♩♪♫♬♭♩♪♫♬♭♩♪♫♬♭
Pakibuksan naman ang bintana
Binibining kasing-ganda ng tala
Nawa'y mamasdan sa karimlan
Ang nagsusumamo kong katapatan...
Dungawin mo sana marilag na dilag
At sa puso ko'y mahabag
Patuluyin sana sa iyong tahanan
Ang binatang sa iyo'y nananapatan...
♩♪♫♬♭♩♪♫♬♭♩♪♫♬♭
Nabasag ang katahimikan ng gabi at kasabay ng malamig na simoy ng hangin ay pumailanlang ang magandang tinig ng isang binata saliw sa tugtog ng gitara. May mga ibang tinig pa na sumasabay sa chorus ng kanta. Parang mga back-up singers.
Kasalukuyang nasa sala sina Allexis, Elyang at ang apat na mga kaibigan nilang dalaga na sina Neneng, Lida, Ponyang at Salud. Nagbuburda sila ng mga panyo.
Kakatapos pa lang nilang maghapunan at hindi pa naman malalim ang gabi kung tutuusin, pero tahimik na ang buong paligid at ang karamihan sa mga kapitbahay nila ay sadyang maagang nagsisitulog.
Nandoon ang magkakaibigan dahil tinuturuan nila si Allexis kung paano magburda ng pangalan niya sa panyo. Doon din sila makikitulog ngayong gabi dahil plano nilang maglaba sa sapa kinabukasan at gustong sumama ni Allexis sa kanila.
Nagkatinginan ang mga dalaga ng marinig ang magandang tinig na nanggagaling sa hardin. Parang kinikilig si Ponyang habang si Neneng naman ay napapangiti ng ubod tamis.
"Ayan na nga ba ang sinasabi ko. Inaasahan ko na 'yan kanina pa. Nakita kasi nila si Allexis kanina sa palengke at madaming mga kabinataan ang nabighani sa kanyang kagandahan." Nangingiting sabi ni Elyang.
"Hala, atin na silang silipin at baka isipin nila na hindi mo nagugustuhan Allexis ang kanilang pag-awit." Nag-aya na si Salud at itinabi na muna ang binuburdahang panyo. Kinuha na rin niya ang mga panyo na binuburdahan nina Neneng at inilagay sa isang maliit na kahon.
"Oo nga naman, Allexis. Sige na at silipin na ninyo ang mga binata. Ako na ang bahala diyan sa mga binuburdahan ninyo." Sabi ni Elyang sa kanila.
Tumayo sa tapat ng bintana na nasa harap ng bahay ang mga dalaga. Sa labas ng bintana ay naroon ang malawak na balkonahe pero hindi sila pumunta sa balkonahe. Nanatili lang silang nakasilip sa bintana at nakikinig sa pag-awit ng mga binata.
Apat na binata ang naroon sa hardin at isa sa kanila ang nagsosolong umaawit habang ang isa ay taga-tugtog ng gitara at ang dalawa naman ay sumasabay sa pag-awit. Mga nakasuot sila ng barong tagalog at nakasuot ng pantalon na kulay itim. Maaayos ang kanilang bihis.
"Ay si Narding pala itong nanghaharana sa iyo, Allexis." Pabulong na sabi ni Lida.
"Paano mo nalaman? Tatlo silang kumakanta. Bakit mo nasabing si Narding ang nanghaharana?" nagtatakang tanong ni Allexis.
"Kung sino ang solohista, siya ang nanghaharana at siya ang manliligaw. 'Yung mga kasama niya, mga kasama lang niya at siyang nagpapalakas lang ng loob ng manliligaw. Sa pagkakataong ito, aakyat ng ligaw sa iyo si Narding. Ang gwapo niya ano?" kinikilig na bulong naman ni Salud.
BINABASA MO ANG
NASAAN SI MARIA CLARA?
RomanceALLEXIS IS A MODERN WOMAN, MULA SA KASALUKUYANG MAKABAGONG PANAHON - YEAR 2018. SA ISANG HINDI INAASAHANG PANGYAYARI, SHE WAS ACCIDENTALLY SENT BACK IN TIME, SA ISANG MAKALUMANG PANAHON AT ISANG UMAGA AY NAGISING NA LAMANG SIYA NA NASA LATE 18TH CE...