TMP 33 #MerthielSpillIt

647 17 0
                                    

Rinig na rinig naman ni Merthiel ang paghinto ng sasakyan sa tapat ng inuupahan nilang apartment. Sigurado itong sina Shane 'yon pero mas pinili na lang nitong deadmahin 'yon. Hanggang sa marinig n'ya ang pag-alis din ng sasakyan. Sa sobrang pag-aalala at pagmamahal sa kaibigan hindi nito maipagtapat ang mga nalalaman. Gulat naman si Shane nang maabutan itong nag-iinom. Marami na rin itong nainom pero heto nga't hindi pa rin natitinag.

"Thiel." tanging sambit ni Shane nang makitang lasing ang kaibigan. "Marami ka ng nainom. Magpahinga ka na. Tama na 'yan." aniya.

"Ngayon na nga lang ako uminom. Halika shot tayo. Wala naman tayong pasok bukas." sa halip ay anyaya naman sa kanya ni Merthiel. "Tsaka matibay ako pagdating sa ganito. Halika na." muling pahayag nito na ikinatahimik n'ya. "Ano? Ngayon na nga lang tayo magwa-one on one eh. Halika na." muling anyaya sa kanya nito.

Sa halip na tumanggi ay pinagbigyan na lang n'ya ang kaibigan pero hindi n'ya inexpect na hindi lang pala isang bote ang maiinom n'ya. Mukhang tinatamaan na rin s'ya sa mga nainom n'ya.

"Wala naman na akong magagawa sa inyong dalawa ni Christopher kaya suko na ako." ani Merthiel na halos kinakain na ang salita sa kalasingan.

"Ang hinanakit ko lang naman eh 'yong pinaglihiman mo ako. Ako na kasama mo simula pa sa umpisa." may himig paghihinakit na dagdag nito. Nanahimik na lang s'ya at pinagmasdan ang kaibigang walang tigil sa pagtungga ng alak. Kilala n'ya kasi ang kaibigan. Maingay talaga 'yon kapag nalalasing.

"Thiel, tama na 'to. Lasing na lasing ka na oh. Magpahinga na tayo." sa halip ay saad n'ya ng binuksan pa noon ang kasunod na bote ng alak.

"Ano ka ba. Ang lapit-lapit ng kwarto oh. Tagay pa." sa halip ay sambit nito sa kanya.

Wala na s'yang balak na uminom pa kaya hinayaan na lang n'ya ang kaibigang buksan ang bote ng alak. Nanahimik na lang s'ya. Sa mga sitwasyon kasing nalalasing ang kaibigan talagang mas pinipili n'yang manahimik at makinig sa mga sinasabi nito.

"Ayoko namang isipin mong napaka-kontrabida kong kaibigan. Ayoko lang kasing masaktan ka dahil nasaksihan ko na kung paano ka masaktan. Masama ba akong kaibigan kung gusto lang kitang protektahan?" ani Merthiel at huminga ng malalim. "Pero Shane, maniwala ka sa'kin. Ayaw lang talaga kitang masaktan. Nasaktan ka na ni Jojo pero Shane mas malala ang ginawa at gagawin pa ni Christopher sa'yo. Si Jojo posibleng napilitan lang s'yang iwan at saktan ka noon pero si Christopher. Si Christopher." pagpapatuloy ni Merthiel na paulit-ulit binabanggit ang huling salita.

"Thiel, magkaiba sila ni Jojo at 'yon ang sinisiguro ko sa'yo. Nagawa mo naman s'yang tanggapin dati diba, baka naman pwedeng subukan mo ulit 'yon. Kaila-" hindi na n'ya naituloy ang mga sasabihin ng sumabad na naman ang kaibigan.

"Dati 'yon. Nong hindi ko pa nalalamang nilapitan ka lang n'ya para sa maling akusasyon. Nilapitan ka lang ni Christoper dahil inisip n'yang ikaw ang dahilan ng pagkamatay ni Jojo. Kinaibigan ka n'ya para paghigantiha't saktan. Ginawa n'ya 'yon dahil ikaw ang sinisisi ng mama ni Jojo sa pagkamatay nito." dire-direchong pahayag ni Merthiel na animo nakapagpanuyo ng lalamunan n'ya.

"A-ano? Thiel, a-anong sinabi mo?" halos putol-putol na tanong n'ya na sinisigurong malinaw ang narinig n'ya. Gusto n'yang isiping mali ang narinig n'ya pero hindi pa s'ya ganun kalasing para maghalucinate. May tama s'ya dahil sa alak na nainom pero malinaw pa ang pag-iisip n'ya.

"Merthiel. S-sinong patay? Si Jojo? Patay na si Jojo?" muling tanong n'ya na tanging ungol na lang ang nakuhang sagot mula sa kaibigan dahil nakatulog na ito sa kalasingan. Niyugyog n'ya 'yon para gisingin pero hindi na 'yon nagising.

