Chapter 48

10 0 0
                                    

Kausap ni Edward si Marion nang lumapit si Bruno at ang iba pa, kasama sina Lianne, Daniel at Billy. Si Bruno ay ang malaking lalaki.

"Boss, meron kaming nahuling nakapasok dito sa warehouse. Mukhang balak itakas ang ating bihag!" sabi ni Bruno kay Edward.

Hindi pa nakikita ni Edward ang mga bihag dahil nakatalikod siya sa mga ito. Tumingin si Marion sa mga ito. Mababakas ang pagkagulat sa mukha nito nang makita sina Lianne at Daniel.

"Boss, sina Lianne at Daniel," bulong ni Marion kay Edward.

Mabilis na napalingon si Edward sa mga nahuli ng kanyang tauhan. Nakita niya si Daniel na hawak ng dalawa niyang tauhan. Puno ng pasa ang mukha nito. Si Billy ay hawak din ng kanyang dalawang tauhan ngunit nakalaylay na ang ulo nito sa sobrang hirap na dinanas. Si Lianne naman ay hawak ni Bruno habang nagpupumiglas sa pagkakahawak nito. Tumingin ang dalaga sa kanya. Sa tingin niya ay hindi pa rin siya nakikilala ng kaibigan. Napansin niya ang pumutok na labi ng dalaga. Napatiim ang kanyang mga bagang.

"Sino ang gumawa sa kanya n'yan?" galit na sabi niya. Tiningnan niya ng masama ang mga tauhan. Hindi maunawaan ng kanyang mga tauhan ang kanyang sinabi. Nagkatinginan ang mga ito.

Matalim ang tinging lumingon si Edward kay Marion.  Sinuntok niya nang malakas ang huli kaya napasubsob ito sa sahig. Nabigla ang binata sa kanyang ginawa.

"Napakatanga n'yo talaga. Nasundan na naman niya kayo!" madiing sabi niya. Si Lianne ang tinutukoy nito na nakasunod sa dalawa.

Napatiim ng bagang si Marion at napatingin sa dalaga. Dahan-dahan siyang tumayo.

Nabigla si Lianne sa ginawa ng tinawag na boss ng mga ito. Nagtaka siya kung bakit sa sariling tauhan nito nagalit ang binata. Hindi siya nagkamali sa kanyang hinala na ang lalaking nakita niyang kausap noon ni Marion ang tunay na Pogi.

Binunot ni Edward ang baril na nakasuksok sa kanyang likod. Itinutok niya iyon kay Marion.

Nanlaki ang mata nito sa takot. "Teka, boss!" pakiusap nito. Itinaas pa nito ang kamay na para bang kaya nitong masangga ang bala na tatama dito. Nakahinga ito ng maluwag ng alisin niya ang pagkakatutok ng baril.

Humarap si Edward sa mga bihag. Sa kanila naman nito itinutok ang baril na hawak nito habang lumalapit sa kanila. Huminto ang dulo ng baril nito kay Lianne. Ilang dipa na lang ang agwat nito sa dalaga.

"Hindi ba sinabi ko sa'yo, huwag ka nang makialam!" madiing sabi nito sa dalaga. Ikinasa nito ang baril.

Nahintakutan si Lianne sa ginawa nito. Hindi niya maintindihan ang ibig nitong sabihin. Nakatiim ang mga bagang nito habang nakatitig sa kanya. Tumaas-baba ang dibdib niya sa takot na nararamdaman at sa sobrang kaba. Hindi rin siya kumukurap sa pagkakatitig nito.

Nagpumiglas si Daniel para tulungan si Lianne ngunit hindi siya makawala sa pagkakahawak ng dalawang lalaki. "Huwag mong sasaktan si Lianne!" malakas niyang sabi kay Edward. Inundayan siya ng suntok sa sikmura ng isa sa humahawak sa kanya upang tumahimik siya. Napangiwi siya sa sakit.

Inangat ni Billy ang ulo at tumingin kay Edward. "Hayop ka talaga, Edward. Pati ba naman ang kaibigan mo, magagawa mong saktan?" tila nanghihina ngunit madiin na sabi nito. "Napakasama mo talaga!"

Napatingin si Lianne kay Billy. Nagtatanong ang kanyang mga mata.

"E-Edward?!" nakakunot ang noong ulit niya sa pangalan na sinabi ng binata. Hindi siya makapaniwalang tumingin muli sa kaharap. Pinagmasdan niyang mabuti ang binata. Napaawang ang kanyang mga labi ng ma-recognize niya ang kaibigan. Tama nga si Billy, si Edward ang nasa harapan niya. Tinanggal lang nito ang makapal nitong salamin at ang sangkaterbang gel sa buhok. At naging maayos sa pananamit. Bakit ba hindi niya kaagad nakilala ang kaibigan? Pakiramdam niya ay nanlambot ang kanyang mga tuhod. Mabuti na lang at hawak pa rin siya ng malaking lalaki kundi baka napaluhod na siya.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon