Book2 ~ Sergine ~ 5

368 39 9
                                    

"Tama ka nang sundin mo ang puso mo. Tama ka nang piliin mong magmahal. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon, tama ang mahalin ang taong itinitibok ng iyong puso."

Nasa malaki akong bulwagan, na sa tanan ng buhay ko ay ngayon ko lang nakita. Masasayang hagikgik ang naririnig ko sa paligid kahit pa wala akong maaninag dahil sa dilim. May mga masasayang tugtugin sa ere. May mga makukulay na payaso. Maraming nagliliparang lobo. May mga salamangkero na naglalaro ng apoy.

Pumasok ako sa isang itim na tolda. Sa labas noon may karatulang may sulat na 'manghuhula'. Sumalubong sa akin ang isang bolang kristal na  nagtataglay ng kulay na asul na nakasentro sa isang lamesa. Nakatutuwa itong pagmasdan dahil sa mga makikinang na alikabok na umaaligid rito.

"Maligayang pagdating, Alamat."

May isang babae pala ang nakaupo sa likuran ng bola. Hindi ko siya napansin kanina dahil sa itim din ang nakatalukbong na balabal sa kanyang ulo.

Sinubukan kong magsalita pero wala akong mabigkas na kahit na ano. Umupo ako sa nakahandang bangko sa harapan ng bola. Ayoko ng magtagal sa loob ngunit kusang gumagalaw ang katawan ko na tila ba hindi ko iyon makontrol.

"Hawak ko ang lugar na ito. Walang silbi ang pag-utos mo sa iyong katawan."

Sa isang kumpas ng daliri, sumindi ang mga kandilang nakalutang sa palibot ng tolda. Kahit pa paano dahil sa mga ito, naaninag ko ang mukha ng kausap ko.

"Hayaan mo akong magpakilala sa inyo, kamahalan." Hinawakan ng babae ang balabal sa kanyang ulo. Kitang-kita ko ang matatalim niyang mga kuko habang ibinababa ang talukbong papunta sa kanyang batok.

"Ako si Sergine, tagapangalaga ng inyong mga iniisip at mga panaginip."

Isang kaakit-akit na babae ang tumambad sa aking harapan. Liban sa itim niyang kasuotan, kulay lila ang tanging kulay na makikita sa kanyang buhok, kuko at mga mata.

Pamilyar ang boses ng babae. Hindi ko lang makapa sa isip ko kung saan ko nga ba siya narinig.

"Alam ko ang iyong iniisip kamahalan," nilaro niya ang bola sa gamit ang mga palad. Mapagtalima na sumusunod ang mga alikabok sa bawat kumpas nito.

Hindi kaya siya ang boses...

"Ako nga ang boses na narinig mo noong araw ng kasal mo sa Henki na nagngangalang Orion."

Natuon ang mga mata ko sa bolang kristal na kung saan ipinapakita ang mukha ni Orion. Kausap niya si Iñigo sa harapan ng bahay. Hindi ko napigilang mapangiti nang makita kong tila humahalakhak ang mahal ko. Animo'y nakikipagbiruan na siya kay Iñigo.

"Batid ko ang pagmamahal mo sa kanya. Basang-basa ko sa puso at isipan mo." Lumapit ang muka ni Orion sa bolang kristal at tumigil ito nang bahagya na lamang ang ngiti nito. Kakaibang ligaya ang namayani sa puso ko sa muli kong pagsilay sa ngiti sa mga mata ni Orion.

"Oo, mahal mo siya at mahal na mahal ka niya," marahas na ikinumpas ni Sergine ang kamay at naging itim ang bola.

"Ngunit hindi siya ang nakatakdang Hirang para sa iyo."

Muling ipinakita ng kristal ang mukha ni Orion. "Bilang kabayaran sa iyong pagkakamali, siya ang mapaparusahan..."

"...kahel ang kulay ng kanyang mga mata. Simbolo sa pagiging matapat at masunuring nilalang."

Bumalot ang alikabok sa mukha ni Orion at maka-ilang ulit na pumaikot sa bola. At sa pag-lipad ng mga ito palayo sa bola, naging kulay pula ang mga mata ni Orion.

Takot ang naramdaman ko nang makita ko ang mga pagbabago sa mukha ni Orion. Animo'y bumabalik ako sa oras na nagwawala siya at wala siya sa sariling katinuan.

She's the LegendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon