Chapter 36

1 0 0
                                    

Nakasandal si James sa labas ng kanyang kotse. Nag-iisa lamang siya, hindi niya isinama ang kanyang mga kaibigan. Nasa parking area siya sa isang park malapit sa computer shop ng kapatid. Tinawagan niya ang kapatid at nakipagkita. Hindi nagtagal ay natanawan niya ang kanyang kuya.

Nilakad lamang ni Julian ang pagpunta sa park. Nang makalapit ito sa kanya ay niyakap siya nito sabay tapik sa balikat.

"Kumusta na, James! Mabuti naman at nakipagkita ka na sa akin," sabi ni Julian.

Madalas kasing kinokontak ni Julian si James ngunit ayaw naman nitong makipag-usap dahil alam nitong pagsasabihan lamang ito ng una tungkol kay Lianne.

"Gusto lang kasi kitang makita at maka-usap," simple niyang sagot.

Nakita ni Julian ang lungkot sa mga mata ng kapatid. "Gusto mo, doon na lang tayo sa shop para makapag-usap tayo ng maayos," suwestyon nito.

"Huwag na, Kuya, dito na lang," sabi niya. Naisip niyang mas maigi na iyong doon sila mag-usap kaysa sa shop, baka kasi nandoon ang tauhan ni Edward.

"Sigurado ka?" tanong nito.

"Oo," sagot niya habang tumatango. Naupo sila sa isang bench na malapit doon.

Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanilang dalawa.

"James," simula ni Julian. "Maraming balita ang nakararating sa akin tungkol sa mga pinaggagawa mo."

Napatingin si James sa nakatatandang kapatid. Hindi siya sumagot, bilang pagsang-ayon sa sinabi nito.

"Ganyan ba talagang buhay ang gusto mo? Sa mga ginagawa mo, parang inuulit mo lang ang mga pangyayari noon." Tumingin si Julian sa kapatid. "Hindi ka pa ba natuto sa mga nangyari sa akin? Walang magandang maidudulot sa buhay ang droga."

"Alam ko," matipid niyang sagot. Tumingin siya sa kanyang kuya. "Pero nandito na ako. At hindi ganoon kadaling lumabas sa sitwasyon."

"May problema ba? Kailangan mo ba ang tulong? Sabihin mo, nandito lang ako. Pakikinggan kita," sabi ni Julian sa kapatid. Nakikita niya ang pag-aalala sa mga mata nito.

Umiling si James. "Pinasok ko itong mag-isa at lulusutan ko rin itong mag-isa."

"James?!"

"Kuya, please! Hayaan mong lutasin ko ang problema kong mag-isa. Ayokong madamay kayo nina mommy at daddy," pakiusap niya dito.

"Iyon na nga, eh, nag-aalala na sa'yo si Mommy! Hindi mo ba siya naiisip? Labis na ang paghihirap ng kalooban niya sa sobrang pag-aalala sa'yo. Paano kapag napahamak ka pa?" pahayag ni Julian.

"Kuya, nandito ako para sabihin sa'yo na bantayan mo sina mommy at daddy. Nanganganib ang buhay nila pati na ang buhay mo," pag-amin niya sa kapatid.

"Ano ang ibig mong sabihin?" nakakunot ang noong sabi ni Julian.

"Sabihin mo rin kay Lianne, mag-iingat siya. Huwag siyang magtitiwala kahit kanino basta-basta, kahit na sa pinakamatalik niyang kaibigan," dagdag pang sabi ni James.

Natanawan niya ang isang lalaki di-kalayuan sa kanila. Kanina pa niya iyon napapansin na aali-aligid.

"James, may kinalaman ba ito sa sindikato? Pinagbabantaan ka ba nila? Sabihin mo sa akin, sino si Pogi?" sunud-sunod na tanong ni Julian.

Nagtatakang napatingin si James kay Julian. "May alam ka?" tanong niya dito.

"Oo. James, aminin mo sa akin, sino si Pogi?" mariin na tanong muli ni Julian.

Naguguluhan si James nang biglang tumunog ang kanyang cellphone. Nakita niyang number ni Edward ang nakaregister. Sinagot niya iyon.

"Ano ang ginagawa mo diyan? Nagsusumbong ka sa kuya mo? Gusto mo bang hindi na siya sikatan ng araw?" may pagbabanta sa boses ni Edward na nasa kabilang linya. "Umalis ka na diyan kung ayaw mong uminit ang ulo ko."

Napatiim-bagang siya. In-off na niya ang cellphone.

"Aalis na ako, Kuya," sabi niya habang tumatayo. Maglalakad na siya palayo nang hawakan siya ng kapatid sa braso.

"Bakit aalis ka na? Si Pogi ba ang tumawag? Pinagbabantaan ka ba niya?" mariin nitong tanong.

Tinanggal niya ang kamay nito sa braso. "Hindi. Hindi ko kilala si Pogi," pagsisinungaling niya sa kapatid. Pagkasabi ay tumalikod na siya at mabilis na lumakad palayo doon.

"James!" malakas na tawag pa ni Julian sa kapatid ngunit hindi na siya nito nilingon. Mabilis na sumakay sa kotse ang kapatid at pinaharurot ang sasakyan palayo.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon