Chapter 21

3 0 0
                                    

KINABUKASAN ay maagang inayos ni Lianne ang kanyang mga gamit. Bago magtanghali ay aalis na ang kanilang bus pabalik sa Manila. Ipina-alam kasi sa kanila ng mga propesor na kailangang maaga silang makaalis dahil baka abutan pa sila sa daan nang paparating na bagyo.
Nang matapos kumain ng agahan ay nagpaalam siya sa mga kaibigan na mauuna nang magtungo sa kuwarto para kunin ang kanyang bag. Paglabas niya sa cafeteria ay napansin niya ang grupo ni Marion na nakatambay sa reception area. Nakita niyang may kausap si Marion sa cellphone.

"Okay, pupunta na kami diyan!" Pagkasabi ay in-off na nito ang phone.
Tumingin ito sa dalawang kaibigan.

"Brad, pinapupunta tayo ni Pogi sa hide-out ngayon, may importante daw siyang sasabihin sa atin," halos pabulong nitong sabi sa mga kaibigan.

"Ngayon na?" tanong ni Rudy. "Baka hanapin tayo dito. Saka malapit na tayong umalis, di ba?"

"Malapit lang naman dito 'yun, may alam akong short cut papunta doon. Saka sandali lang naman tayo. Makababalik tayo kaagad bago umalis ang bus natin," paliwanag ni Marion.

Habang nakakubli ay maliwanag na narinig ni Lianne ang pinag-uusapan ng grupo. Sumunod siya nang umalis ang mga ito. Kahit pumasok ang mga ito sa kakahuyan ay sumunod pa rin siya.

"Ano raw ang nangyari kay James?" tanong ni Rudy habang naglalakad at nakasunod sa kaibigan.

"Ayun nakakalaboso ngayon," sagot ni Marion sa nagtanong. Nangunguna ito sa paglalakad dahil mas kabisado nito ang pasikot-sikot sa lugar. Madalas siya sa hide-out nila at kabisado niya ang kasukalan na iyon dahil doon sila madalas magdaan ni Pogi kapag may sumusunod sa kanilang espiya.

"Kagagawan din ba iyon ni Pogi?" tanong nitong muli.

"Ano pa ba sa palagay ninyo? Kasalanan niya rin naman iyon. Kung hindi niya kinatalo si Pogi, hindi mangyayari ang lahat ng iyon sa kanya at sa kanyang mga kaibigan," sabi pa ni Marion. Huminto ito at tumingin sa mga kasama. "Abangan ninyo ang susunod na mangyayari dahil may mas malaking pinaplano si Pogi sa kanya."

Napatingin ito sa gawi ni Lianne dahil nakagawa siya ng munting ingay ng marinig ang sinabi nito. Buti na lamang ay mabilis siyang nakapagkubli sa isang malaking puno. Tutop niya ang sariling bibig at tahimik na umuusal ng dasal na sana ay hindi siya mahuli ng mga ito. 

"Malupit talaga si Pogi!" bulalas ng isa sa mga kasama nito.

"Sinabi mo pa!" sabi ni Marion. Muli nitong pinagpatuloy ang paglalakad. Sumunod rin ang mga kasama nito.

"Kaya nga ako ay nag-iingat sa lalaking iyon. Hindi mo aakalain na gan'un siya kasama."
Binilisan nito ang paglakad. "Bilisan ninyo nang makarating tayo kaagad doon. Malilintikan tayo kapag pinaghintay natin iyon ng matagal."
Mabilis ang mga lakad na sumunod ang mga ito kay Marion.

Bumangon muli ang pag-aalala sa dibdib ni Lianne para sa kapatid sa mga narinig. Sumunod pa rin siya sa tatlo upang makilala niya kung sino si Pogi. Ngunit dahil sa mabilis maglakad ang tatlo ay naiwan siya ng mga ito. Hindi na niya malaman kung saan sumuot ang mga iyon. Tumingin siya sa paligid ngunit puro puno ang kanyang nakita. Hindi na rin niya makita ang pinanggalingan. Nakaramdam siya ng kaba dahil naliligaw na siya. Pinilit niyang kalmahin ang sarili. Naglakad lakad pa siya. Ngunit hindi niya matandaan kung nadaanan na niya ang tinatahak na landas. Nang mapatingin siya sa isang puno. Nanlaki ang kanyang mga mata at nangilabot nang makita ang napakalaking ahas na nakalambitin dito. Tumakbo siya habang tumitili.

Nakikipag-usap si Daniel sa mga co-teacher nang parang may dumunggol sa kanyang dibdib. Nasapo niya ang sariling dibdib sa lakas nang pagkabog nito. Napatingin siya sa kakahuyan dahil parang narinig niya ang tinig ng dalaga na tumitili mula doon.

"May problema ba, Daniel?" tanong ni Ms. Dimaapi nang mapansin ang kanyang  pagkabalisa.

"May narinig ka bang tumili?" tanong niya sa propesora.

Tumawa ng mahina si Ms. Dimaapi. "Oo, naman." Tinuro nito ang mga estudyanteng nagkakatuwaan na nasa malapit. "Sila ba ang tinutukoy mo? Kanina pa nga nagkakatuwaan ang mga batang iyan," dagdag pa nito.

"Bakit?" tanong ng binibini nang hindi pa rin siya mapakali. Hindi kasi ang ingay ng mga estudyante ang narinig niya.

Ngumiti siya dito. "Ah, wala! Never mind."

Alanganing tumango-tango ang binibini habang nakangiti.

Muli siyang napatingin sa kakahuyan. Pilit niyang iwinaksi sa isipan ang narinig.

Walang direksiyon ang tinatahak ni Lianne. Sa takot ay hindi na niya napansin na ang landas na tinatahak ay isang mababaw na bangin. Huli na nang mapansin niya iyon. Nahulog siya at gumulong sa madamong bangin. Pagdating sa baba ay tumama ang ulo niya sa isang maliit na bato. Naramdaman niya ang pananakit ng katawan habang unti-unting nagdilim ang kanyang paningin.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon