Sa pagbalik namin sa mundo ng mga tao, may mga bakas pa rin ng nangyaring okasyon sa bahay. Nagkalat pa ang mga bulaklak sa hardin, maging ang pagkain ay may nakahanda pa para sa amin.
Sina Iñigo at Titus ang inabutan namin sa bahay. Wala na sina mama at papa, bumalik na sila sa bahay na kanilang titirahan. Dinatna namin si Iñigo na inaalis ang dinesenyong inilagay nila sa bintana ng sala. Habang si Titus naman ay halos kalalabas lang ng kanyang silid.
"Welcome back Esmé." Galak na salubong sa akin ni Iñigo.
"Salamat." Balik-ngiti kong sagot sa kanya. Tumingin sa akin si Titus kaya ganun din ang ginawa ko. May bakas nang pagtataka sa mukha niya. Hindi ko alam kung napapansin ba niyang may kailangan ako sa kanya o sadyang hindi ko lang talaga kayang itago sa mukha ko ang nararamdaman ko.
"Esmé, ayos ka lang ba?" Aniya nang bahagyang makalapit sa amin.
"Ayos lang ako, gutom lang siguro." Ika ko bago lumingon sa nakahandang pagkain sa lamesa.
"Mabuti pa kumain na kayo." Alok ni Iñigo habang inililigpit na lahat ng nakuha niyang kalat sa bahay.
"Sumabay na kayo. Madami pang pagkain."
"Kumain na mga 'yan. Tayo ang mag-asawa kaya dapat tayo lang ang sabay kakain."
Nagulat ako nang padabog na umupo si Orion sa harap ng hapagkainan. Hindi man lang niyang nilingon at binati ang dalawa, pinagsungitan pa niya.
Nagtinginan lang kaming tatlo sa inasal niya. "Tama naman si Orion, Esmé." Ani Iñigo. "Unang araw niyo ito bilang ganap na mag-asawa kaya tama lang na kayo dalawa lang ang kumain." Dugtong pa niya.
"Aalis na rin naman kami. Mamimili ako na kakailanganin niyo rito at itong si Titus naman—"
"Maiiwan ako." Pagputol ni Titus sa dapat na sasabihin ni Iñigo.
"Akala ko bang babalik ka na sa bayan?" Pagtataka ni Iñigo.
"May mga kailangan pa akong asikasuhin dito."
Bawat salita ni Titus ay may diin at sa akin siya nakatingin. Masasabi ko nang malamang napansin niya na may kailangan ako sa kanya.
"Lumalamig na ang pagkain." May kalakasan ang boses ni Orion nang magsalita siya. Agad akong nataranta kasi pakiramdam ko magagalit siya kung hindi ako susunod agad.
Hindi na ako nagsalita pa kina Iñigo at Titus at dali-dali akong lumapit kay Orion. Tahimik akong umupo at kumuha na ng pagkain. Nang madako ang tingin ko kay Orion ay pikit ang mga mata nito't kunot ang kanyang noo. Animo'y masakit ang kanyang ulo dahil sa pagmasahe niya sa kanyang sentido gamit ang isang kamay.
"Ayos ka lang ba?"
Nanginginig maging ang kanyang kamay na kung saan may hawak na tinidor. Tumayo ako at pumunta sa tabi niya. Sa paghimas ko sa likod niya'y mabilis ko iyong binawi. Mamula-mula ang palad ko nang tignan ko ito. Sobrang init ng katawan ni Orion at sa tansya ko mapapaltos 'tong kamay ko.
"Ang init mo, mahal." Dala ng taranta ay kinuha ko ang baso ng tubig sa mesa at ibinuhos iyon sa ulo niya.
Sumitsit ang tubig na agad naging usok dahil sa init ni Orion. Mabuti nalang at ginawa ko iyon dahil natauhan siya.
"Masama ang pakiramdam ko Esmé. Magpapahinga na muna ako sa kwarto." Pagod na pagod ang boses niya at halos tamad ito kung gumalaw.
