CHAPTER SEVEN
The Princess in Disguise
Lliara Molly Sheria
“Hayy sa wakas tumigil na din sa kakaiyak ang langit.” Umuunat pa si Chester na galing lamang sa balkonahe. Lumabas naman si Frost galing sa kusina at itinapon na naman sa akin ang basket na dala-dala niya na may lamang mga paninda.
“Frost, kakatigil palang ng ulan ah, pupunta kaagad kayo sa bayan?” Tanong sa kanya ni Eigenn.
“Masasayang lamang ang oras namin dito.” Sagot ni Frost at nauna ng lumabas ng bahay. Sabay pang napailing ang dalawa. Bumukas ang silid ni Janine at humihikab pa ito habang umuunat. Nagtataka naman itong tumingin sa amin.
“Teka? Hindi na kayo natulog?” Tanong nito.
“Natulog kami, ikaw itong matagal lang gumising.” Sagot sa kanya ni Chester. Inilibot naman ni Janine ang kanyang tingin at bahagya pang sumilip sa katabing silid, sa silid ni Frost.
“Wag niyo nga akong pinagloloko, hindi pa gising si kuya.” Nakabusangot nitong sabi.
“Ha! Kuya mo ba? malamang nasa bayan nayun ngayon.” At dahil sa sinabing iyon ni Eigenn ay muntik ko ng makalimutan na hawak-hawak ko nga pala ang basket na tinapon niya sa akin kanina. Agad akong tumayo at hinila si Janine.
“Teka uy! sama kami.” Habol naman sa amin ng dalawa at dali-dali pang isinara ang pintuan ng bahay. Lumapit naman sa akin si Chester at sumabay sa akin sa paglalakad.
“Ako na magdadala niyan.” Sabi niya. Hindi pa man ako nakapagsalita ay nasa kamay na niya ang basket. Well, siya naman ang magdadala e. Sabi niya e.
Hindi na ako nakabalik sa pagtulog kanina dahil sa mga pinag-usapan namin. Hindi nawala sa isip ko ang mga dahilan nila kung bakit sila galit sa Olinia.
“Tsk! may mabilis na daan naman bakit ba tayo naglalakad?” Wika pa ni Eigenn at may bilog na lamang na pumalibot sa amin bago kami lamunin ng liwanag.
Pagkamulat ko ay nasa bayan na kami, tsk! may teleportation ability din kaya ako kaso hindi ko nga lang ginagamit dito sa mundo ng mga enchanters. Nagsimula na kaming maglakad patungo sa pwesto namin nang may naisip akong biglang itanong sa kanila kaya huminto ako. Huminto din naman sila at tumingin sakin.
“Nagtitinda din ba kayo?” Tanong ko sa kanila na sinagot nila ng ngiti.
“May maaari pa ba kaming gawin bukod sa pagtitinda?” Malungkot na tanong ni Chester at naglakad patungo sa matandang pamilyar sa akin matapos ibigay ang basket sa akin. Teka si Lola yun ah. Ilang araw ko ba siyang hindi nakitang nagtitinda? Hmmm. Humarap ulit ako kay Eigenn.
“Ikaw? Saan ang pwesto mo?” Napakamot siya sa ulo niya at tumingin sa babaeng hindi naman katandaan na pawisan at dali-dali pang inaayos ang buhok.
“Mama ko yun. Sige ah.” Paalam niya at nagtungo na sa kanyang mama.
“Ate, aalis muna ako ah. Sandali lang talaga.” Paalam sa akin ni Janine na sinagot ko lamang ng ngiti at tango. Sinimulan ko ng tahakin ang daan patungo sa pwesto ko nang may narinig akong nag-uusap na grupo ng mga di-katandaang lalaki. Narinig ko lang naman hindi naman sa chismosa ako, basta narinig ko lang talaga.
“Alam niyo bang sinugod daw ang mga kolektor kagabi?” Rinig kong tanong ng isa sa kanila sa mga kasama nito.
“Mukhang, may gusto na talagang lumaban.” sagot naman ng isa.