5th: Kaibigan

57 4 0
                                    

KAIBIGAN

Ang tagal ko nang tinatanong, kung ano nga bang kahulugan
Ng walong letrang salitang, kung bigkasin ay KA-I-BI-GAN.
Sila ba yung mga taong araw-araw mong kasama?
Sila ba yung mga taong sandalan sa hirap o ginhawa?
O sila yung mga taong nakakasalubong mo sa daan,
Sa pagtama ng paningin, ngingiting panandalian?
Sila ba yung makikinig sa bawat drama ng buhay mo?
Yung makikisimpatya at makaiintindi sa mga hinaing mo?
Sila ba yung nagsisilbing bumbay sa buhay mo?
Naniningil ng utang, kahit 'yan pa ay piso.
Sila ba yung mga taong mapagkakatiwalaan mo?
Mag-away man, magkakaayos pa rin kayo.
Sila ba yung mga taong magpoprotekta sa'yo?
Kapag malungkot ka, magpapatawa sa'yo.
Sila ba yung mga kapatid mo sa ibang magulang?
Sila ba yung nagpupuno sa lahat ng kulang?
Sila ba yung makakasama mo sa lahat ng kalokohan?
Sila ba yung mga taong 'di ka tatalikuran?
Sila ba yung mga taong kabisado na'ng ugali mo?
Alam at gamay ang bawat trip mo.
Sila ba yung mga taong takbuhan mo?
Sa mga oras na umiiyak ka at nalilito?
Yung mga taong pambubully sa'yo ang hobby,
Kukuhanin ang pagkain mo ng walang pasabi.
Sila ba yung mga taong sa paliligo ay makakasabay mo?
Sasabihan ka pa ng "pare, ayos lang 'yan, 'di tayo talo!"
Sila ba yung hihigop nalang basta sa kape mo?
Yung mga taong, ayos lang kahit iisa kutsara n'yo.
Sila ba yung mga taong sa galaan ay kasama mo?
Yung ang paboritong lugar ay ang kwarto mo?
Sila ba yung kakanta sa saliw ng gitara mo?
Yung sa panliligaw, makakakontyaba mo?
Sila ba yung kukunsintihin kahit maling gawain mo?
O yung itatama ka, kahit ang kapalit, pagkasira ng samahan n'yo?
Sila ba yung magtuturo ng daan kapag naliligaw ka na?
Sila ba yung mga taong sa kasamaan ay iiiwas ka?
Sila ba yung mga taong, kapag nadapa ka't nasubsob,
Tatawa muna ng malakas bago tumulong.
Sila ba yung mga taong ibabangon ka galing sa pagdapa?
Sila ba yung mga taong pagkain lang sapat na?
Sila ba yung mga taong lalong ginagahan dahil sa libre?
Yung mga taong karamay mo sa pamumulube.
Sila ba yung kasama mong magpantasya kay Ozawa?
Yung kasama at kapustahan sa paglalaro ng DOTA?
Sila ba yung reresbak kapag may binugbog sa tropa?
O yung hahayaan lang na lutasin mo yun ng mag-isa?
Sila ba yung mga taong sa inuma'y makakasama?
Yung mga taong pulutan lang sapat na?
O sila yung sa pag-iinom ay pagbabawalan ka?
Dahil masama raw sa kalusugan ng baga.
Sila ba yung mga taong ipapamukha sa'yong tanga ka?
Kapag sa pag-ibig ay nagpapaka-martyr ka?
Sila ba yung mga taong kasabay mong pagluluksaan,
Ang puso mong namatay dahil iniwang sugatan?
Sila ba yung mga taong kasabay mong nangangarap?
Yung mga taong inaasahan mong kasama hanggang sa hinaharap?
Sila ba yung mga taong, kasama mo mula pagkabata?
Yung mga taong kasama hanggang sa pagtanda?
Sila ba yung mga taong, kayang iparamdam na kalapit mo lang sila,
Kahit ang totoo, ang layo n'yo sa isa't-isa'y milya-milya?
Sila ba yung magsasabing, "kahit kailan, 'di kita iiwan"?
O yung nagsabing, "nandito lang ako hangga't kailangan"?
O baka naman yung nagsabing "hindi ako lalayo kahit ipagtabuyan mo ko"?
"Kasama mo ako, sa mga oras na galit ka sa mundo"
Sila ba? Sila ba ang tinatawag nilang KAIBIGAN?
Sila ba?
Dahil kung sila nga, bakit ako ngayon ay mag-isa?
Kung sila nga, bakit wala ako ngayong kasama?
Kung sila nga, nasaan ako?
Bakit wala sila ngayon sa tabi ko?
Kung sila nga, bakit ang karamay ko ngayon ay bote?
Bote ng alak na sa isip ko'y tumotorete.
Kung sila nga, bakit?
Bakit sa pagsuong sa malupit na kapalaran ay mag-isa ako?
Bakit sa pagharap sa mga bagyo ng buhay, sarili ang kasama ko?
Bakit sa pagtutunggali namin ng buhay, alak ang kasama ko?
Bakit sa pagpatak ng aking mga luha'y, alak ang katabi ko?
Dahil ba sa ako ang unang lumayo at umiwas?
Dahil ba sa ako'y naligaw ng landas?
Pero, bakit?
Bakit hindi ninyo ako sinamahan?
Bakit hindi ninyo ako pinagbawalan?
Bakit hindi ninyo ako pinigilan?
Bakit ninyo ako sinukuan?
Bakit ngayon ay mag-isa nalang ako?
Palayo sa mga parak ay mag-isang tumatakbo.
Takbo, takbo, takbo, takbo.
Takbo hanggang sa marating mo ang dulo.
Kaunti nalang makaaalis na ako,
Kaunti nalang, maliligtas na ang sarili ko.
Makalalayo na sana ng biglang makarinig ng putok.
Putok ng kung anong bagay na sa buhay ko ay tumuldok.
---
*ctto of the pic

The Poetic SideWhere stories live. Discover now