Nanginginig ang kamay n'ya. Nangangatog rin ang katawan n'ya. Halos hindi s'ya makatayo hindi dahil sa kalasingan kundi dahil sa narinig. Malinaw ang narinig n'ya. Malinaw na malinaw. Narinig n'yang sinabi ng kaibigang patay na si Jojo. Dahan-dahang nagbalikan sa isip n'ya ang alaala nila ni Jojo.

Ang ginawa nitong pagtalikod sa kanya na hinayaan n'ya lang. Lahat ng masasayang alaala nila ni Jojo ay animo pelikulang bumalik sa isipan n'ya. Lahat-lahat ng alaalang mayroon sila na s'yang nagpatulo ng luha n'ya. Ayaw n'yang maniwala sa narinig. Pero hindi s'ya lango sa alak para hindi marinig ang mga narinig mula sa kaibigan.

Sinubukan n'yang tawagan si Christopher pero hindi n'ya magawa. Nagdalawang isip s'ya lalo na't hindi n'ya alam kung ano pa bang dapat sabihin doon. Mas pinili n'ya ang hindi maniwala dahil nga lasing ang kaibigan. Pero hindi s'ya halos pinatulog ng mga pahayag na 'yon ni Merthiel.

Pupungas-pungas pa si Merthiel nang lumabas ng kwarto kinabukasan. Naabutan pa nitong bihis na bihis na si Shane at nakatingin lang sa paglabas n'ya habang nakaupo sa harap ng mesa.

"Nilinis mo na pala. Dapat ipinaubaya mo na sa'kin. Kaya ko naman na sana 'yan eh." ani Merthiel at dumirecho na sa may lababo.

"Thiel 'yong kagabi? 'Yong sinabi mo kagabi? Totoo ba 'yon?" lakas loob n'yang tanong na hindi inaalis ang tingin sa kaibigan. Tinapos naman muna nito ang paghihilamos at pagto-toothbrush bago s'ya hinarap.

"Sinabing ano? M-may sinabi ba ako sa'yo?" binalot ng pag-aalala si Merthiel sa hindi nito malamang dahilan.

"Thiel, sinabi mo kagabi sa'kin na wala na si Jojo, na-" bumuntong-hininga s'ya at nilakasan ang loob, "-p-patay na s'ya. Malinaw mong nasabi 'yon kagabi. Malinaw na malinaw." aniya.

Nakita n'yang napatda 'yon sa sinabi n'ya. Nakita n'yang nanahimik 'yon. Napansin n'ya ang panginginig ng kamay ng kaibigan at maging ang mga titig ng mata nito. Kilalang-kilala n'ya ito. Halos manikip ang dibdib n'ya dahil sigurado s'yang kompirmasyon lang ang ikinilos ng kaibigan.

"Totoo nga? Totoo nga lahat ng 'yon?" sa wakas ay nasabi n'ya ng hindi umimik ang kaibigan.

"Shane-Shane, ganito kasi 'yon-"

Umiling-iling na lang s'ya sa mga sasabihin pa ng kaibigan. Tumunog ang cellphone n'ya pero hindi n'ya 'yon pinansin.

"Kelan pa? Kelan pa 'yon Merthiel? Paano mo nalaman?" puno ng hinanakit ng puso n'ya ngunit pinigilan n'yang pumatak ang luha n'ya.

"Pagkagaling natin ng Batangas humingi ako ng tulong kay Richmond na imbistigahan si Christoper dahil nga nakaramdam ako ng paghihinala sa kanya. Doon ko na nalaman ang lahat. Nalaman naming nilapitan ka ni Christoper para saktan at paghigantihan dahil nga isinaksak sa utak ng mama ni Jojo na ikaw ang dahilan ng pagkamatay nito. Straight from LA dumirecho sa'yo si Christoper. To make you suffer, to hurt you so bad and to make your life miserable. Kaya nga ganun na lang ako katutol sa inyong dalawa. Pero believe me naglihim lang ako dahil ayokong masaktan kang lalo." Tuluyan ng pumatak ang luha n'ya. "Kinausap ko si Christoper to stay away from you after learning the truth. Pero mukhang minahal ka na nga talaga n'ya na hindi ko maga-"

"Nag-usap kayo? Pinagkaisahan n'yo ako? I tried so hard to-I tried to-" hindi na n'ya naituloy ang sasabihin dahil bumigay na ang luha n'ya. Umiiyak na s'ya. "I want to see him. Gusto kong makita ang puntod ni Jojo." pagkuway saad n'ya kahit ang bigat-bigat pa ng nararamdaman n'ya.

To be continued...

THE MISSING PIECETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon