Sabay sa pagsabog ng salamin sa likod ng hari ang pagbulwak ng buo-buong dugo na lumabas mula sa lalamunan ko.
Napapapikit na lamang ako sa hapdi sa tuwing uubo ako. Mabibigat na paghinga na lamang ang nakakaya kong gawin. Bagsak na ang katawan ko at ang simpleng pagmulat ng mata ay mabigat na gawain na para sa akin.
"Si Esmé," rinig kong pagalerto ni Iñigo kay Linett.
"Puntahan natin siya." Dugtong niya.
Hirap man ang dalawa dahil sa kanya-kanya mga tama mula sa kamay ng kalaban, pinuntahan pa rin nila ako.
Napakarami na ng nangyari ngunit nanatili pa rin ang pagiging tagapangalaga ni Iñigo sa akin.
Binitawan ni Linett si Iñigo upang maabot ako. Agad niyang tinignan ang mga sugat ko.
Umiling-iling si Iñigo. "Hindi sapat ang lakas ko para mapagaling ka nang husto Esmé,"
Bahagya akong ngumiti. Tanggap ko na ang kapalaran ko. Alam kong ito na ang katapusan ko. "Ayos lang Iñigo, kaya ko na ito. Ang mahalaga, matalo ang hari sa balak niyang pagsakop sa lahat ng mga mundo."
Sa puntong iyon, sinusubukan pa rin pala nina Leo at Orion na makawala sa galamay ng kalaban. Ngunit sa tuwing makakaalpa sila'y ang ibang galamay naman ang muling hahawak sa kanilang katawan.
Natamaan man ni Iñigo ang salamin sa likod ng hari ay hindi iyon naging sapat upang masira ito.
"Linett," siya ang pag-asa naming lahat. "Kailangan masira ang salamin sa likod ng hari. Kailangang makalabas si Sergine."
Naalala kong matalim na espada ang hawak niyang armas. Hindi ko man siya ganoon kakilala ngunit alam kong hindi siya nagpapatalo sa kahit ano mang laban tulad ng kanyang kapatid.
"Esmé, masama rin ang lagay ni Linett. Malaki ang sugat na natamo niya,"
"Kaya ko." Ani Linett.
Hinugot niya ang espada na nakasabit sa kanyang likuran. "Kailangan ko pa ng isang pagsabog kasabay ng paglukso ko sa ere para hindi ako mapansin ng hari. Kaya pa ba Iñigo?"
Nagaalalang tumingin si Iñigo sa papel na hawak niya. Batid kong nanghihina na rin siya at hindi na kaya ng kapngyarihan niya na gumawa ng isang pagsabog at pagalingin pa ako.
"Mahalaga ang masira ni Linett ang salamin. Huwag mo na muna akong isipin Iñigo. Mas mahalagang mailigtas natin ang nakararami."
Nagalinlangang si Iñigo sa hiling ko. Hinawakan ko ang kamay niya para muli siyang kumbinsihin.
"Tama na ang pag-iisip ninyo para sa kapakanan ko. Tapos na ang misyon ko, pagkakataon mo na ito upang magawa mo ang iyo."
Nagawa kong makumbinsi si Iñigo at ang pagpapasabog ang pinili niya. Mabuti nalang at hindi mahirap kausapin si Iñigo. Mabuti siyang kaibigan, nararapat lamang na mabuhay pa siya sa mundong ito.
"Tumalon ka't sirain mo ang salamin sa oras na sumabog na ito sa hari." Ani Iñigo na hawak-hawak na ang papel niyang may orasyon ng pagpapasabog.
Tumango si Linett na handa sa kanilang gagawin. Muling bumaling ng tingin si Iñigo sa akin. Alam kong hinihintay niyang bawiin ko ang hiling ko pero buo na ang loob ko. Payak akong ngumiti sa kanya, pagbibigay ng sandaling lakas ng loob.
Alam kong hindi buo ang loob ni Iñigo sa gagawin ngunit gayunpaman ay itinuloy nila ang plano. Gamit ang natitirang lakas ni Iñigo ay inorasyunan niya ang papel at muling itinapon sa hari. Sabay roon ang pagtalon ni Linett at pagtusok sa salamin kung saan nakakulong si Sergine.
"Hindi!"
Malakas na sigaw ng hari ang umalingawngaw sa kapaligiran. Nabitawan niya sina Orion at Leo. Kapansin-pansin ang panghihina nila dahil sa marami nang kapangyarihan ang nahigop ng hari.
BINABASA MO ANG
She's the Legend
FantasyMalamig ang gabi. Hindi makatulog. Sa kanyang pagtayo, sa ilalim ng buwan, atake sa puso ang kanyang naranasan? Inakala ni Esme na katapusan na ng kanyang buhay dahil sa paninikip ng kanyang dibdib sa ilalim ng malaki at bilog na buwan. Bata pa lama...