CHAPTER THIRTY
The Princess in Disguise
Lliara Molly Sheria
Matagal din akong nakatitig kay Frost nang sumigaw si Driana.
“Frost, ibinibigay ko sayo ang permiso upang kitilin ang buhay ni Aedan Herin!” Agad na naramdaman ko ang bilis ng tibok ng aking puso dahil sa narinig. Ipapapatay niya si Aedan kay Frost?
“Bakit ako?” Walang bahid ni anumang emosyon ang narinig ko galing sa boses ni Frost. Kasing lamig ng pangalan niya ang ipinapakita niya ngayon. Napansin ko ang pagsilay ng isang mala demonyong ngiti sa mga labi ni Drianna, ang mga ngiting hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap.
“Dahil siya ang ipinalit ng iyong ama sa nararapat sanang katayuan mo ngayon sa kaharian.” Pakiramdam ko ay huminto ang tibok ng aking puso kabaliktaran kanina. Nanlaki ang aking mga mata dahil sa katotohanang narinig galing mismo kay Drianna. Agad na binalingan ko si Aedan ngunit wala na itong malay, kung ganun ay hindi niya narinig iyon. Hindi niya narinig na si Frost ang hinahanap niyang 'kapatid'.
“Kung ganun, hayaan mo akong iparamdam sa kanya ang tunay na kapangyarihan ng isang tunay na tagapagmana!” Madiing sabi nito. Hindi man niya pinapahalata ngunit alam kong sa kasalukuyan ay galit ang namumuo ngayon sa kanyang kalooban.
Umalingawngaw ang malakas na tawa ni Drianna kasabay ng pagtunog ng isang kapangipangilabot na tunog ng dambuhalang kampana. Na tila ba sinasabayan si Frost sa bawat hakbang niya patungo sa kinaroroonan ni Aedan. Ngunit hindi pa man natapos ang tunog na iyon ay nasa harap na ni Aedan si Frost. Si Aedan na nananatiling walang malay at maaaring sa isang iglap lang ay tatanggalan na siya ng buhay at yun ang hinding hindi ko hahayaang mangyari.
“Aedan! gumising ka!” Sumasabay sa pahina ng pahinang tunog ng kampana ang malakas kong sigaw. Mariin akong napapikit nang maramdaman ko ang nagbabagong temperatura ng kapaligiran, kakaiba ang pakiramdam ko sa kapangyarihan niya. Nang maibuka ko na ang aking mga mata ay agad na nasilayan ko si Frost na napapalibutan ng isang kulay asul at napakalamig na klase ng apoy. Ni minsan hindi ko inisip at wala akong ideya na maaaring siya ang hinahanap ni Aedan, ngunit narinig ko na. “Aedan!”
Malakas na sigaw ko muli, alam kong mas nanghihina si Aedan kapag malamig ang nararamdaman niya sa kanyang kapaligiran, ngunit ganun na ba kasama si Frost? Bahagyang bumuka ang aking bibig nang makita ko ang namumuong punyal ngayon sa palad ni Frost. Isang punyal na napapalibutan ng nag-uusok na yelo.
“Wag!” Sigaw ko nang itinutok niya ito sa nakayukong ulo ni Aedan. Inangat nito ang ulo gamit ang kanyang kamay habang hawak naman ng isang kamay niya ang punyal na gawa sa malamig na apoy. Pansin ko pa ang pagtitig nito sa nakapikit at walang malay na mukha ni Aedan.
“Ikaw si Aidan Herin, inagawan ka niya ng trono, at nagpanggap na ikaw. Patayin mo na siya!” Sigaw ni Drianna mula sa kanyang upuan.
Nanlabo ang mga mata ko. Sumasakit ang ulo ko. Gusto kong sumigaw dahil sa sakit.
Ang mga malalabong imahe ay nagsimula na namang maglaro sa aking isipan.
“Molly, nakikilala mo pa ba ako?”
Pumikit ako ng mariin, pilit na inaarok ang isip ko, pinapalinaw ang imaheng nakikita ko, pero hindi ako nagtagumpay.
“Aidan, ano ba! Hindi ko mahuli.”
“Ayan, tumatawa ka na.”