Chapter 24

5 0 0
                                    

"Sino ang nand'yan sa loob!" malakas na sigaw ng isang lalaki mula sa labas ng kubo. Maliwanag niyang narinig iyon sa kabila ng malakas na ulan sa labas.

Biglang natauhan si Daniel sa ginagawa. Inilayo niya ang mukha sa dalaga. Habol niya ang sariling hininga. Tiningnan niya ang dalaga. Nakita niyang may ngiti sa labi nito habang nakapikit. Humiwalay siya sa katawan ng dalaga at bumangon sa pagkakahiga.

Bumukas ang pinto ng kubo. Napalingon si Daniel sa pinto. Pumasok sa loob ng kubo ang isang matandang lalaki na sa tingin niya ay nasa mahigit sisenta na ang edad. May hawak itong shotgun. Itinutok nito ang baril sa kanila ng sila ay makita. Naalala niya ang dalaga. Lumingon siyang muli dito. Nakapikit pa rin ang mga mata nito at tila wala na muling malay. Inayos niya ang kumot na nakatakip sa katawan nito, pagkaraan ay tumayo siya. Itinaas ang dalawang kamay.

"Sino kayo? Ano ang ginagawa n'yo dito?" mariing tanong ng matanda. Tumingin pa ito sa dalagang walang malay na nakahiga sa katre.

"Sandali lang ho. Magpapaliwanag ako," sabi niya sa matanda.

Pinakinggan naman ng matanda ang kanyang paliwanag. Inalis ng matanda ang pagkakatutok ng baril sa kanya.

"Mabuti at dito kayo napadpad. Mapanganib sa gubat, ganyang malakas ang ulan," may tiwalang pahayag nito.

"Dito ho ba kayo nakatira?" tanong ni Daniel sa matanda pagkatapos magpaliwanag.

"Dati." Binaba ng matanda ang dalang baril sa mesa. Naglakad patungo sa likod na bahagi ng kubo. Dumungaw sa bintana na nandoon.

"Dati dito kami nakatira ng asawa ko at mga anak namin. Pero ngayon, doon na," payak na sabi nito. May tinuro ang matanda sa labas ng kubo. Lumapit siya dito upang tingnan ang tinuro nito.  Nagulat siya sa nakita. Isang malaking bahay na yari sa kahoy at bato ang nakatayo ‘di kalayuan sa kubong iyon. Lumang estilo ang yari nito. Gawa sa bato ang unang palapag at kahoy naman sa ikalawang palapag. Yari sa capiz ang mga bintana nito.

Nagtatakang napatingin siya sa matanda. Hindi niya nakita ang liwanag ng mga ilaw sa paligid ng bahay nito kanina.

"Pero wala ang bahay na iyan diyan kanina!" nagtataka niyang sambit.

Tumawa ang matanda. "Kadarating lang naming mag-asawa kaya ngayon lang nabuksan ang mga ilaw sa bahay. Kami lang kasing dalawa ng asawa ko ang nakatira d'yan," paliwanag ng matanda.

Napatango siya sa sinabi nito. Maaari nga na hindi lang niya napansin iyon dahil madilim sa paligid. At dahil tanging hangad lang niya kanina ay may masilungan sila ng dalaga kaya hindi niya napansin ang malaking bahay.

Lumapit ang matanda kay Lianne. Sinalat nito ang noo ng dalaga.

"Mabuti pa ilipat natin siya sa malaking bahay. Nilalagnat siya. Mas magiging maayos siya doon," sabi ng matanda sa kanya.

Nilipat nga nila si Lianne sa kabilang bahay. Sinalubong sila ng isang matandang babae na halos kasing edad ng matandang lalaki. Mababakas ang kagandahan ng matandang babae ng kabataan nito ngunit may katabaan nga lamang ito. Halos kasing laki rin ni Lianne. Nang maipasok nila ang dalaga sa isa sa mga kuwarto doon ay ang matandang babae na ang nag-asikaso sa dalaga.

Nasa veranda siya at nakatanaw sa labas. Hindi pa rin tumitigil ang ulan ngunit wala nang malakas na hangin. Nakapagpalit na rin siya ng damit. Pinahiram siya ng matanda ng t-shirt at pantalon. Sabi ng matanda ay damit iyon ng anak nitong lalaki na naiwan doon. Buti na lamang ay kasukat ng katawan niya ang katawan ng anak nito. 

Habang nakatanaw sa labas ay naiisip niya ang nangyari sa pagitan nila ng dalaga bago dumating ang matandang lalaki. Kung hindi siguro dumating ang matanda ay hindi niya napigilan ang sarili at may magagawa siyang maaaring pagsisihan niya bandang huli. Sinamantala niya ang kahinaan ng dalaga. Sinamantala niya ang panahon na wala ito sa sarili. Para nga ba kanino ang halik nito? Para kanino ang pagmamahal nito? Hindi ba, para iyon kay James.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon