Simpli lang ang buhay ko noon. Marami akong pangarap para sa pamilya ko para umunlad ang buhay namin. Ngunit nang dahil sa kakaibang yugtong dumating sa buhay namin, nagbago ang lahat.
Ang pagbabago ay palaging nandyan. Sa tao man yan o sa mismong takbo ng buhay. Ang kailangan ay matuto kang makiagos sa kung saan ka man ito dalhin.
Sa sitwasyon ko, nakiagos ako at dinala ako nito sa magulong buhay nang dahil sa Cosmos.
Naging magulo man, doon ko nahanap ang nilalang na mamahalin ko higit sa kahit na sino. Ngunit higit sa lahat, doon ko nakilala ang sarili ko.
Natuto akong mangarap higit pa para sa sarili ko. Natuto akong magtiwala sa mga bagong taong dumarating sa buhay ko. At natuto akong magmahal nang higit pa sa sarili ko.
Na sa loob ng mahigit isang taong lumipas, hindi ako nakalimot, na para bang kahapon lang nangyari ang lahat.
Pinili kong mamalagi sa lumang bahay na inayos nalang si Iñigo sa tulong na rin ni Titus. Hanga ako sa dalawang lalaking ito, dahil sa kabila ng pinagdaanan namin, nasa tabi ko pa rin sila at handa pa ring tumulong sa akin.
Hindi na nakabalik si Iñigo sa templong kinabibilangan niya dahil sa natamo niyang pinsala sa katawan. Mga bali-baling buto na kahit siya mismo hindi niya magawang mapagaling. Simula nang maubos ang lakas niya ay nahirapan na siyang ibalik iyon sa dati.
Akala ko nawala si Titus noong kasagsagan ng laban. Kitang-kita ko sa mga mata ko nang malagutan siya ng hininga. Kaya naman masaya ako nang sa paggising ko ay naroroon siya. Buong-buo ang ngiting isinalubong niya sa paggising ko kahit pa isa sa mga mata niya na lamang ang gumagana. Liban pa sa kaliwang paa niyang hirap niyang maigalaw. Gayunpaman, masaya ako dahil buhay siya.
Bumalik sina Sergine at Linette sa kani-kanilang mga mundo upang sila naman ang tumayong mga pinuno. Malaking karangalan ang iniuwi nila nang matagumpay nilang matalo ang hari ng Atmos. Pero ang bawat tagumpay ay may kapalit na kabiguan.
Hindi na makakahawak pa ng armas si Linette nang dahil sa labis na natamong perwisyo ng kanyang mga kamay. Malalaking bubog ang tumarak sa dalawa niyang kamay nang sirain niya ang salaming kumukulong kay Sergine. Ngunit kung hindi niya ginawa iyon ay malamang buhay pa ang hari hanggang ngayon.
Malaking parte ng pagkapanalo namin laban sa hari ang ginawang pambubulag ni Sergine sa sarili niyang ama. Ang ipinagbabawal niyang kakayahang manlinlang ng nakikita ng kalaban ay ang armas na naging sandata namin upang matalo ang hari. Na kinalaunan ay pinahigop ni Leo sa kawalan sa malayong kalawakan. Ngunit bilang kabayaran, dalawang mata ni Sergine ang tuluyang nabulag.
Napakarami nilang isinakripisyo upang tuluyang mapagtagumpayan ang pagtalo sa hari. Habang ako, pinaglabanan ko ang sarili kong buhay na sa kasamaang palad hindi ko pa napagtagumpayan.
Ikinuwento ng Reyna sa akin ang lahat nang tuluyang tumigil ang puso ko sa pagtibok.
Matagumpay na nakalabas ang engkantadang si Gabriella mula sa pananahan sa katawan ko. Maganda raw siya at makinang. Na sa tagal na raw ata ng panahon niyang paninirahan sa katawan ko ay humulma na rin ang mukha niya sa mukha ko. Para raw kaming kambal.
Nang magtanong ako sa kanya kung paano ako nabuhay, nalungkot bigla ang mukha niya. Kinabahan ako dahil parang hindi maganda ang patutunguhan ng sagot sa tanong ko.
Humiling pala si Orion sa engkantada na gumawa ng milagro at ilipat ang natitirang lakas ng cosmos na nasa kanya papunta sa akin. Baka raw sakaling mabuhay ako.
Walang kasiguraduhan na mangyayari iyon. Pero nagpumilit si Orion. Mas nanaisin daw niyang mamatay nalang kung wala na raw ako. Na kahit na sa huling sandali ay ipinaglaban niya ako.
BINABASA MO ANG
She's the Legend
FantasyMalamig ang gabi. Hindi makatulog. Sa kanyang pagtayo, sa ilalim ng buwan, atake sa puso ang kanyang naranasan? Inakala ni Esme na katapusan na ng kanyang buhay dahil sa paninikip ng kanyang dibdib sa ilalim ng malaki at bilog na buwan. Bata pa lama...