Prologue

16.8K 386 35
                                    

UNANG nakakuha sa kanyang atensiyon ang pumailanlang na pamilyar—ngunit hindi niya tiyak kung ano ang pamagat—na klasikong musika sa paligid. Iyon lamang ay mas nangibabaw sa musika ang ingay na likha ng mga tao dala nang pag-uusap, kwentuhan, tawanan, at mga yabag. Nang kanyang ituon ang pansin sa paligid ay napagtanto niyang isang pagtitipon ang nagaganap.

Kung para saan ay hindi niya alam.

Bagamat pagkalito ang rumehistro sa isip kung bakit siya naroon ay minabuti na lamang niyang magmasid.

Kasalukuyan siyang nasa isang silid na puno ng mga tao na sa tingin niya ay mula sa alta socialidad nang panahong iyon. Ang mga kasuotan ng mga ito ay repleksyon ng estado at karangyaan nang pamumuhay. Lalo na sa mga kababaihan na tila nagpapatalbugan sa disenyo nang kani-kanyang baro't saya at mga adornong borloloy sa leeg, braso, at buhok. Ipinagtataka nga lang niya na kung anong linaw nang mga detalyeng iyon ay siyang labo naman ng mukha ng mga ito. Na para bang sinadya iyong palabuin sa paningin niya.

Napabuntong hininga na lamang siya habang nakamasid sa paligid. Alam niyang hindi siya nabibilang sa panahong iyon.

Kahit kailan.

Patunay ang kadahilanan na walang nakakapansin sa kanyang presensiya. Dinadaan-daanan lang din siya ng mga babae at lalaking napapagawi sa kanyang kinatatayuan. Kung may nakakaharap at pakiramdam niyang nakakatitigan sa mgamata ay tumatagos lang iyon sa kanyang likod.

Na para bang—wala siya roon.

Ngunit, naroon pa rin siya na kanyang ipinagtataka. Para bang inilagay siya roon upang saksihan ang kung ano.

Tatlong malakas na palakpak ang narinig sa bulwagan na siyang nagpahinto sa klasikong musika, ingay na likha ng mga tao, at humango sa kanya mula sa sariling pag-iisip.

Lahat nang atensyon ay napako sa lalaking sa tantiya niya ay nasa early fifties. Nakatayo ito sa tabi nang isang upright piano. Ang kasuotan nito ay itim na coat na maayos na nakabutones at itim na trouser. Itim na sapatos na tingin niya ay gawa sa balat ang suot nito sa mga paa. Tulad ng karamihan doon ay hindi rin niya maaninag ang pagmumukha nito.

Tumikhim muna ito bago nagsalita.

Hindi na niya iyon pinansin dahil sa wikang Español na gamit nito na ang ibang salita ay hindi niya naintindihan. Tanging ang salitang tumukoy sa 'kaarawan' ang naintindihan niya. Bagkus, itinuon na lamang niya ang pansin sa entrada na patungo sa mga silid. Tulad kanina ay may kung ano rin na nagtulak sa kanya na maglagi ang mga mata sa direksyong iyon.

"...mi única hija, Corazon dela Torre!"

Isang dalaga na ngayon ay naglalakad kasama ang babaeng sa tingin niya ay mas matanda rito nang ilang dekada ang nakakuha ng kanyang atensyon. Kaiba sa mga kababaihang naroon ang dalaga, simple ngunit sopistikada ang dating ng puting baro't saya nito na may burdang bulaklak sa palda. Tanging ang itim na choker nito na may palawit na kulay pulang bato ang adorno nito. Malabo rin ang pagkakakilanlan ng mukha ng babae.

Isa-isa nang nagsilapit ang mga taong naroon upang bumati sa dalaga.

Tinalikuran na niya ang eksenang iyon. Nakaramdam siyang muli ng udyok na tumingin sa labas ng bintana. Napasandal na lamang siya sa hamba niyon at itinuon ang paningin sa kalsada na may mangilan-ngilang kalesang dumaraan. Malamig ang simoy ng sariwang hangin na nanunuot sa kanyang damit hanggang sa kanyang balat. Akmang yayakapin na niya ang sarili nang may mapansin siya sa kabilang bahagi ng kalsada.

Isang babae na nakasuot ng simpleng baro't saya ang nakatanaw sa kinaroroonan niya. May kasama itong babae na sa tingin niya ay mas bata rito ng ilang taon. Kita niya ang kamay ng nakababata sa braso ng babae at pilit itong hinihila palayo.

Hindi niya maintindihan kung bakit napukaw nito ang kuryosidad niya. Na para bang kahit hindi niya maaninag ang mukha nito ay kilalang-kilala niya ito. Na tila ba ramdam niya ang kirot sa dibdib na tulad marahil nang nadarama nito habang nakatanaw sa kinaroroonan niya.

Namalayan na lamang niya ang paglandas ng luha sa pisngi dahil sa mayuming ihip nang hangin. Gumuhit iyon nang lamig sa pinaglandasan ng kanyang luha. Tulad ng kakaibang pakiramdam na tumatak sa kanyang damdamin.

Nawala na ang babaeng nakita niya sa kinatatayuan nito. Napalinga siya sa paligid, umasang kahit likod nito ay makita niya.

Ngunit, naiwan siyang bigo.

Isang tapik sa balikat ang nakapagpagulat sa kanya. Kasabay niyon ang dalawang salitang tila may himig pahiwatig nang—pag-asa.

"Esta vez."







Esta Vez (This Time)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon