8th: Codename: S.E.B.

38 4 0
                                        

CODENAME: S.E.B.

Alam mo ba na #StruggleIsReal ako sa pagsulat nitong tula?
Dahil yung mga naiisip kong kataga, parang naglalahong bigla.
Sumisiksik sa pinakasulok ng aking isip,
Hindi ko mabanggit-banggit.
Sa maliit na espasyo sa utak ko ay ayaw kumawala,
Parang ako. Sa'yo. Hindi makakawala.
Hindi makakawala sa pag-asang babalik ka pa.
Hindi makakawala sa pag-asang ang "tayo" ay magiging totoo pa.
Hindi makakawala sa pag-asang ang dating samahan ay mamamalas pa.
Hindi makakawala sa pag-asa na ikaw at ako ay muling magkakasama.
Muling magkakasama at bubuo ng mga memorya,
Na mas maganda,
Kesa sa mga memoryang binabalik-balikan ko, mula nang mawala ka.
Mga ala-ala na mas matingkad pa sa kulay ng mga ala-alang
Binabalik-balikan ko mula nang lumisan ka.
Mula nang iniwan mo 'kong mag-isa.
Mula nang pagkakaibigang iningatan't pinanghawakan nati'y nawala.
Na parang bula.
Nawala nalang bigla.
Hindi ko alam kung bakit ang tagal ko nang gustong isulat ang tulang 'to,
Pero hindi ko mailapat ang mga salitang gustong-gusto kong sabihin sa'yo.
Sa tuwing sinusubukan kong isulat ang mga katagang sayo'y gusto kong banggitin,
Tila tinatakasan ako ng ulirat at lahat ng salita'y nabibitin.
Tila tumatakbo ang bawat letra at sa aking pisi'y ayaw magpapigil,
Tila hindi nila gustong magsamasama at bumuo ng mga salitang sayo'y nais kong sabihin.
Hindi ko alam kung bakit sa tuwing susubukan kong isulat ang tulang ito,
Umaatras pati kaluluwa ko.
Nariyang tinititigan ko na ang mga ulap at kung paanong sumayaw at sumabay ang mga dahon ng puno sa galaw nito.
Nariyang pinakinggan ko na yung mga kanta na madalas nating pakinggan noon at sumabay sa bawat palit ng tono nito.
Nariyang binalikan ko na lahat ng ala-ala na kasama kita.
Nariyang binalikan ko na lahat ng sakit at saya.
Ngunit hindi ko pa rin mailapat ang mga salita,
At mga kataga,
Na nais kong sa'yo ay banggitin,
Na nais kong sa'yo ay sabihin.
Bigla kong naalala, nagkakilala tayo dahil sa isang tropa
Broken ka pa noon ng dahil sa kanya
Nagkakwentuhan't naging close sa isa't-isa
Hanggang sa nabuo natin isang magandang istorya.
Isang istorya ng kakaibang pagkakaibigan
Yung tipong tanggap mga kakulangan
Wala yatang bagay na 'di pinagkasunduan
Hindi matapos-tapos bawat kwentuhan.
Sa basketbol ay magkapustahan,
Sa personal man o phone call, panay ang jamming-an.
Hindi natatapos ang payabangan,
Bawat usapa'y puno ng asaran.
Sandalan natin ang isa't-isa,
Problema ng isa, pasan nating dalawa.
Hinanakit sa masukal na mundo,
Sa isa't-isa ibinabato.
Na para bang sa mundo ay walang ibang tao
Kun'di ikaw at ako.
Ganito tayo noon. Noon.
Dahil hindi na ganito ngayon.
Ngayon na minsan ay hangin ang turingan,
Tila 'di magkakilala, walang pinagsamahan.
Hindi makasunod sa mga kaganapan
Hindi alam kung meron pang babalikan.
Tapos noong gusto na kitang kalimutan at iwanan ang mga ala-ala sa nakaraan,
Dahil napagtantong masakit na't kailangan nang lumisan,
Saka ka naman muling nagparamdam,
Ipinakita sa'kin na mayroon ka pang pakialam.
Hindi ko alam kung pinapaasa lang ako ng tadhana,
O ako lang ang gumagawa ng sarili kong istorya,
Kung saan babalik ka at sasabihing ako'y mahal mo pala.
Babalik ka at sasabihin sa akin na ako pala.
Ako pala yung hinahanap mo,
Ako pala yung gusto mo,
Ako pala yung mahal mo,
Ako pala yung nais mong makasama.
Ako pala.
Ako pala.
Hindi mo lang natanto noong una,
Dahil mas napansin mo siya.
Hindi ko alam.
Hindi ko alam kung dapat ko bang paniwalaan,
Ang pantasyang utak ko ang may kinalaman.
Hindi ko alam kung nagpapahiwatig ang tadhana,
O ako lang talaga yung umaasa,
Binibigyan ng kulay lahat ng salita,
Binibigyang kahulugan lahat ng kataga.
Bawat pangyayari ay binibigyang atensyon,
Kahit bunga lamang ito ng isang malikot na pagkakataon.
Bawat kataga'y binibigyan ng halaga,
Kahit binigkas mo lamang ito ng basta-basta.
Bawat pag-uusap, nagbibigay ng pag-asa,
Kawawang damdamin ay pinapaniwala
Sa pag-asang hindi alam kung dapat bang paniwalaan,
Hindi alam kung dapat bang panghawakan.
Mga estrangherong naging magkaibigan,
Isang kwento ng magkaibigang nangakong walang iwanan,
Nanganganib na maging hanggang dito na lang,
Nanganganib na maging hanggang asa na lang.
--
"Okay lang naman kung hindi mo suklian, hayaan mo lang akong umasa. Pero mas maganda pa rin kung may sukli. Diba?" Lol

The Poetic SideWhere stories live. Discover now