Face-Off

2.5K 54 2
                                    

Charmaine

Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa pagkakadawit ni Charmaine sa sindikato ni Red pati na rin kay Congressman. Dahil sa naging sensational ang kaso walang nagawa ang mga pakiusap nina Tita Precy at Irvin sa mga kakilalang press para hindi madamay si Charmaine.

Tinanggap niya ang bunga ng pagkakamali nang mabatid ang katotohanan isang araw sa pagdalaw ni Tita Precy sa safe house.

"Ano ng mangyayari sa akin Tita? Wala na akong mukhang maihaharap sa mga tao. Siguradong lahat ng kontratang naisara natin bago nangyari ito ay wala ng bisa. Paano ko mababayaran ang mga utang ko? At ang pinakamatindi pa... paano ko haharapin sa Papa?" Umaapaw ang pag-aalala sa dibdib ni Charmaine. Palagi siyang tulala at malungkot nitong mga nakaraang araw.

Lumipat sa sofa na inuupuan niya ang manager. Kinabig nito ang balikat niya at mahigpit na niyakap. "Malalampasan mo rin ito Charmaine."

"Kakayanin ko pa ba? Bakit parang nasa akin na ang lahat ng problema?" Lumuluhang niyakap rin niya ang parang pangalawang ina. "Ang akala ko, unti-unti na akong nakakabangon. Pero dumating naman ito. Hiyang-hiya ako sa iyo Tita. Ang mga pinaghirapan mong projects ko ay siguradong wala na."

"Huwag mo ng isipin iyan. Ang mabuti yata ay magpalamig ka muna. Magbakasyon ka. Kausapin mo ang Papa mo katulad ng pagkausap na ginawa mo sa akin. Ipaunawa mo sa kanya ang totoong nangyari. Siguradong maiintindihan niya iyon dahil ginawa mo lang naman iyon para sa kanya. Walang magulang ang matitiis ang anak. Kahit pagbali-baliktarin mo pa ang sitwasyon, sa huli, siya pa rin ang ama mo at hinding-hindi ka niya maaring pabayaan."

"Bakit sina Red nakaya niyang ipagpalit sa Mama ko?"

"Hindi natin alam ang sagot d'yan. Siguradong may malaking dahilan. Masasagot lang ang mga tanong mo kung mag-uusap kayo."

"Tita, I'm sorry... Walang-wala na ako ngayon. Mas matindi pa ito noong nasunugan kami at nagkasakit si Papa. Paano na ako magsisimula? Saan ako magsisimula?"

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito. "Nand'yan na iyan. Sa buhay natin, may mga desisyon talaga tayong magtatakda ng ating kapalaran. Maaaring maganda o pangit ang kalabasan, pero oras na nangyari na ay di natin mabubura pa. Ang pwede pa nating gawin ay itama at ayusin ang kung anong natira na pwede nating pagsimulan. Bakit di ka mag-aral ulit Charmaine? Tatlong taon na lang at tapos mo na ang kurso mo dati. Baka di talaga para sa iyo ang showbiz. Masyadong magulo ang buhay dito."

Kumuha ng business management course si Charmaine noong unti-unting nawawalan na siya ng project dahil sa pag-alis ni Irvin noon. Pero noong nagtuloy-tuloy ang pagkakasakit ng kanyang ama at nawalan na sila ng pera ay huminto na rin siya para maghanap ng ibang pagkakakitaan.

"May unibersidad bang tatanggap sa akin Tita?" Kumalas siya sa pagkakayakap sa ginang.

"Oo naman. Sigurado ako. Kung gusto mo, pwede tayong maghanap ng mga on-line courses para maituloy mo ang pag-aaral."

Nababahalang tiningnan niya si Tita Precy.

"Alam ko ang iniisip mo. Tutulungan kita sa pagmamatrikula huwag kang mag-alala. Kailan ba naman kita pinabayaan? Si Irvin, siguradong aalagaan ka niya."

Sumakit ang dibdib ni Charmaine nang marinig ang pangalan ng nobyo. "Tita, makikipag-break na ako sa kanya." Ang bigat pakawalan ng mga salitang iyon.

"Ha! Bakit? Nag-away ba kayo?"

Umiling siya. "Hindi ako ang babaeng nararapat sa kanya. Maruming babae ako Tita."

"Hindi totoo iyan Charmaine. Hindi por que nadawit ka sa kasong iyon ay ganon ka na rin. Sira ulo lang talaga iyang half-brother mo dahil ginamit ka pa niya sa kanyang paghihiganti."

Vengeful HeartbeatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon