OKUSGAP
Malinaw pa sa aking ala-ala
Kung paano tayo nagkakilala.
Malinaw pa sa aking gunita
Kung paanong pinaglapit tayo ng tadhana.
Natatandaan ko pa,
Bukas ang bag mo no'n at ako ang nag-sara.
Nahiya pa akong magpakilala,
Dinaan ko pa sa chat ang unang parirala.
Yun ang naging simula,
Simula ng ating kabanata.
Isang kabanatang nasundan pa ng isa,
Hanggang sa naging tatlo na.
Ang dating ikaw at ako ay naging tayo.
Yung dating ikaw lang,
Naging ikaw na hindi pwedeng walang ako.
Yung dating ako lang,
Naging ako na hindi pwedeng walang ikaw.
Nag-umpisa tayong mangako ng walang hanggan.
Nangakong ikaw at ako lang, walang iwanan.
Nag-simulang bumuo ng pangarap na pangmatagalan.
Nangarap ng pag-ibig na walang katapusan.
Ngunit mapaglarong tunay ang tadhana.
Pag-ibig nati'y hinahadlangan ng madla.
Sabi natin noo'y lalaban tayong magkasama.
Ipamumukha sa kanilang mali sila ng hinala.
Kinaya natin silang labanan,
Nagtagal tayo ng walang iwanan.
Hanggang sa naramdaman kong tila ayaw mo na.
Naramdaman kong parang sumuko ka na.
Na hindi mo na kaya.
Na ayaw mo nang lumaban pa.
Na hinihintay mo nalang na sukuan kita.
Pero hindi ako sumuko.
Sinubukan kong lumaban para sa'yo,
Kahit na parang binibitawan mo na ko.
Kahit na parang gusto mong umayaw na ako.
Kahit na parang gusto mong 'wag na 'kong lumaban pa,
At humanap nalang ng iba.
Pinilit ko paring lumaban,
Pinili kong huwag kang sukuan.
Hanggang sa tila puso ko'y napagod,
Napaluhod na at ayaw nang sumugod.
Lubos nang nasaktan,
At hindi na kayang lumaban.
Nagawa ko nang lahat,
Binigay lahat ng kaya.
Ngunit hindi parin sapat,
Kaya ika'y pinalaya.
Malaya ka na sa sakit,
Malaya ka na sa pait.
Malaya ka na sa lahat ng pangungutya,
Malaya ka na sa lahat ng masakit na salita.
Malaya ka na sa pagdurusa na dulot ng pag-ibig ko.
Malaya ka na sa mga luha na dala ng pagmamahal ko sayo.
Malaya ka na. Malaya ka nang umibig ng iba.
Malaya ka na dahil lahat ng malinaw noon, ngayo'y malabo na.
Malabo na ang pangakong walang hanggan.
Malabo na ang pangarap na walang katapusan.
Malabo na ang tayo at walang iwanan.
Malabo na at kailangan nang wakasan.
Kailangan nang tapusin at hindi na balikan.
Kailangan nang iwanan sa nakaraan.
Ngunit, teka, maaari bang ang huling hiling ko ay dinggin mo?
Na sana humanap ka ng taong mamahalin ka ng buo.
Humanap ka ng taong hindi sakit ang dulot sa'yo.
Humanap ka ng taong hindi paluluhain ang mga mata mo.
Humanap ka ng taong maganda ang dulot sa'yo.
Humanap ka ng taong hindi katulad ko.
Dahil hindi ko kakayanin,
Kung sakaling makita kong
Nasasaktan ka ulit,
Dahil sa isang tulad ko.
Kaya sana'y humanap ka ng hindi gaya ko,
Yan ang huling hiling ko sa'yo
Bago ako magpasalamat, bago ako magpaalam.
Bago ako magpaalam, salamat.
Salamat sa mga sandaling nakasama kita.
Salamat sa mga sandaling sa piling ko'y masaya ka.
Salamat sa mga sandaling pag-ibig mo'y nadama.
Salamat sa lahat. Sa lahat-lahat.
Salamat at ngayo'y paalam na.
Paalam na sa'yo.
Paalam na sa ating pangako.
Paalam na sa ating kahapon.
Paalam na sa ating noon.
Paalam. Paalam, mahal ko.
Paalam sa'yo.
YOU ARE READING
The Poetic Side
PoetryThoughts of a Random, Twisted Mind, translated into Poems. The Poetic Side of an Emo. Lol
