CHAPTER ONE
The Princess in Disguise
Lliara Molly Sheria
Inangat ko ang aking kamay sa ere at mula sa aking palad ay lumabas ang isang kulay kayumangging liwanag. Nakita ko kung paano nanlaki ang mga mata niya. Napangisi ako. Ang mga kagaya niyang inaabuso ang posisyon ay hindi na dapat pinapatagal pa sa mundong ito.
Ngunit wala akong planong patayin siya, ang gusto ko lamang ay parusahan siya sa pagiging isang mapang-abusong kolektor ng ginto—na hindi na dapat pa ipinapagawa ni ama.
Nagtagpo ang mga ngipin ko. Mabilis kong pinadapo ang aking nakakuyom na kamay sa lupa dahilan upang magkaroon iyon ng biyak sa kinaroroonan ng kolektor. Nayanig ang paligid dahil sa nagawa ko at hindi nakatakas sa aking pandinig ang sigaw dahil sa takot na nagmumula sa mga enchanters na nakapalibot sa amin.
“W-wag P-patawad!”
Nanginginig ang buong katawan ng kolektor habang nakaluhod sa lupa. Ang mga palad ay nagkadaupa, humihingi ng kapatawaran sa nagawang kabulastugan at katrayduran.
“Hindi ka dapat sa akin humihingi ng tawad.”
Iginapos ko siya sa pamamagitan ng mga ugat na galing sa punong kahoy.
Pinalutang ko siya sa ere at ibinaba ng nakaluhod sa lupa, sa harapan ng matandang inapi niya. Bakas ang gulat sa mukha ng lahat dahil sa ginawa ko, ngunit ang gulat sa kanilang mga mata ay mas lalong umigting nang isinummon ng kolektor ang kanyang gintong punyal at walang pagdadalawang-isip na sinaksak ang matanda.Agad ko siyang hinila papalayo sa matanda at pinalutang sa ere, ang mga ugat na nakagapos sa kanyang katawan ay ngayo’y ang kanyang leeg naman ang pinapalibutan, wala akong narinig na boses galing sa kanya, dahil sa oras na ito ay wala na akong awa!
Itinaas ko ang mga kamay ko at bumuo ng punyal na gawa sa bato, saka ko isinaksak sa kanya. Ang kanyang sigaw dahil sa sakit ay unti-unting humina, hanggang sa nawalan na siya ng hininga. Ibinagsak ko ang kanyang katawan sa lupa. Mabilis ang aking paghinga habang nakatingin sa kanya na wala ng buhay.
“Harno! Harno..”
Naagaw ng atensyon ko ang isang binatang umiiyak habang kanlong-kanlong ang matandang walang awang sinaksak ng kolektor. Sumilay ang lungkot sa mukha ng mga enchanters, habang tinitingnan ang kasama nilang naghihingalo at lumalaban kay kamatayan. Tumingin sa akin ang binata nang may pagmamakaawa sa kanyang mukha.
“Iligtas mo siya, alam kong makapangyarihan ka.”
Umiiyak niyang sabi sa akin, ngunit umiling lamang ako sa kanya.
“Pasensya ka na, ngunit wala akong magawa upang buhayin ang iyong harno. Ikinalulungkot ko, ngunit ang buhay na nawala na ay hindi na muling maibabalik pa.”
Nagbago ang kanyang ekspresyon. Ang mga matang may paghihinagpis ay nahaluan ng paghihiganti. Malungkot akong ngumiti sa kanya, nababahala sa kanyang kalagayan at sa nais niyang gawin.
“Enchanter, masama ang balak mo. Huwag kang maghiganti, mapapahamak ka lang.”
Galit siyang tumingin sa akin, nakipagtitigan ako sa kanya, alam kong mga mata ko lang ang nakikita niya. May lumapit sa kanyang isang dalagita, bakas din sa kanyang mukha ang matinding paghihinagpis.
“Huwag mo akong diktahan! pinatay nila ang harno ko, ang kaisa-isang kamag-anak ko, at alam kong alam mo na may kasalanan ka rin!”
