16th: Anachronism

26 1 0
                                    

Anachronism

Naranasan mo na bang makakilala ng isang taong bilanggo ng nakaraan?
Bilanggo ng mga pagkakataong siya'y naiwang luhaan?
Kung paanong ilang beses siyang nagmahal at nasaktan?
Kung paanong ibinigay niya ang lahat ngunit sadyang kulang?

Nakakilala ka na ba ng taong bilanggo ng kalungkutan?
Bilanggo ng mga luha, hapdi at sakit na dala ng karimlan?
Bilanggo ng paghahanap ng kaligayahan sa kawalan?
Bilanggo ng lahat ng tinik ng kagubatan.

Naging parte ka na ba ng buhay ng taong bilanggo ng kalungkutan na dala ng nakaraan?
Iniwan mo rin ba siyang sugatan?
O, tingin mo'y ikaw ang makagagamot sa kan'yang kalugmukan?
Kaya gusto mong subukan.
Gusto mo siyang samahan.
Kahit parang masakit,
Kahit parang mahirap.

Mahirap.

Mahirap mahulog sa isang taong nakakulong sa nakaraan.
Ngunit, ang sarap sa pakiramdam kung ikaw ang magpapakilala sa kanya sa kasalukuyan.

Tulungan mo siya.
Tulungan mo siyang kalimutan ang sakit ng mga lumipas.
Tulungan mo siyang ibaon sa limot mga alaalang kumupas.

Ikaw ang magsilbing abogado na maglalabas sa kan’ya mula sa pagiging bilanggo.
Ikaw ang magsilbing abogado na magtuturo sa kan’yang maaaring bumangon sa kabila ng pagkabigo.

Tulungan mo siyang bumangon.
Tulungan mo siyang umahon.

Ikaw ang magiging abogado niya ngunit ikaw din ang kaniyang salbabida.
Ikaw ang magsasalba sa kan’ya sa pagkalunod sa pag-iisa.
Ikaw ang sasagip sa natutupok niyang pag-asa,
Na hindi na siya muling magmamahal pa,
Na wala na siyang pagkakataong sumaya.

Ikaw ang magsisilbing payaso na magpapaalala sa kan’yang maaari s’yang ngumiti ulit.
Ikaw ang magsilbing saklay upang siya'y hindi mabuwal,
Ikaw ang magsilbing tungkod na maaari niyang kapitan.

Tanggapin mo ang lahat ng kadilimang bumabalot sa kan’ya.
Tanggapin mo ang lahat ng sakit na makikita mo sa kaniyang mga mata.

Pagkatapos, turuan mo siyang muling mahulog,
Muling hayaan ang sarili na magpatianod,
Muling hayaan ang pusong sumabay sa agos.

Dahil ngayo'y hihintayin mo siya sa dulo,
Pagkatapos ng paghilom ng mga sugat na dala ng kaniyang kahapon, nando’n ka.

Sa katapusan.

Naghihintay sa kaniya.

Naghihintay sa pagkakataong ikaw naman.

Sa pagkakataong handa na siyang sumugal ulit, ngunit ngayo'y kasama ka na.
Handa na siyang madapa ulit dahil sasamahan mo siya.
Handa na siyang masugatan muli dahil natagpuan n’yo na ang isa't isa.

Hindi na s’ya bilanggo ng nakaraan dahil sa hinaharap ay tanaw ka n’ya.

Kayo na ngayon ang doktor ng isa't isa,
Gagamot sa bawat sugat na tadhana ang magdadala.

Habang kayo rin ang abogado ng isa't isa,
Magpapalaya sa pag-ibig na sapat,
Magpapakawala sa pagmamahal na sa inyo'y nararapat.
---

The Poetic SideWhere stories live. Discover now