CHAPTER NINETEEN
The Princess in Disguise
Lliara Molly Sheria
Nagising ako sa malamig na palad na dumapo sa aking noo pababa sa aking pisngi, at doon na ako tuluyang napaupo nang maramdaman ko ang hapdi nito.
“Lara? Ayos ka na ba?” Bungad na tanong sa akin ni Frost nang makalapit. Mahina akong tumango at inilibot ang aking paningin sa paligid. Nasa bayan parin ako, nakahiga sa isang mahabang upuan na gawa sa kahoy habang marami ang nagtatakang nakapalibot sa amin. Napadako ang aking tingin sa babaeng may kulot at mahabang buhok, maputi at may pulang labi. Nakangiti siyang nakatingin sakin, nakaupo kasi siya sa gilid ng aking hinihigaan.
“Ate Lara..” Napatingin naman ako kay Janine na nasa dulo ng upuan. “Ayos ka na ba talaga?”
“Oo, ayos na ako.” Sagot ko sa kanya.
“Ate, gagamutin lang natin ang sugat mo ah.” Muli kong ibinaling ang tingin ko sa babaeng nakaupo sa gilid ng aking hinihigaan, kumunot ang noo ko dahil ngayon ko lamang siya nakita dito.
“Ate Lara, siya si Cassandra, matalik kong kaibigan, isa rin siyang healer, at katulad mo, kaya din niyang magpagaling ng sugat na hindi nag-iiwan ng ano mang bakas.” Nakangiting sabi ni Janine. Bigla akong nakaramdam ng pagkakaba dahil sa nalaman ko. Isang pamilya lamang ang healer na kayang gumamot ng sugat na hindi nag-iiwan ng ano mang bakas, at dahil sa taglay ko ang apat na elemento, ay kaya ko ring magpagaling nang walang iniiwan na bakas.
Naalala ko noong ginamot ko si Frost. Mas lalo akong nakaramdam ng kaba.
“Nakakatuwa naman ate, kaya mo rin pa lang magpagaling gaya ko, kung ganun, magkadugo po pala tayo.” Nakangiti nitong sabi sabay hawak sa pisngi ko, nakaramdam ako ng lamig nito at kaunting hapdi at ilang sandali lamang ay nawala na ito, hinawakan ko ang aking pisngi at ramdan kong wala na ang sugat na iniwan sa akin ng uwak na iyon. Napatingin ako sa suot kong uniporme, may butas pa rin ito sa tiyan at kita ang balat ko sa loob.
Napapikit ako.
Bakit kaya di' man lang tinakpan ang tiyan ko?
Bago pa ako makapagreklamo ay may isang kamay ang yumakap sa aking bewang, kaya natakpan ang punit sa aking uniporme. Hinalikan ako nito sa gilid ng aking noo habang nag-aalalang nakatingin sakin.
“Sino ang gumawa sayo nito?” tanong nito na may halong galit sa boses pero pinilit lamang nitong kumalma.
“Hindi na kailangan, wala na rin naman siya.” Ngumiti lang ako sa kanya at nagpasalamat kay Cassandra— na buti nalang ay hindi na masyadong nagtanong, nagsialisan na rin ang mga enchanters na nakapalibot sa amin. Umupo na lamang ako habang katabi ko naman si Frost.
“Sabihin mo na lang kasi.” Napatingin ako sa kanya at bumuntong hininga. Katulad noon, sigurado akong hindi naman siya maniniwala sa akin na myembro ng mga Pameleon ang gumawa sa akin nun. “Parte ba ito ng pagsasanay mo?” Muli nitong tanong sakin na ikinailing ko.
“Hindi Frost.”
“Kung ganun sino ang may gawa nun sayo?” Hinaplos niya ang balat ng aking mukha kung saan ako nasugatan.