CHAPTER FOUR
The Princess In Disguise
Lliara Molly Sheria
Nasa kusina ako ngayon at kasalukuyang nagpapractice kung paano magluto. Tulog kasi si Janine, ee ayaw ko namang gisingin, dahil parang pagod siya. Wala din dito si Frost kaya wala akong pagpipilian kundi ang mag eksperimento dito sa kusina nila. Napalabi nalang ako nang mapagtanto ko ang ginawa ko dito sa kusina, ang daming kalat at mga nasayang na gulay.
Agad-agad ko itong nilinis at tinapon sa basurahan. Agad din naman akong bumalik nang maalala kong may naiwan pala akong niluluto doon, hindi ko pa maalala kung hindi pa ako naka-amoy ng amoy-sunog. Napaupo ako sa upuan at napasapo sa noo.
“Gaga ka talaga Lliara! pano na yan?” Sermon ko sa aking sarili.
“Janine? Janine?” Otomatikong gumalaw ng kusa ang katawan ko at tumayo nang marinig ko ang boses ni Frost na tinatawag ang kanyang kapatid. At hula ko dito siya patungo, at hindi nga ako nagkamali sapagkat mukha niya na nakakunot pa ang noo ang agad kong nakita sa pintuan.
“Ah— a-ano, tulog si Janine.” Hindi ko malaman kung ano ang aking gagawin, may pagkakataong tumitingin ako sa laman ng kaldero at ngumingiwi, sapagkat alam ko na kung ano ang kinalabasan nun.
“Kuya? Tinatawag mo ba ako?” Rinig kong tanong ni Janine na mukhang kakagising pa lamang, lumapit siya sa kanyang kuya bago niya ako tingnan.
“Oh ate, nandito ka pala. Nagugutom ka na? saglit lang at ipagluluto ko kayo ng pananghalian ni kuya.” Sabi niya at mabilis na nagtungo sa lutuan. Nilapitan ko naman siya nang magtaka siya kung anong laman ng kalderong nasa harap niya. “Nagluto kana pala ate? tamang-tama! kuya umupo kana, tapos na palang nagluto si ate.”
Agad na sabi niya at kumuha na ng pagkain at gulay na niluto, literal akong napanganga, sapagkat hindi ko na siya napigilan. Inayos na niya ito sa mesa at wala na akong ibang nagawa pa kundi tingnan na lamang ito. Agad niya namang hinila si Frost at sapilitang pinaupo.
“Kuya! si Ate na nga ang nagluto oh.” Pagmamaktol niya nang mapansing tinititigan lamang ni Frost ang pagkaing nasa harapan.
“Ah Janine, m-mukhang h-hindi naman niya p-paborito yan." Kamot sa ulo kong sabi kay Janine na biglang sumimangot.
“Hindi maarte si kuya. Hindi ba kuya?” tanong niya sa kapatid na nakakunot lamang ang noo. At parang napipilitan lang kunin ang kutsara. “Oh, kita mo na ate.” kabang-kaba akong tumingin kay Frost nang isinubo na niya ang pagkain at ilang sandali pa'y ngumiwi na para bang nandidiri, kalauna'y padabog siyang tumayo at lumabas para iluwa ang pagkain.
“Kuya!” Galit na sigaw ni Janine, masama naman akong tiningnan ni Frost.
“Hoy ikaw babae! balak mo ba akong lasunin?! o sadyang hindi ka lang marunong magluto?!”
“Kuya, tumigil ka nga.” Pagpipigil sa kanya ni Janine, tiningnan lang niya ito sandali at muling ibinaling ang tingin sakin.
“Pinatira ka dito para pakinabangan! hindi upang pag-aksayahan ang pagkaing pinaghirapan namin! Kung hindi ka marunong magluto, umalis ka na lang dito. Yun na nga lang ang trabaho mo, hindi mo pa magawa ng tama!”
Tulala at nakayuko ako habang umaagos ang luha ko. Napansin ko ang padabog niyang pag-alis.
“Ate, pasensya ka na, h-hindi ko alam.” Paghingi ng paumanhin ni Janine, na sinagot ko lamang ng iling.