Chapter 1: The District of Setra

28K 842 70
                                    

Chapter 1: The District of Setra 

Hawak-hawak ang dalawang walang laman na timba. Nautusan ako ni Lola Olivia na mag-igib at kung minalas-malas nga naman ay sobrang haba ng pila. Napabuga na lang ako ng hangin at nanlalatang pumunta sa pinakahulihan ng pila. 

Namataan ko na may malaking agwat sa bandang gitna. Napangisi ako at mabilis na tumakbo upang tumungo roon. 

Nakarinig ako ng mga reklamo sa likuran pero 'di ko na pinansin. Kailangan kong makapag-igib agad at kung hindi ay mapapagalitan na naman ako ni lola. Baka tuluyan nang mawala ang tainga ko kakahatak niya. 

Muntik na kong mawalan ng balanse nang may humatak ng manggas ko. Napataas ang kilay ko kay Peter. "Bawal 'yan, balik sa dulo," sermon niya. 

"Ayoko!" At muling bumalik sa pila.

"Okay, sasabihin ko na lang sa lo—" 

Nakalamukos ang aking mukha nang kunin ang dalawang timba at saka bumalik sa pinakadulo ng pila. At ang loko ay tumawa lang sa inasta ko. Palibhasa gustong-gusto niya na pinipingot ako ni lola. Tsk!

---

Napapunas ako ng pawis sa noo. Haist! Dalawang timba lang at tumagal ng ilang oras. 

"Pagod ka na agad?" Napairap ako kay Peter at nagpatuloy sa paglalakad habang bitbit ang mga may laman na timba.

Kinuha niya ang isa kong hawak. "Sorry na, Avi. Trabaho ko kasi 'yon." Tama siya, ginagawa lang niya ang trabaho niya, isa sa mga sideline niya na magbantay.

"Apology accepted."

"Talaga ba, 'di ka lang napipilitan?"

"Hindi basta lilibre mo ko," ngisi kong sabi. 

Ginulo niya ang buhok ko. "Magkaibigan nga tayo, parehas tayong matakaw." 

"Mana po kasi sa'yo." Sabay na lang kaming natawa sa asaran namin.

Habang papauwi na ay may napansin akong batang babae na umiiyak dahil nilalatigo ng kawal.

Agad kong iniwas ang tingin sa bata. Napabuga na lang ako ng hangin. Wala kang nakita, Avianna. Wala.

Nilagpasan namin ang batang babae. Mababakas din kay Peter ang awa nang makita ito. Pero ano ba magagawa namin? Isang lang kaming hamak na Setran.

Simula nang mamuno ang Godric na 'yon ay nagkagulo sa buong Astria. Pero ang mas pinupuntirya nila ay ang mga Setran. Tumaas ang buwis at nawalan ng hustisya. Puro Aclarian ang mga nandito na walang ginawa kundi mang-api sa 'min. Palibhasa may mga pera.

Hay, ano ba magagawa ko nasa Astria kami?

Ang Astria ay kilala na isa sa makapangyarihang kaharian. Na nahahati sa limang distrito—Aclar, Ester, Saffron, Cassia at Setra. Mayamang kaharian kaya pinamugaran ng mga sakim sa pera. Miski ang duke sa distrito na 'to ay pinabayaan na lang mamamayan niya at walang ginawa kundi magsugal.

"Tulong po!" iyak ng batang babae. Napatigil ako sa paglalakad. Naikuyom ang aking palad.

Hinawakan ni Peter ang pulsuhan ko. "Avi, pag-isipan mo muna 'yang balak mo."

Sa tagal na kasama ko si Peter ay kilalang-kilala na niya 'ko. Alam niya na hindi ako sanay makakita ng inaapi. 

Tumango na lang ako sa sinabi niya at hindi pinansin ang bata. Nang biglang marinig ang sigaw ng kawal.

"Walang tutulong sa'yo bata! Ang dapat sa inyo mamatay. Mga wala kayong kwenta! Pagbayad na nga lang ng buwis 'di n'yo pa magawa."

Hindi na ko nakapagpigil pa at kusang tumakbo ang mga paa ko. Narinig ko pa ang pagpigil ni Peter pero 'di na ko nagpaawat at tinapon ang isang baldeng tubig sa kawal.

Crown of AstriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon