Chapter 27

6 1 0
                                    

Nasa gym si Lianne at kasama si Ms. Dimaapi. Ilang araw siyang nagpahinga mula ng maaksidente bago siya muling pumasok. Tinanong siya ng mga ito kung bakit siya pumasok sa kakahuyan noon sa convention center kaya siya nagkaligaw-ligaw sa kagubatan. Ang idinahilan niya ay may nakita siyang cute na mga tuta na papasok doon, natuwa siya kaya sinundan niya ang mga ito ngunit hindi niya namalayan na napapalayo na pala siya. Nang mawala ang mga tuta sa kanyang paningin ay saka niya nalaman na naliligaw na siya. Habang hinahanap niya ang daan pabalik sa convention ay nakakita siya ng napakalaking ahas kaya nagtatakbo siya sa takot. Dahil sa takot ay hindi niya namalayan ang bangin kaya gumulong siya doon. Maliit na bahagi ng mga sinabi niya ang kasinungalingan. Hindi niya maaaring sabihin sa mga kasama ang totoong dahilan kung bakit niya ginawa iyon. Buti na lamang naniwala ang mga ito sa kanyang mga sinabi at hindi na nagsipagtanong pa.

"Lianne, hindi ba magdamag kayong magkasama ni Daniel? Mayroon bang nangyari sa inyong…alam mo na!" pilyang nakangiti na nang-iintriga si Ms. Dimaapi.

Kunot ang noong napatingin siya sa binibini. "Ma'am naman! Tingin n'yo ba pagnanasahan ako si Sir Daniel? Makita pa lang niya itong malalaki kong braso baka madalok na iyon."

Natahimik ang binibini, tila pinag-isipan ang kanyang sinabi. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Pagkaraan ay tumangu-tango itong parang sumasang-ayon sa kanyang sinabi. "Tingin ko tama ka d'un!"

Napangiwi siya sa reaksiyon nito. Nakaramdam siya ng pagkadismaya. Akala pa naman niya ay bibigyan siya nito ng words of encouragement pero hindi nito ginawa. Napabuntong-hininga siya. Ipinagpatuloy na lamang niya ang paggamit ng bicycle.

Tumawa ang binibini. "O, bakit natahimik ka na diyan?...Ano ka ba, Lianne, kaya pagbutihan mo iyang pagpapapayat mo para hindi na iyang mga taba mo ang una niyang makikita!" komento pa nito habang tumatawa.

"Ha, ha, ha, sige Ma'am pagbutihan mo ang pambubuska!" inirapan niya ito at napailing. Pagkaraan ng ilang saglit ay nahawa na rin siya dito, nakitawa na rin siya sa binibini. Pareho lang naman kasi sila na kuntodo ang effort para lamang sumeksi.

"Pero alam ko may inililihim ka. Meron nangyari nang gabing iyon pero ayaw mong sabihin," pang-iintriga ulit nito.

"Ma'am, ayan ka na naman!"

"Huwag ka nang magkaila. Nakita ko ang kinang ng iyong mga mata noon sa hospital. Saka, nahuli ko kayo ni Daniel, noh! Akala mo hindi ko nakita iyong kakaiba ninyong tinginan!" pilyang sabi nito.

Napatingin siya dito, pagkaraan ay napangiti. Naalala niya kasi ang nangyari nang umagang iyon.

Nang magising siya ay nakita niya ang binata sa kanyang tabi. Mahimbing pa itong natutulog kaya nagawa niyang pagmasdan ang guwapo nitong mukha. Labis-labis ang kaligayahang nararamdaman niya ng umagang iyon. 

Kumilos ang binata at unti-unting idinilat ang mga mata. Magkukunwari sana siyang natutulog pa ngunit nakita na siya nito.

Ngumiti ito. "Good morning!" nakangiti pa ring bati nito sa kanya.

"G-good morning, too!" may hiyang ngiti niyang sagot dito.

Bumangon ang binata sa pagkakahiga. "Pasensiya na. hindi ko napansin nakatulog na pala ako dito. Lagnat na lagnat ka kasi kagabi," paghingi nito ng paumanhin sa kanya.

Tumayo na rin siya. "Salamat, S-sir!"

"O, bakit tumayo ka kaagad? Okay na ba ang pakiramdam mo?" may pag-aalala nitong sabi.

"Yes, sir, okay na ho ako," nakangiti niyang sagot dito.

Sinalat nito ang kanyang noo. Nang maramdamang hindi na mainit ay saka lamang ito napanatag.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon