Chapter 41: Past Vision
Third-Person Point of View
"Avianna..."
Natauhan si Avianna nang makita ang sarili na nakatayo sa madamong lupa. Nagtataka niyang nilibot ang kanyang paningin sa isang malaparaisong hardin.
"Avianna," muling nakakahikayat na tawag sa kanya. Naguguluhan man ay dumiretso ang dalaga sa paglalakad hanggang sa maaninagan ang isang babae na nasa tingin niya ay higit na apatnapu ang edad.
Mahaba ang kulay tsokolate nitong buhok na halos umabot sa kaniyang baywang. Kulay asul ang kanyang mga mata at nakasuot din ito na mahabang puting bestida, para bang isa siyang diwata sa lugar na ito.
Ngumiti siya kay Avianna. "Nandito ako upang tulungan ka," malumanay na sabi ng babae.
Hindi magawang ibukas ng dalaga ang kanyang bibig dahil hindi pa rin niya naiintindihan ang nangyayari, kung bakit siya napunta sa lugar na 'to.
Nagsimulang maglakad ang babae at kusa naman niyang sinundan ito.
"Napansin mo ba ang marka sa iyong braso?" biglang tanong ng babae habang naglalakad.
Napakunot ang noo ni Avianna sa sinambit nito. Napatingin siya sa kanyang braso at nanlaki ang mata nang makita ang marka. Hugis lotus ito na may mahabang arrow sa gitnang bahagi.
"Anong ibig sabihin nito?" Para bang nakakuha na siya ng lakas ng loob upang magsalita.
"Iyan ang magsisilbi para makatakas ka," sabi nito kaya lalong naguluhan ang dalaga.
Huminto ang babae sa paglalakad at humarap sa kanya.
"Hindi ba iyon ang problema mo? Ang makatakas ka na hindi sila nadadamay." Muling nanlaki ang mata ni Avianna na hindi makapaniwala na alam nito ang tungkol do'n.
Bumaling ang tingin ng babae sa rumaragasang tubig sa sapa at unti-unting nagsisibukas ang mga lotus na narooon. "Kailangan mong mamatay para mabuhay."
Lalong kumunot ang noo ni Avianna. "Sino ka?" naguguluhang tanong ng dalaga.
"Ako ang tagapangalaga ng libro ng Hidden Dimension."
Tinapunan niya ito nang hindi makapaniwalang tingin. "Pero sira na ang libro. Kitang-kita ko na nasunog ito sa—"
"Dahil nakahanap na ng may-ari ang libro. At ikaw 'yon Avianna. Nakalagay na sa marka mo ang kapangyarihan ng libro."
Napaatras siya sa kanyang narinig. "Kapangyarihan?"
Ngumiti lamang ang babae at unti-unting naglaho.
"Teka!"
---
Napabalikwas si Avianna. Hinihingal siyang napabangon sa madilim na kulungan. Nagawi ang tingin nito sa umiilaw na marka sa kanyang braso. Napagtanto niya na hindi lang basta panaginip ang nangyari.
BINABASA MO ANG
Crown of Astria
Fantasy✓ | Tagalog | Because of Astria Kingdom's wealth and economic success, the throne was broken by violence, the crown was earned by treachery. To seek revenge and justice, Prince Clyde Maxfield offers a prisoner named Avianna Elora freedom in exchang...