9th: Hindi ko alam

28 2 0
                                    

Hindi ko alam

Hindi ko alam kung bakit tandang-tanda ko pa,
Yung tagpong gusto kong malimutan na.

Hindi ko alam kung bakit naaalala ko pa,
Ang unang pagkikita nating dalawa.

Nakita kita noon sa isang okasyon,
Mag-isa kang nakaupo malayo sa mga tao roon.
Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko,
Parang may sariling utak ang mga paa ko.

Naglakad ako palapit sa pwesto mo,
Kahit hindi ko alam kung anong sasabihin ko.
Nang nakalapit ako'y nadatnan kang tulala,
Pag-upo ko sa harapan mo'y ni hindi mo napuna.

Sandali kong sinulit ang mga minuto,
Pinagmasdan ko ng maigi ang mukha mo.

At sa gitna ng iyong pagkakatulala at ng pagtitig ko,
Tila may kuminang sa gilid ng mga mata mo.

Mga butil ng luha'y unti-unting pumatak,
Kasabay nila ang masigabong palakpak,
Tila pinaglalaruan ang damdamin mo,
Nagmistulang nagdiriwang sila sa kabila ng pagkalugmok mo.

Hindi ko alam kung bakit hindi ko napigilan ang sarili ko,
Bago ko pa mapuna, panyo ko'y nakalahad na sa'yo.
Saka ka palang nagising sa pagkakatulala,
Saka mo palang napansing, ako'y nasa harap mo pala.
Ang tagal mo pang pinagmasdan ang mukha ko,
Bago ka humingi ng pasensya't kinuha ang panyong inabot ko.

Hindi ko alam kung paanong ang kalahating metrong distansya,
Hindi ko napansing natawid ng aking mga paa,
Kaliwang kamay ko'y biglang nasa likod mo na,
Pinaparamdam sayong 'di ka nag-iisa, meron kang kasama.

Hindi ko alam kung bakit ikinagulat ko,
Ang pagsandal ng ulo mo sa dibdib ko,
Sa bisig ko'y ipinagpatuloy mo ang pag-iyak,
Sa dahilang ikaw lang ang nakatitiyak.

Hinayaan kong iiyak mo sakin ang lahat,
Ng sakit at pait na nararamdaman.
Hanggang sa gumaan ang 'yong pakiramdam,
Sa yakap ko'y unti-unti kang bumitaw.

Hindi ko alam kung bakit lahat ng pinagdaana'y tanda ko pa,
Gayong dapat sa kanila'y kalimutan na.
Dahil ang relasyong akala ko'y pang matagalan na,
Sa isip mo'y, ipinilit mo lamang pala.

Hindi ko alam kung bakit ako nagpakatanga,
Mula sa pagkalugmok ay iniahon ka,
Dahil sa pag-asang balang-araw magiging akin ka,
Ngunit tila tinulungan lamang kitang makabalik sa kan'ya.

Hindi ko alam kung bakit sinalo kita,
Galing sa sakit na dulot n'ya.

Hindi ko alam kung bakit hinayaan kong maging panakip ako,
Sa butas na iniwan n'ya sa puso mo.

Hindi ko alam kung kailan maghihilom ito, ngunit ako ay desidido't sigurado,
Hindi ako gagamit ng ibang tao, upang paghilumin ang sakit na dulot mo.

---

The Poetic SideWhere stories live. Discover now