SC: Ang Simula

2.3K 62 23
                                    

February 9, 1997...

MULA sa pagkakayuko nang matagal na tanging ang damuhan lamang sa kanyang paanan ang natatanaw, muli ay nagawa niyang mag-angat ng mukha upang mapagtuunan nang pansin ang tanawin sa kanyang harapan. Ang tanging araw na siya ay may pahintulot upang gawin iyon ay mukhang dumating nang muli, katulad sa mga nagdaang mga taon na hindi na niya mabilang pa sa katagalan.

Walang kahit anong bakas nang pananabik sa kanyang mukha, ang kanyang mga mata ay walang buhay dala nang kaalamang ang araw na ito ay panimulang muli ng mga alaalang ang tanging hatid ay pagdurusa upang kabayaran sa mabigat na kasalanang kanyang ginawa.

Pagkakamaling nakalimutan at kasamang nailibing sa hukay ng pinakahuling taong nakakaalam.

Ang kanyang mga mata ay lumamlam nang pagtuunan na nang pansin ang tanawin sa kanyang harapan, hindi na interesado sa kagandahang dati ay kanyang ibig makita. Ang nagsaboy na kulay kahel at malamlam na asul sa kalangitan, na kahanga-hangang sining ng mundo, ay lalo lamang dumagdag sa nag-uumapaw na bigat sa kanyang dibdib. Ipinapaalala lamang niyon ang nakaraang kailanman ay hindi na niya mababalikan pa.

Ang kanyang pagmumuni sa panahong nakalipas ay naudlot nang dahil sa nakasisilaw na liwanag mula sa sinag ng papasikat na araw. Sinundan iyon ng nakakapasong init na tila ba tinutusta ang kanyang balat na nanunuot hanggang sa himaymay ng kanyang laman, sensasyong kailangan niyang pagtiisan upang pagdaanan ang prosesong kailanman ay hindi niya pa rin makasanayan.

Kahit na paulit-ulit na niyang pinagdaanan iyon sa nakalipas na mga panahon.

Ang paghihirap na nararanasan ay mas lumala pa nang unti-unti nang sumikat ang araw, bagay na nagdala sa kanya patungo sa punto kung saan ay halos himatayin na siya sa sakit.

Hindi na niya matandaan pa kung gaano na niya katagal na pinagtitiisan ang prosesong iyon hanggang sa unti-unting napawi ang nakapapasong init sa kanyang balat. Ang kanyang paningin ay nagbalik na rin sa normal na dahilan upang muli ay makita niya ang tanawin sa kanyang harapan. Ang langit ay asul na asul na may mangilan-ngilang ulap. Ang araw ay wala na sa linya ng kanyang paningin. Nahaharang na ang sikat niyon ng mga dahon ng punong nagsilbing silong mula sa nakapapasong init ng araw.

Naginhawaang napabuntong-hininga siya pagkat natapos na ang prosesong iyon. Makakayanan na niya ang susunod na mangyayari habang winiwili niya ang sarili sa katahimikang hatid ng lugar na naging kanlungan na niya sa tagal ng panahon.

Bagay na nakakainip man habang hinihintay ang oras nang paghintong muli ng kanyang oras upang masimulan ang mga masasakit na alaala nang nakalipas.

Ang katahimikang bumalot sa kanya ay naudlot dala ng mahinang pagtawa mula sa kung saan. Ang tawang may himig ng galak ay naghatid ng makapanindig balahibong kuryosidad sa kanyang isipan. Iyon lamang ay hindi niya magawang gumalaw upang lingunin at hanapin ang pinanggagalingan niyon.

Tanging ang tanawin sa kanyang harapan ang kaya niyang makita at ang damuhan kanyang ilalim. Limitadong kalayaang para sa mga katulad niyang nananatili pa sa mundong ito.

"Nauna ako!" Ang may galak sa boses na nawika ng batang babae na nakakuha ng kanyang atensiyon. Ilang dekada na rin ang nakalipas mula nang makarinig siya nang mga salitang puno ng buhay. Ang pananatiling mag-isa sa lugar na iyon ay nagbigay nang kawalan ng pag-asa sa kanya upang makatagpo pa nang mga tao maliban sa dalawang nilalang na nagagawi sa lugar na iyon. Ang una sa mga iyon ay matagal nang nahinto sa pagtungo sa lugar na iyon habang ang huli ay nagagawi lamang isang beses sa isang buong taon para sa mahalagang rason.

Esta Vez (This Time)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon