Chapter 14: Final Decision

195 52 1
                                    

Chapter 14: Final Decision

Niyakap ko ng mahigpit ang unan na hawak ko nang muling tumunog ang doorbell.

Dalawang araw na akong hindi pumapasok at walang paramdam. Kinailangan ko pang magpalusot kay Tita na may sakit akong nakakahawa para hindi na siya magtaka at magpumilit na puntahan ako dito. Hindi ko pa sinasabi sa kaniya na plano kong lumipat ng school. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin.

Napatingin ako sa cellphone ko nang muli itong mag-ring.

Crystal calling...

Pinatay ko ang cellphone ko at itinuon ang atensyon sa pinapanuod kong palabas. Medyo gumaan ang pakiramdam ko nang makita sa screen ng tv ang mga cute na cannibal. Hindi talaga sila nabibigong pasiyahin ako.

Makalipas ang ilang minuto ay hindi ko na ulit narinig ang door bell. Umalis na siguro si Crystal. Niyakap ko na lang ulit ng mahigpit ang unan ko. Medyo nagi-guilty ako sa ginagawa kong pangs-snob sa kanila. Famous na naman ako---kasi paniguradong viral na 'yong pag-aaway namin ni Aya---pero alam kong mali pa ring i-snob-in sina Crystal, lalo na't wala naman silang kinalaman sa nangyari.

Pero mabigat pa rin kasi ang loob ko, e. Baka sila pa ang mapagbuntungan ko.

Natapos na ang palabas na pinapanood ko kaya tumayo na muna ako at nagluto ng hapunan. Maaga pa naman, pero plano kong maaga ring matulog. Pagkatapos kong magsaing ay tumambay muna ako sala at nagmuni-muni.

Napalingon ako sa pintuan nang makarinig ng katok. Nagtaka ako kung bakit hindi na lang siya gumamit ng doorbell. Lumapit ako sa pintuan at tinignan sa peephole kung sino ang kumakatok. Napabuntong-hininga naman ako nang makitang si Aiden pala.

"Wala siyang kasalanan, Sally. Huwag ka ngang mag-inarte." Napabuntong hininga ulit ako. Tama, wala siyang kasalanan.

Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan. Nanlaki naman ang mga mata ni Aiden. Hindi niya siguro inaakala na magpapakita ako sa kaniya.

"Ano, tutunganga ka lang ba diyan?" tanong ko.

Nahimasmasan naman siya. "K-Kumusta ka na?"

"Sa loob na tayo mag-usap."

Pinapasok ko siya at pinaupo sa sala."Ano'ng kailangan mo?"

"Sorry," nakayuko niyang sabi.

"Wala kang kasalanan."

"Pero wala rin akong ginawa para pigilan si Dwight no'ng araw na 'yon. Nasaktan ka niya, kaya nasaktan rin kita."

Hindi ako umimik. Napansin kong naka-school uniform pa siya. May nilabas siyang isang binder at paper bag mula sa bag niya. Inabot niya ang mga ito sa akin.

"Ano 'yan?"

"Nakasulat sa binder na 'to ang mga notes na na-miss mo sa dalawang araw na hindi mo pagpasok. Sina Coleen at Crystal ang nagsulat ng mga 'yan. Hiniram nila ang notes ng mga blockmates mo."

Tinanggap ko 'yong binder. Ang bait talaga nina Coleen.

Hindi ko sila maintindihan. Bakit napakabuti nilang kaibigan sa akin kahit hindi pa lang kami matagal na nagkakakilala? Saka idagdag mo pa ngayon na hindi ko sila pinapansin.

Siguro hindi lang talaga sila katulad ng iba.

"E, 'yang paper bag?"

Napakamot muna siya sa batok niya. "Peace offering ni Dwight. Pinagawa niya 'to. Pinapabigay niya sa'yo. Hindi niya kasi alam kung paano ka lalapitan o kausapin man lang. Please accept it."

Tinitigan ko siya, tapos 'yong paper bag, tapos siya ulit.

"Sino'ng niloloko mo?"

Ginulo niya ang buhok niya at ibinaba sa sahig 'yong paper bag. "Sorry." Nakayuko niyang sabi.

