EDUARD'S POV
Maswerte akong nakita si Camille na kaibigan ni Mariel pagpasok ko sa main gate kaya agad ko siyang nilapitan at tinanong kung saan ko makikita si Mariel. Hindi naman siya nagdalawang isip na samahan ako papunta sa lugar kung nasaan si Mariel.
Nag-usap muna silang dalawa ngunit di ko naman marinig kung anong pinag-uusapan nila. Maya-maya, ngumuso si Camille sa direksyon ko saka umalis at nang mapalingon si Mariel sa direksyon ko, nanlaki ang mga mata nito sa gulat. Agad naman akong lumapit sa kanya.
"Good morning Mariel!"
"E-eduard? A-akala ko...."
Hindi ko na pinatapos ang sasabihin ni Mariel at agad na akong nagsalita. "Dati adik lang ako sa dota pero ngayon, mukhang may bago na akong bisyo." Kitang-kita ko kung paano unti-unting namula ang mga pisngi ni Mariel at pigil ang kanyang mga ngiti. "Ahm... nagdala nga pala ako ng chocolate at tubig para sa'yo. Biscuit sana ang bibilhin ko kaya lang, naalala kong pangpagana daw ng utak ang chocolate kaya malaking tulong 'yan sa laban mo mamaya. Alam kong napakagaling mo na sa chess pero lucky charm na rin yang chocolate."
"S-salamat!" Nakita ko na naman ang ngiti ni Mariel na nakakapuno ng tuwa sa puso ko.
"Pero kung gusto mo ng biscuit, sabihin mo lang. Bibilhan kita."
"Ay hindi na Eduard! Nakakahiya naman tsaka busog pa naman ako."
"Galingan mo sa laban mamaya ha! Panonoorin ko ang laban mo."
Saglit pa kaming nakapagkwentuhan ni Mariel kasabay ng pag-kain niya sa binigay kong chocolate sa kanya. Maya-maya pa ay nagsimula na nga ang laban nila.
Napatunayan kong napakagaling talaga ni Mariel sa sports niya. Ang dami niyang kinalaban pero nag-champion pa siya. Masayang-masaya ako at proud para sa kanya.
Gusto ko pa sanang magsabay kaming magtanghalian pero di ko talaga mapilit si Mariel. Ilang sandali pa ay nakatanggap ako ng tawag mula kay tito Arman. Hindi naman siya galit. Ewan ko kung anong palusot ang sinabi ni nanay sa kanya pero kailangan ko na daw talagang lumuwas ngayon. Kaya malungkot man ay kailangan ko nang magpaalam kay Mariel.
"Salamat talaga sa suporta mo ha! Tsaka sa lucky charm mong chocolate."
"Wala 'yun! Magaling ka talaga Mariel. Kahit walang chocolate, champion ka pa rin... sa puso ko!" Natawa naman si Mariel at hinampas pa ako sa balikat ko. "Bolero ka talaga!"
"So pa'no? Kailangan ko na talagang umalis. Malamang, 5 months from now bago ulit ako makabalik. Sa december pa 'yun."
"And so?"
"Ito naman! Nagtataray ka na naman. Wala man lang bang good bye kiss este flying kiss?"
"Che! Loko-loko!"
Ilang beses ko pang kinulit si Mariel bago ako tuluyang umalis. Hay! Sobrang mamimiss ko siya. Sana sa pagbalik ko, ganito pa rin kami sa isa't-isa.
Paglabas ko ng main gate, may napansin akong lalaking galit na galit kung makatitig sa akin at pamilyar sa akin ang mukha niya. Maya-maya pa ay nilapitan ako nito at saka ko naalalang tatay ito ni Mariel. Gusto kong tumakbo dahil sa kaba, takot at dahil na rin sa paraan ng pagtitig niya sa akin pero tila nanigas na lang ako sa kinatatayuan ko,
"Sinasabi ko na nga ba! Unang kita ko pa lang sa'yo, masama na ang pakiramdam ko sa'yo. Hoy! Baka akala mo madali mong makukuha ang anak ko! Pwes nagkakamali ka! Tigil-tigilan mo na ang anak ko dahil kung hindi, malalagot ka sa akin!" Pigil ang galit na wika sa akin ni tatay Greg habang dinuduro pa ako nito.
"P-pero ho.... wala naman po akong masamang balak sa anak nyo. Malinis po ang intensyon ko sa anak."
"Intensyon? Anong klaseng intensyon? Balak mong ligawan ang anak ko? Ngayon pa lang sinasabi ko sa'yo na umurong ka na! Huwag mo nang guluhin ang anak ko! Layuan mo na siya kung ayaw mong magkagulo-gulo ang pamilya namin dahil sa'yo! Naiintindihan mo ba? Ha!!!"
"O-oho! Naiintindihan ko po. Pasensya na ho."
Iyon na lamang ang naisagot ko sa galit na galit na ama ni Mariel. Agad niya akong pinaalis at siya naman ay nakita kong kinakausap na ang guard.
BINABASA MO ANG
Worth Waiting Love (COMPLETED)
RomansaGood day writers and readers! ❤ feel free to read my story. Ginawa ko po itong mas makatotohanan at naaayon sa kasalukuyang ordinaryong buhay ng mga Pilipino lalo na ng mga kabataan para mas makarelate ang mga magbabasa. Di katulad ng mga nababasa k...