KABANATA 49

191 7 7
                                    




Makalipas ang ilang araw...

                                    Magugulantang si Allexis isang madaling araw at maririnig niyang tila natataranta ang mag-asawang Macario at Elyang sa ibaba. Nag-iiyakan pa ang mga anak nila.

                                    Napabalikwas si Allexis at bigla siyang tumakbo pababa. Ninenerbiyos siya kahit hindi pa niya alam kung ano ang nangyayari.

                                    "Bakit? Ano ang nangyayari dito?" kinakabahang tanong ni Allexis kay Elyang na nakasalubong niya galing sa kusina at may dalang isang palangganang tubig.

                                    "Mainit na mainit si Junior ko, inaapoy siya ng lagnat. Buong araw na siyang nilalagnat. Mawawala lang saglit tapos ay babalik din ang lagnat. Mas mainit siya ngayon. Baka kasi tumirik ang mga mata niya pag tumaas pa ng sobra ang lagnat niya. Hindi nga siya nakakain ng maayos buong araw kasi walang gana." Naiiyak na sabi ni Elyang. Sumunod si Allexis sa kanya sa kwarto nila.

                                    Andun nga at ginaw na ginaw pa ang bata kahit namamaluktot na ito sa ilalim ng tatlong pinagpatung-patong na kumot. Hindi naman malamig ang panahon ng mga sandaling iyon. Gawa ng mataas na lagnat ay nanginginig na ito sa ginaw.

                                    "Wala daw si kumpareng Kulas at nasa Sta. Clara noong isang araw pa. Hihiramin ko sana ang karitela niya para makarating tayo sa ospital o sa doktor man lang." nag-aalalang sabi naman ni Macario.

                                    "Kung nandito sana si Pepe ano? Di ba doktor siya? Sigurado ako kaya niyang pagalingin itong si Junior natin." Sabi ni Elyang at panay ang punas niya ng bimpong basa ng tubig sa noo at buong katawan ng anak niya na nanginginig pa din ngayon sa taas ng lagnat.

                                    Oo nga pala, doktor si Pepe...sabi ng puso ni Allexis.

                                    "Junior, gagaling ka ha? Sandali lang at hintayin mo ako ha? May kukunin lang ako sa itaas." Awang-awa si Allexis sa bata. Palibhasa ay napalapit na ding talaga sa kanya ang mga anak nina Macario at parang pangalawang ina na din siya ng mga ito.

                                    Halos patakbong inakyat ni Allexis ang hagdan, patungo sa kanyang kwarto. Kinuha niya sa taguan, dun sa pinakasulok na bahagi ng aparador doon ang malaki niyang bag na dala niya mula pa sa modernong panahon.

                                    "Nasaan ba kayo? Alam ko may dala ako dito sa bag na ito." Sabi ni Allexis sa sarili habang kinakalkal niya ang malaki niyang bag.

                                    Bigla kasi niyang naalala na kumpleto nga pala ang laman ng bag niya. Sa modernong panahon ay lagi siyang may bitbit na malaking bag kung saan andun lahat ng mga gamit niya at mga bagay para sa anticipated emergency cases na tulad nito.

                                    Sure siya na may dala siyang mga gamot. Gamot sa lagnat, antibiotics, antihistamine, stomach pain, pain reliever, gamot sa ubo at sipon pati na mga band-aids para sa sugat...at marami pang ibang mga gamot. Alam niyang hindi pa expired ang mga iyon.

                                    Nakapa niya sa loob ng bag ang isang pouch bag na katamtaman ang laki at inilabas niya iyon. Naalala niya na pinagsama-sama nga pala niya sa pouch bag na iyon ang mga dala niyang gamot.

                                    Kinuha niya ang isang pack ng paracetamol. May sampung tabletas din iyon at hindi pa nababawasan. Tiningnan niya ang label at tama siya. Hindi pa nga expired iyon. Dali-dali ulit siyang bumaba.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 13, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

NASAAN SI MARIA CLARA?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon