Note: Added chapter.
CHAPTER THIRTY-NINE
The Princess in Disguise
Third Person’s
Sa loob ng isang malaking bulwagan. Nakaupo ang lahat ng mga magic users, myembro man ng Pameleon o Olinia. Sa harapan na nagsisilbing entablado, nakaupo ang mga pinuno.
Mula sa mga pinuno ng iba’t ibang kaharian.
Sa Elementong apoy, nakaupo si Haring Lauro katabi ang anak na si Aidan Herin. Malamig ang ipinopukol na tingin nito sa harapan.
Sa Elementong hangin, nakaupo si Haring Leon at ang anak na si Aeon. Malungkot ang mga mata nito habang naglalaro ng maliit na bolang hangin sa kanyang kamay.
Sa Elementong tubig, nakaupo ang kanilang Hari, katabi ang anak na si Brian. Walang emosyon ang mga mata nito, tila’ nawalan ng buhay.
Katabi nila ang mga pinuno ng Elementong lupa. Ang kanilang Hari, at ang anak na si Lance. Nakatingin ito sa harapan, nanggagalaiti sa galit, pero pilit na ikinakalma ang sarili.
At sa gitna nilang lahat, nakaupo ang Hari ng buong Olinia. Bakas sa kanyang mukha ang pagsisisi at pagkadismaya. Lubos niyang sinisisi ang kanyang sarili dahil sa nangyari.
Bumuntong-hininga siya at hinintay ang hudyat. Ilang sandali rin nang tumunog ang higanteng dambana. Bumukas ang higanteng pintuan, ang lahat ay sabay na tumingin doon.
Mula doon, ay lumabas ang mga nilalang na kikilatisin sa araw na ito.
Pinaluhod ito sa harapan ng mga saksi habang nakagapos ang mga kamay sa likuran, pinipigilan ang pagpapalabas ng kapangyarihan.
Tumayo ang Hari.
“Sa inyong harapan ay sina...” Natigil siya sa pagsasalita. “Dranreib Freo.” Tukoy nito sa dating Prinsipe ng Elementong Apoy. Pansin ang pagyuko ng Hari. “Javier Sheria.” Muling natigil ang Hari, nahihirapan sa pagsasalita. “At Driana Sheria.”
Nanghihina siyang napaupo, ngunit hindi niya iyon ipinahalata sa lahat. Ang tingin ay nanatiling matapang, deretso sa harapan kung saan nakaluhod ang mga nasasakdal.
“Si Dranreib Freo..” Pagsisimula ng Headmaster. “Ay nagkasala sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Pameleon habang nasa loob ng Olinia. Siya ang nagkanulo sa Hari ng Elementong Apoy, siya din ang pumatay sa isang mag-aaral ng Olinia na si Steph Eliazar.”
“Si Javier Sheria ay...” Natigilan si Headmaster Khalid at bahagyang napatingin sa Hari ng Olinia na mahina lang na tumango sa kanya, pinagpapatuloy siya sa pagsasalita. “Kusang inialay ang sarili para parusahan.” Napasinghap ang lahat habang taas-noo lang na naka-angat ang tingin ni Javier.
“At si Driana Sheria, ay nagkasala sa pagpatay sa Prinsesa ng Olinia—na sarili niyang kapatid.” Napayuko si Driana. Taas-baba ang kanyang balikat. Hindi na siya naglaban pa nang igapos ng kadena ang kanyang mga kamay upang pigilan ang pagpapalabas niya ng kapangyarihan. Kailangan niya iyong pagbayaran.
Tumayo muli ang Hari ng Olinia, inakala ng lahat na magsasalita siya, pero bumaba ito sa kanyang trono. Lumapit sa mga nasasakdal at lumuhod katabi nila. Muling napasinghap ang lahat sa gulat, may ibang napatayo pa. Ang mga kaibigang Hari naman ay hindi na nagulat. Sa pagkakataong ito si Haring Lauro naman ang tumayo at lumapit sa kanila saka katulad ng ginawa ni Haring Zander ay lumuhod din ito. Napipilan ang Headmaster, hindi niya alam ang gagawin.