Sabi ko na nga ba, e. Hindi galing kay Dwight ang laman ng paper bag na 'yan.

Napabuntong-hininga na lang ako. "Ano ang laman?" 

Binuksan niya iyon at inilabas ang isang light pink sweatshirt na may nakasulat na 'Wrong Turn'. Maganda 'yong pagkaka-print sa bawat letra. Simple pero sobrang ganda.

Pinigilan ko ang sariling hablutin mula sa kaniya 'yong sweatshirt. "Ilagay mo nalang diyan." Napangiti naman siya at inayos muna 'yong damit saka inilapag sa sofa.

"Thank you," aniya.

May sayad ba 'to? Ako na nga binigyan niya ng sweatshirt siya pa nag-thank you. Tinanguan ko na lang siya.

"Ano na ang mga nangyayari sa school?" tanong ko.

"Gusto mo ba talagang malaman?"

Sa totoo lang, hindi. Pero kasalanan ko rin naman ang mga nangyayari kaya dapat lang na alam ko kung ano ang resulta ng ginawa ko.

"Oo."

"Viral na sa forum ng school ang video ng pag-aaway niyo ni Aya." Hindi na ako nag-react. Alam ko na namang mangyayari 'yon, e.

"Namo-mroblema rin ngayon ang pamilya ni Dwight. Nalaman na kasi ng dad ni Aya ang nangyari at gusto ka niyang ipa-expel, if not, he's going to pull out all his shares sa school nina Dwight."

Napabuntong-hininga ako at niyakap ang mga tuhod ko. Bakit pa ba ako nagtanong? Alam ko naman nang mangyayari 'to, e. Umasa pa akong iba ang ibabalita ni Aiden. Umasa akong hindi mangyayari ang mga 'to.

"Puwede ka nang umalis," mahina kong sabi.

"Sally listen, I know for a fact na hindi hahayaan ni Dwight---"

"Tama na, Aiden."

"No, Sally, totoo ang---"

"Pakisabi kay Dwight na lilipat na ako ng school next week. Ako na mismo ang aalis, 'wag na nila akong ipa-expel. Hindi ko alam ang gagawin ko kung malaman 'to ni Tita."

Napatango naman si Aiden. "Is that really your final decision? Maayos pa naman 'to, e."

"Umalis ka na, please." Halos pabulong kong sabi. Inilubog ko ang mukha ko sa ibabaw ng mga tuhod ko.

"Nandito lang kami, Sally," sabi niya at pagkatapos no'n ay narinig ko ang mga yabag ng paa niya at ang pagsara ng pintuan.

Isa-isa nang tumulo ang mga luha ko. Ano ba 'tong sitwasyon ko. Kung tutuusin, napakasimple lang naman, e. Nag-away lang kami, tapos ipapa-expel ako. Ang mahirap dito ay ngayon lang ako naipit sa ganito. Matataas ang grades ko sa dati kong school at hindi pa ako nagka-record sa guidance office namin. Tapos ngayon, ipapa-expel na ako. Ang malala pa niyan, si Tita na mismo ang nagmagandang-loob na papag-aralin ako pero ano'ng ginawa ko?

Ayoko namang lumuhod at magmakaawa sa harapan ni Aya. Hinding-hindi ko 'yon gagawin. Ang mangyayari lang naman niyan, kapag hindi ako na-expel ngayon, gagawa at gagawa pa rin siya ng paraan para mapaalis ako sa buhay nila.

Hindi ko talaga alam kung ano ang kasalanan ko sa babaeng 'yon at gano'n na lang ang galit niya sa akin.

Napatingin ako sa kalendaryong nakasabit sa pader. Friday na ngayon. Dapat sa Lunes nakalipat na ako ng school. Ibig-sabihin, kailangan ko nang sabihin kay Tita sa lalong madaling panahon.

Napabuntong-hininga ako. Inayos ko ang aking sarili at dinampot ang cellphone ko. Binuksan ko ito at tinawagan ang numero niya. Wala na akong ibang magagawa.

Makalipas ang ilang ring ay sinagot niya na ito.

"Hello Tita, puwede po ba tayong mag-usap?"

*-*-*-*-*

Gays over Flowers (Under Editing and Revision)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon