Book2 ~ Wakas ~ 33

238 8 6
                                    

"Napaganda ng buwan," usal ko nang magising na naman ako sa kalagitnaan ng pagtulog. Halos gabi-gabi nalang kung magising ako dahil sa paulit-ulit na panaginip. Sinilip ko sina Mama at Papa na sa kwarto ko na rin natutulog. Simula kasi nang maaksidente ako tatlong buwan na ang nakakaraan ay binabantayan nila maging pagulog ko. Car accident. Grabe raw ang mga tama ko. Milagro nga raw na nagising pa ako mula sa pagkaka-coma nang halos limang buwan. Mahaba-haba rin ang kalbaryong naranasan ng mga magulang ko dahil sa labis na pag-aalala. Mabuti nalang daw at lumaban ako dahil hindi raw nasayang ang mga sakripisyo nila.

Sabi ng mga doktor ay malaki ang tiyansa na wala akong maalala sa aksidente o sa kung ano man ang nangyari bago ang aksidente. Tama naman siya. Wala akong maalala. Nakakapagtaka lang ang mga napapanaginipan ko. Mga taong hindi ko naman kakilala. Mga taong hindi ko pa nakikita. Sinubukan ko silang idrawing at ipinakita ko kay Mama pero hindi rin naman daw niya kilala ang mga iyon.

Pero iba ang pakiramdam ko sa kanila. Parang malapit sila sa puso ko lalo na yung isa. Sa tuwing iisipin ko palang ang mga mata niyang kasing kulay ng paglubog ng araw ay kumakabog ang dibdib ko. Parang hinahanap siya nito. Pinipilit ko alalahanin ang lahat pero wala. Kahit man lang sana pangalan niya maalala ko.

Kinuha ko sa ilalim ng unan ang drawing pad kung saan sa unang pahina palang ay puno na ng mga drawings ng lalaking nais kong maalala. Kung titignan base sa itsura ay hindi siya ang tipo ng lalaking gugustuhin ko. Mukha siyang mayabang. Pero siguro mabait siya kaya ganito nalang kung makatibok itong puso ko sa simpleng pagtitig sa mga mata niya.

"Kailan ba kita makilala?"

Umupo si Mama mula sa higaan. Nagising ko ata siya. "Napanaginipan mo na naman ba siya?"

Tumango ako. Bigla akong nalungkot. May kakaibang pangungulila akong nararamdaman para sa taong iyon.

"Gusto mo bang samahan kita sa dasalan?"

Alam na ni Mama ang gagawin ko. Sa tuwing nararamdaman ko iyong pangungulila ay nagdarasal ako sa grotong matagal nang inaalagaan ng pamilya namin. Ang sabi kasi ay doon namin nakakausap ang mga ninuno namin at mga diyos at diyosang nangangalaga sa amin. Kinalakihan ko na iyon kaya hindi na ako kumwesyon pa kung totoo ba o hindi.

"Ako nalang, Ma. Matulog ka na ulit."

Malamig ang gabi na parang pumapasok sa laman ko ang malamig na simoy ng hangin. Niyakap ko ang sarili habang ipinagpatuloy ang paglalakad sa lumalangitngit na sahig. Sinindihan ko ang insenso na magsisilbing alay ko bago magdasal. Tanaw ko ang bilog na buwan mula sa grotong nasa ilabas lang ng pinto papasok sa bahay namin.

Sinimulan kong pumikit at nagdasal. Lahat ng inaalala ko tungkol sa lalaking nasa panaginip ko. Lahat ng panghihinayang ko sa nakaraang hindi ko na maalala ay ipinagdasal ko na sa mabawasan man lang ang sakit sa dibdib ko.

"Kung sino man siya. Sana kahit pangalan lang maalala ko."

Hindi ko napansin na sa pagdarasal ko tungkol sa lalake ay umiiyak na pala ako. Nanginginig ang mga kamay kong nakalapat sa isa't isa.

"Tumahan ka na."

Agad kong minulat ang mga mata ko nang marinig ko ang boses ng lalake na bigla nalang nagsalita. Hinanap ko kung nasaan siya at kung sino siya pero wala akong makita sa madilim na paligid. Ang kaninang panginginig at nahaluan ng pamamanhid ng mga kamay. Binalot ako ng takot.

Dali-dali akong pumasok sa loob at sinara ko ang pinto. Agad kong naisip na baka magnanakaw iyon. Nang makalma ko ang sarili ay sumilip ako sa bintana. Muli kong sinubukang hanapin ang may-ari ng boses ngunit bigo akong makita siya.

"Hindi kaya, guni-guni ko lang iyon?"

Pinilit kong paniwalaan na guni-guni ko lamang iyon kaysa takutin ang sarili ko. Bumalik ako sa kwarto at tumabi ako kay Mama. Gusto ko sanang sabihin sa kanya pero tulog na siya at ayoko namang istobohin pa siya.

She's the LegendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon