Chapter 33

1 0 0
                                    

Sa pamamagitan ni Ella ay nagawang makontak ni James si Edward. Pumayag naman na makipagkita ang huli. Si Edward ang nagsabi kung saan sila magkikita.

Nasa gitna sila nang grandstand sa loob ng campus sa ilalim ng init ng araw. Malayo sa ibang mga tao sa loob ng campus. Kasama ni James ang dalawang kaibigan. Si Edward ay ang grupo naman ni Marion ang kasama. Walang makaririnig sa anumang pag-uusapan nila sa lugar na iyon.

"Nasaan na si Billy? Ano ang ginawa mo sa kanya?" mariin na tanong ni James kay Edward.

"Huwag mong alalahanin si Billy. Nasa mabuti siyang mga kamay," nakangising sabi ng huli.

"Huwag mo siyang idamay. Walang siyang kinalaman sa lahat ng ito," sabi ni James.

"Meron. Dahil kaibigan mo siya. Lahat ng may kaugnayan sa iyo, lahat sila madadamay!" may diin na sabi ni Edward.

"Hanggang kailan mo gagawin ito, Edward? Ilang inosente pa ang idadamay mo? Kung galit ka sa akin, ako ang saktan mo. Hindi ang mga taong walang kinalaman sa lahat nang ito," pinipigil ang sarili na sabi niya.

Ngumisi si Edward ng nakakauyam. "Sa palagay mo, sapat na ang saktan kita o ang mamatay ka para mapagbayaran mo ang lahat ng mga kasalanan mo sa akin?... Puwes, nagkakamali ka nang pagkakakilala sa akin, James Sandoval. Sa totoo lang, isang utos ko lang kayang-kaya kitang ipapatay, pero hindi ko ginawa. Dahil gustung-gusto kong makita kang unti-unting nasasaktan, naghihirap hanggang sa gumapang kang nagmamakaawa sa akin."

"Bakit ba hanggang langit ang pagkasuklam mo sa akin? Wala naman akong ginawa sa iyong masama," tanong niya dito.

"Akala mo lang iyon. Mula pagkabata inaagaw mo na ang lahat sa akin. Ikaw ang pinaka-guwapo. Ikaw ang pinaka-matalino. Ikaw ang pinakamagaling at sikat sa lahat…Pinalagpas kong lahat nang iyon. Pero pati ba naman ang kaisa-isa na lang na natitira sa akin ay inaagaw mo pa?... Alam mo bang mahal na mahal ko si Lianne? Pero hindi niya ako magawang mahalin dahil ikaw ang mahal niya," may diin nitong sabi, mababanaag ang galit sa mga mata nito. "Kaya ginagawa ko ang lahat nang ito para sa kanya. Ako ang gumaganti sa'yo para sa kanya. Sa lahat nang sakit at paghihirap ng kalooban na idinulot mo sa babaeng mahal ko."

"Hindi pagmamahal ang tawag d'un, Edward. Kundi kasakiman! Kung mahal mo si Lianne, irerespeto mo ang nilalaman ng puso niya. Sa tingin mo ba, sa ginagawa mo, hindi mo siya sinasaktan? Sa tingin mo ba, matutuwa siya kapag nalaman niya ang lahat nang ginagawa mo?" Ngumisi siya habang umiiling. "Hindi, Edward! Hindi siya matutuwa kapag nalaman niya ito dahil sinaktan mo ang lalaking sinasabi mong…mahal niya!"

Napatiim ang mga bagang ni Edward sa sinabi ni James. Nakuyom ang mga palad. Matalim ang mga matang tumingin sa kanya.

"Maghinay-hinay ka sa mga sinasabi mo, James. Hindi ako nakipagkita sa'yo para konsensiyahin mo. Nandito ako para ipaalam sa'yo kung paano ako magalit. Alam mo bang, isang pitik ko lang, maaaring maging ulila ka sa isang iglap! Mamili ka kung sino ang uunahin ko. Ang mommy mo na nasa supermarket o ang daddy mo na nasa munisipyo? Gusto ko rin ipaalam sa'yo na meron akong mga tao na nakabantay sa bawat miyembro ng pamilya mo. Isang tawag ko lang, itutumba na nila ang mga ito, " nagbabantang sabi ni Edward habang mabalasik ang mga matang nakatingin kay James.

Hindi na nakapagpigil si James kaya dumapo ang kamao niya sa panga ni Edward. Tumumba ito at napaupo sa damuhan. Nasapo ni Edward ang sariling panga sa lakas ng tama ng kamao niya. May umagos na dugo sa labi nito. 

"Hayop ka, Edward! Huwag na huwag mong idadamay ang pamilya ko dito. Ako na lang ang saktan mo!" nanggigigil na sabi ni James habang dinuduro ito.

Reresbak sana sina Marion ngunit pinigilan ni Edward. Tumayo siya at sumenyas kay Marion na tumawag sa phone. Tila naunawaan nito ang ibig niyang sabihin. Lumayo si Marion at may idinayal sa cellphone. Lumapit siya sa harap ni James. Inayos ang suot na salamin.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon