Chapter 6: Hidden Dimension

12K 620 69
                                    

Chapter 6: Hidden Dimension

Habang nasa sasakyan ay nakatingin lamang ako sa labas, hindi pa rin maalis sa isip ko kung paanong tumugma ang dugo ko kay Duchess Clementine.

"Mukhang malalim ang iniisip mo." Nagawi ang tingin ko kay Dustin na nagmamaneho.

"Hindi ko lang maintindihan kung paanong tumugma ang dugo ko." Nakita ko sa side mirror na tipid siyang ngumiti. "May alam ka ba?" pag-uusisa ko.

"Umuwi agad si Prinsipe Clyde dahil sumama ang pakiramdam niya," sagot niya.

Hindi ko ito napansin dahil sa pag-aalala sa resulta.

"Ano kinalaman niya sa tanong ko?"

"Nakakakontrol siya ng oras pero 'di pa siya bihasa. Ang pinakamahabang oras na nagagawa niya ay tatlumpung segundo. Dahil lumagpas siya ng ilang segundo—muntik na siyang mahimatay at agad na umuwi nang maaga." 

"Ang ibig sabihin si Clyde ang may dahilan kung bakit tumugma ang dugo ko?"

Tumango siya. "Minapula niya ang resulta."

"Marami siyang abilities hindi lang element?" mangha kong tanong kasunod nang paghinto ng sasakyan.

"Nandito na tayo," sabi nito sabay baba niya sa sasakyan. 

Agad akong lumabas at tinawag siya. "Wait, Captain!" Pero hindi pa rin siya tumitigil sa paglalakad. "'Di ba dapat sabihin n'yo sa'kin kung sino ba talaga kayo, kung ano ang kaya n'yo?" Napahinto siya sa sinabi ko at bumaling sa'kin.

"Hindi 'yon ang importante. Ang kailangan mong gawin ay bigyan mong pansin ang pagprapraktis mo. Kilala ko ang mga konseho lalo na ang hari, hindi sila papayag na tumagal ka rito. Siguradong papalipatin ka sa mga Zedler kaya habang wala pa silang inuulat, doblehin mo ang oras mo kung paano mo magagaya ang prinsesa," seryosong sabi ni Dustin at tuluyan na kong iniwan.

Pumasok na ko ng palasyo nang mapakunot-noo ako. Palakad-lakad ang mga tagasilbi, para bang nag-aatubli sa ginagawa. Nagkukumahog na para bang may importanteng inutos sa kanila.

"Anong problema?" tanong ko sa kanila, napahinto ang isa at saka yumuko sa akin.

"Prinsesa Celestine, s-sinigawan po kasi kami ng k-kamahalan. M-malala po ang l-lagnat niya at wala pa po si Miss Eleonor. Hindi na po namin alam ang gagawin," kinakabahan na sagot ng isang tagasilbi.

"Sige, ako ng bahala sa kanya. Ikuha niyo na lang ako ng white willow at tuwalya." Napahinto sila at mabilis nagsisunod sa sinabi ko.

Tumungo ako sa kusina upang magpa-init ng tubig at ihanda ang tsaa kay Clyde. Mayamaya ay dumating ang mga tagasilbi na may dala ng inuutos ko.

Matapos kong gawin ang tsaa, pinadala ko sa isang tagasilbi ang tuwalya na may maligamgam na tubig. Habang ako naman ang may hawak ng tasa at dumiretso sa silid ng prinsipe.

Pagpasok ng tagasilbi sa silid nito ay rinig na rinig ko ang galit na sigaw ni Clyde. Napailing na lamang ako at tuluyan nang pumasok. Sinenyasan ko ang tagasilbi na umalis muna.

Bumungad sa akin ang nakalamukos na mukha ng prinsipe. Nakahiga siya sa kama na tila nanlalata. Idagdag pa ang magulo niyang buhok at pamumula ng kanyang pisngi. 

Inilagay ko ang tasa sa lamesita nito. Umupo ako sa tabi niya at sinalat ang noo nito. Tama nga sila, mataas nga ang lagnat niya.

"Ano ginagawa mo rito?" inis na tanong niya.

"Papagalingin ka." Kinuha ko ang tsaa at inabot sa kanya. "Gumawa ako ng tsaa par⁠—"

"Hindi ko kailangan 'yan. Umalis ka na," paos na sabi ni Clyde.

Crown of AstriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon