tumingin ang lalaki kay James. "Sumunod ka sa akin. "
Pagkasabi ay tumalikod na ito at lumakad palayo. Kinuha ni James ang dalang backbag at sumunod sa lalaki.

"Pare," tawag ni Ron.
Lumingon si James sa kaibigan. "Ingat ka!" paalala nito.

Ngumiti si James at tumango. Pagkaraan ay sumunod na sa lalaki. Nang pumasok sila sa isang pinto ay marami pa silang dinaanan at pinasok na pinto bago narating ang pakay na kuwarto na tila opisina.
Nakaupo sa swivel chair ang isang may katabaang lalaki. Sa tingin niya ay nasa apatnapu pataas na ang edad nito. Medyo maaskad ang mukha nito na parang lider ng isang gang. Walang kangiti-ngiti itong nakatingin sa kanya.

"Dala mo ba?" matigas at malaki ang boses nitong tanong.

"Oo," matatag niyang sagot. Diretso ang tingin niya sa lalaki.

Inilapag niya ang dalang backbag sa ibabaw ng mesa sa harap nito.
Binuksan ng lalaki ang bag upang i-check. Inilabas ang isang kahon. Binuksan. Bumungad sa kanilang paningin ang maayos na nakasalansan na mga ballpen. Kumuha ng isa ang lalaki at tiningnan ang tatak. Pagkaraan ay tumingin ito kay James at ngumisi ng nakakaloko, na naging halakhak. Humalakhak din ang kasama niya kaninang bouncer.
Walang kangiti-ngiti at seryoso lamang na nakatingin si James sa lalaki.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon