CHAPTER NINE
The Princess in Disguise
Lliara Molly Sheria
Nakahiga na ako ngayon sa higaan, hindi parin tumitila ang ulan at mas malakas pa ang buhos nito kaysa sa kagabi. Kahit gabi na, ay mas lalong madilim ang paligid dahil ata sa mga ulap na hindi na nauubusan ng tubig-ulan. Dahil sa hindi naman ako makatulog marahil sa malakas na pag-iyak ng langit ay napagdesisyunan ko ring lumabas muna ng silid. Umupo ako sa upuang gawa sa kahoy at humalukipkip. Ilang beses akong bumuga ng hangin habang tinitingnan ang pintuan, may dalawang bintana sa bawat gilid nito at gusto ko talagang pagmasdan ang ulan. Nagtungo na ako sa isang bintana at binuksan ito, napakadilim ng paligid, ang tanging naaaninag kong liwanag ay ang liwanag ng limang kaharian at ang liwanag na nagmumula sa kidlat. Muli na naman akong napabuntong-hininga dahil sa naalala kong eksena kanina, naaalala pa pala nila ako at kita ko sa kanilang mga mukha ang pag-aalala. Muli akong tumingin sa labas at bahagyang pinikit ang aking mga mata bago ko ito muling iminulat. Ngunit agad na kumunot ang aking noo nang may naaaninag ako sa gitna ng kadiliman, ipinokus ko pa ang aking tingin sa dalawang nilalang na nakatayo, bahagya na namang kumidlat kaya't nasigurado kong hindi ako nag iilusyon lamang, dalawang nilalang na nakasuot ng cloak, at hindi ko matanto kung ano ang mga kulay nito.
Muli na namang kumidlat ngunit wala na ang dalawang nilalang na iyon sa kanilang kinatatayuan. Umiling na lang ako.
“Kung ano-ano na ang iniisip ko. tsk!” Sinarado ko na lang ang bintana at magtutungo na sana sa silid nang pagharap ko nakita ko si Frost na nakasandal sa bubong ng kusina habang nakatingin sakin.
“Anong ginagawa mo jan?” Tanong ko, ngunit tiningnan niya lang ang kanyang sarili bago ako tingnan nang nakataas pa ang kilay.
“Sumasandal?” Patanong niyang sagot. Agad namang nanliit ang aking mga mata.
“Alam ko yun. Ang ibig kong sabihin, bakit ka nanjan? bakit mo ko tinitingnan?” Nakataas ko ding kilay na sagot sa kanya.
“Bakit ako nandito? Dahil bahay ko to. Bakit kita tinitingnan? Hindi ba halatang may mga mata ako?” Sarkastiko niyang pagkakasagot bago tumayo ng maayos at umupo sa upuang gawa sa kahoy. Napanganga pa ako sa kanyang naging sagot. Tsk! hanggang ngayon ay naninibago parin talaga ako sa kanya, biruin niyo naman, ngayon ko lang siya narinig na sarkastiko akong sinasagot na hindi man lang galit, at isa pa, ang dami niyang sinasabi ah!
“Ikaw? Ba't hindi ka pa nakatulog?”
“Dahil, hindi pa naman ako inaantok.” Sagot ko sa kanya nang hindi pa rin umaalis sa aking kinatatayuan. Nang hindi siya sumagot ay saka ko lang naisip na matutulog na ako. Ayokong makipag-usap sa mga enchanters na gaya niyang nakakapagpa-antok.
“Sige matutulog na ako.” Paalam ko at pumasok na sa silid ni Janine.
Kinaumagahan maaga akong nagising dahil sa mga mahihinang tapik sa balikat ko. Nakita ko si Janine habang nag-aayos. Agad naman akong bumangon.
“Ang aga naman ata nating maninda?” inaantok ko pang tanong sa kanya.
“Maagang namulabog si kuya e.” Sagot niya, agad narin akong bumangon at nag-ayos na. Hindi nalang muna ako kakain, parang hindi naman ako natunawan e.
“Sabi mo sa’kin Janine, mind-reader ang kuya mo.” Mahinang tumawa ang huli.
“Tinatakot lang kita ate. Bakit? Pinipilit mo bang hindi pagnasaan ang kuya ko dahil sa sinabi ko sayong mind reader siya?”