53rd: R. I. P.

4 0 0
                                    

R. I. P.

Tatlong letrang karaniwang makikita
Sa mga semento, puntod, at mga lapida.

Tatlong letrang s'yang nagsisilbing palatandaan
Ng pamamaalam sa mga pinagsamahan,
Sa nakaraan,
Sa mga nakaugalian.

Pamamaalam na maaaring maikumpara
Sa pagkawala ng mga konseptong naglilimita
Sa kung paanong dapat mabuhay ang mga tinatawag nating Eva.
Mga konseptong mapanikil ng karapatan
Mapagsupil ng mga maaaring maramdaman
Ng mga nilalang na tinatawag nating kababaihan.

Dapat na nating kalimutan, mga makalumang kaisipan
Na ang mga kababaihan
Sa loob ng bahay lamang dapat manilbihan

Sapagkat sa makabagong panahon
Sa patuloy na pag-unlad ng mga henerasyon
Kasabay nitong nalilinang ang mga abilidad at kakayahan
Ng mga nilalang na tinatawag nating kababaihan.

Dapat na tayong magpaalam
Sa mga pagdududa at agam-agam
Kung kaya ba nilang makipagsabayan
Sa noo'y dominanteng kalalakihan

Maaari na nating tuluyang iwaksi
Ang mahigpit na pagkapit sa mga pisi
Na s'yang pumipigil sa kanilang maipamalas
Ang galing at talentong nagpupumiglas

Dapat na nating tuldukan ang mga lumang ideya,
Bitawan ang mga hindi pantay na haka-haka,
Supilin ang mga madayang paniniwala
Lagyan ng lapida at ibaon sa lupa

Harapin natin ang progresibong kasalukuyan
Tanggapin at yakapin nang walang pag-aalinlangan
Na ang kinukulong natin noong kababaihan
Ngayo'y may sariling lakas at kayang patunayan
Na kaya niyang makipagsabayan at lumaban
Sa mundong naniniwalang ang nangunguna ay kalalakihan

Dahil sa bagong lipunan ng mahal nating Pilipinas
Ang kakayahan ng lahat ay pantay at patas
Nailibing na ang mga makalumang kaisipan
Ang mga pinagdaanan ay ginawang tungtungan
Sapagkat pinagtitibay nito at pinatutunayan
Kung paano tayo ngayon mas lumalaban.

--

National Women's Month 2024

"Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas: Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!"

--

SWP Entry sana kaso na-late 😆

The Poetic SideWhere stories live. Discover now