Bahagya akong nagulat sa kanyang sinabi.
“Kung hindi mo na sana inilapit ang masamang nilalang na iyon sa aking harno, ay hindi niya na sana maisaksak ang punyal, hindi niya sana napatay ang aking harno!” Pilit siyang pinipigilan ng umiiyak na dalagita sa kanyang tabi.
“Napakababa ng tingin niyo sa amin! Hindi porke mas mataas kayo sa amin ay aapihin niyo na kami! Wala kayong awa!”
“Patawad, kung iyon ang nasa isipan mo, ngunit nagkakamali ka, ginawa ko lamang iyon da—”
“Enchanters!” Napatigil ako sa pagsasalita dahil sa mga bagong dating, na ikinaagaw ng atensyon naming lahat, pinaglaho ko ang aking sarili at maigi silang pinagmasdan.
Sila ama at ang prinsipe ng apoy.
Nakasakay silang dalawa sa mga puting kabayo at agad na bumaba.
“Anong kaguluhan to?” tanong ni ama sa mga enchanters.
“Pinatay ng masama mong tauhan ang aking lolo.”
Sigaw ng binata. Naramdaman ko ang galit niya ngunit hindi ko siya masisisi. Nilapitan siya ni Prinsipe Herin ang prinsipe ng apoy at pinatayo saka sinuntok, dumugo ang labi ng binata na mas lalong ikinagalit niya.
“Wala kang karapatang sigawan ang Hari, Enchanter!”
Pinalabas niya ang kanyang apoy sa kaliwang kamay niya na syang ikinagulat ko, agad akong lumitaw sa harapan ng binata at pinalabas ang tubig sa kamay ko.
“Huwag mo siyang sasaktan, kundi ay matitikman mo ang mabangis na tubig laban sa apoy mong kapangyarihan!”
Galit na sigaw ko sa kanya.
“Tubig laban sa apoy? mukhang dehado ako hindi ba binibini? Kaya kitang labanan ngunit hindi kita sasaktan.” Pinaglaho niya ang apoy sa kanyang palad. “Batid kong mas makikita ang iyong ganda kung tatanggalin mo ang takip sa iyong mukha.”
“Pasensya ka na Prinsipe Herin, ngunit kung tatanggalin ko ang takip sa aking mukha, ay tiyak na pagsisisihan mo kung bakit mo pa ako nakita!”
Pinagsama ko ang hangin at tubig sa aking kamay, hanggang sa nakabuo ako ng ipo-ipo na may dalang tubig.
"Ganun pala ako kagwapo at kilala ako ng isang malakas na nilalang na Gaya mo.” pagmamayabang niya, ngunit kahit ganun pa man, hindi nakaligtas sa akin ang ilang beses na paglunok niya habang umaatras pabalik sa kinaroroonan ni ama. “Pero paano ka nagkaroon ng dalawang kapangyarihan?” Pinaglaho ko ang tubig sa kamay ko saka bumuntong hininga. Hindi ko siya sinagot, sa halip ay tiningnan ko ang aking ama, na matiim na nakatitig sa akin. 'Patawarin mo sana ako ama'.
“Kung hindi niyo gustong masaktan ay tuparin niyo ang aking kahilingan!”
"Ano iyon?" tanong ni ama. Nananatiling kalmado.
“Ilibing niyo ang enchanter na ito sa libingan ng mga maharlika!”
Nanlalaki ang mga matang nakatingin sa akin si Herin. Samantalang walang nagbago sa ekspresyon ni ama. Karapatan ito ng bawat nilalang na inaapi kagaya nila. Hindi man sila kabilang sa mga maharlika ngunit wala silang kasalanan upang patayin ng kung sinuman. Handa kong isakripisyo ang aking sarili upang protektahan ang bawat enchanters.
Pero nakakalungkot isipin na kahit si ama— na hari ng Olinia ay hindi alam ang ginagawa ng kanyang mga tauhan.