Hindi ko maintidihan kung saan nanggagaling ang lahat ng iyon. Tila nakita ni Titus ang pag-aalala ko. Lumapit siya sa akin habang pinagmamasdan ko si Orion na makapasok sa kwarto ko.
"Merong hindi tama," bungad palang niya sa akin, alam kong may karamay ako sa mga hinala ko sa sitwasyon ni Orion.
"Hindi naman siya ganyan kanina. Posible bang magkaroon ng sakit ang isang Henki?" Hindi agad sumagot si Titus. Kinakabahan ako kasi ibig sabihin baka hindi pangkaraniwan sa kanila ang ganitong kundisyon.
"Hindi kami tinatablan ng kahit na anong karamdaman." May bahid ng pagka-alarma sa tindig at mukha ni Titus.
"Kung ganyan naman pala, anong problema? Bakit nagkakaganyan siya?"
Buong akala ko tapos na ang mga pagsubok na pagdaraanan namin. Bilang Alamat na nakapili na nang Hirang. Pero ano na naman ito, isa na naman bang pagsubok?
"Isang dahilan lang ang naiisip ko kung bakit siya nagkakaganyan."
"Ano? Sabihin mo na!" Hindi ko na naiwasang maluha sa desperasyong malaman ang dahilan.
"Ipagpatawad mo, Esmé, ngunit wala ako sa posisyon para sabihin sa 'yo ang nangyayari." Panandalian itong yumuko bago muling lumapit sa akin.
"Kailangan nating ibalik si Orion sa bayan ng Solaris."
"Solaris? Iyon ba 'yung bayan na, pinuntahan namin noon? Kung saan nakausap namin ang mga pinuno?" Tumango si Titus.
"Hayaan na muna natin siyang makapagpahinga ngayon. Kakausapin ko siya bukas para piliting bumalik sa Solaris."
Hindi naman siguro ako mahihirapang kumbinsihin siyang bumalik. Dinala nga niya ako roon nang himatayin ako kaya dapat lang na dalhin ko rin siya roon para gumaling siya.
Pumasok ako sa kwarto para tignan si Orion. Maimtim pa rin siyang natutulog at mukhang mas kalmado na siya ngayon. Hindi na ako nakakakita ng usok mula sa katawan niya.
Hindi ko na siya ginising pa at nagpalit na ako ng damit. Hindi pa rin ako makapaniwala na may asawa na ako. Kung hindi ko lang makita ang tatak sa kamay namin ay iisipin kong panaginip lang ang lahat.
Umupo ako sa tabi niya at inusog palapit sa akin ang basang bimpong nakababad sa maaligamgam na tubig. Namumula pa rin ang mukha niya, kung hindi ko alam ang nangyari, baka pinagkamalan ko pang nakainom itong si Orion.
Hindi na ako napaso nang idampi ko ang palad ko sa mukha niya. Hinilamusan ko siya para mabawasan ang init ng katawan niya. Hindi ko alam kung may epekto ba ang ginagawa ko pero bilang tao, ganito ang ginagawa para mapababa ang temperatura ng katawan kaya ito ang ginagawa ko.
Kinailangan kong tanggalin ang pantaas niyang damit para mahilamos ko rin ang mas malaking parte ng katawan niya. Inisip kong hindi naman siya magigising dahil mukhang malalim na naman ang tulog niya.
Matagumpay kong naalis ang butones sa pantaas niya at kahit pa paano ay nahubad ko iyon nang hindi siya nagigising. Ilang beses kong pinunasan ang katawan niya. Walang halong malisya. Ang gusto ko lang mangyari ay ang bumalik siya sa dati.
Sa isip ko'y nilalagnat lang siya, pero alam kong may iba pang dahilan na kailangan kong malaman. Ngunit sa ngayon, wala pa akong ibang magagawa kung 'di ang maghintay.
BINABASA MO ANG
She's the Legend
FantasyMalamig ang gabi. Hindi makatulog. Sa kanyang pagtayo, sa ilalim ng buwan, atake sa puso ang kanyang naranasan? Inakala ni Esme na katapusan na ng kanyang buhay dahil sa paninikip ng kanyang dibdib sa ilalim ng malaki at bilog na buwan. Bata pa lama...