Chapter 9

7 0 0
                                    

"BOK, kumusta na. Nagawa mo ba ang pinagagawa ko sa'yo?" tanong ni Julian kay Arman.

Si Arman ay kababata ni Julian. Ang kaibigan ang kasama niya noong panahon na naliligaw siya ng landas. Nang muntikan na siyang mamatay dahil sa droga, nakapag-isip-isip din ito na walang kahihinatnan ang ginagawang pagrerebelde. Nang magpunta siya sa Amerika ay hindi nawala ang komunikasyon nilang magkaibigan. Sabay silang nagbagong-buhay.

Nag-aral siya sa military academy sa States. Sa mga naranasan niya noong kabataan niya, ipinangako niya sa sarili na pangangalagaan niya ang kapakanan ng mga kabataan na naliligaw ng landas. Nang makauwi siya sa Pilipinas, bukod sa nag-sosyo sila ng kaibigan sa pagpapatayo ng computer shop ay nagtrabaho siya sa National Bureau of Investigation bilang isang secret intelligence agent. Nagagamit niya sa kanyang mga misyon ang isa pa niyang hilig, ang photography. Isa siya sa magagaling na agent ng ahensiya kung kaya't kung saan-saan siya pinadadala para sa misyon. Bukod tanging si Arman lang ang nakakaalam ng trabaho niyang iyon. Kahit ang magulang niya ay hindi ito alam. Ang alam lang ng mga ito ay isa siyang photographer researcher sa isang pribadong kumpanya.

"Oo, Bok." Inabot nito ang folder na hawak sa kanya. Binuklat niya iyon.
"Nandiyan ang mga larawan na kuha ng ating CCTV camera. Halos mga kabataan ang nakita kong may pag-iingat nang ballpen na tulad ng ini-imbestigahan natin," sabi nito.

Nakita nga ni Julian na halos mga estudyante ng iba't ibang unibersidad at kolehiyo ang mga nasa larawan. Naisip niyang talamak na ang bentahan ng droga ngunit wala pa rin na nakapapansin na alagad ng batas. Naisip niya rin na napakatalino ng utak ng lahat ng ito dahil nagawa nitong malinlang ang awtoridad.

"May nakapag-tip sa akin na mula sa St. Jude College ang nagbebenta ng mga pen na ito," dagdag pa nito.
Napatingin siya sa kaibigan dahil iyon ang kolehiyo na pinapasukan nina James at Lianne.

"Mas magiging interesado ka sa sasabihin ko." Umupo ito sa swivel chair at humarap sa kanya.
Hindi niya inaalis ang tingin sa kaibigan.

"Ayon sa aking impormante, sa school na iyon nag-aaral ang anak ng isang drug lord. Isa sa may pinakamalaking sindikato ng droga sa bansa. Kung tawagin siya ay 'Pogi'. Iilan lamang na pinagkakatiwalaan nito ang nakakakilala sa kanya. Wala pang iba na nakakita ng personal sa kanya dahil sa maingat siya," pahayag nito.

Sa isip ni Julian ay mukhang mahihirapan siya kung totoo ang sinasabi ng kaibigan. Nasa malalim siyang pag-iisip nang biglang tumunog ang telepono. Dinampot ng kanyang kaibigan ang receiver.

"Para sa'yo, Billy daw ang pangalan." Inabot ni Arman sa kanya ang receiver.

"Hello," sabi niya sa kabilang linya.

"Hello, ito ho ba ang kuya ni James?" tanong ni Billy na nasa kabilang linya.

"Oo. Sino ito? Ano ang kailangan mo?" sunud-sunod niyang tanong dito.

"A-ako ho si Billy, kaibigan ni James. May gusto sana akong sabihin sa'yo tungkol kay James," alanganin nitong sabi.

"Ano ang tungkol kay James? May masama bang nangyari sa kanya?" may pag-aalala niyang tanong dito.

"Hindi ko ho pwedeng sabihin sa telepono. Masyado pong kumplikado. Kung pwede, sabihin ninyo sa akin kung kanino ko maaaring ipagkatiwala ang address kung saan at kailan tayo pwedeng magkita," parang nagmamadali nitong sabi.

Nag-isip siya. "Kilala mo ba si Lianne?" tanong niya dito.

"Oho," sagot nito.

"Kay Lianne mo i-abot kung anuman ang ipa-aabot mo sa akin."

"Ho? Kay Lianne?" may pagtataka sa boses nito. Nagtataka ang binata kung bakit magkakilala si Lianne at ang kuya ni James.

"Bakit, may problema ba?" tanong ni Julian.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon