A. BA. KA. DA. GETS MO BA?
A.
Ako'y aminadong ayaw kong maging guro.
Alam kong no'ng umpisa, 'di ko alam saan tutungo.
Ay (I) don't know what happened, basta ako'y sigurado,
Ang gusto ko lang, gumanda ang inyong grado.
BA.
Bagkus na kuwestyunin kung ba't minsa'y kinagagalitan,
Bakit 'di ninyo isipin ng mabuti ang dahilan?
Baka naman kasi, ikaw nga ang may kasalanan?
Bakit inuuna ninyong kami'y kamuhian?
KA.
Kami ay barkada, p'wede ninyong sandalan.
Kami ay kapamilya, 'di rin kayo iiwan.
Kalendaryo'y mauubos, ngunit 'di kayo susukuan,
Kakayaha'y ibubuhos, sa inyo ng lubusan.
DA.
Darling ang turing namin sa inyo,
Dahil sabi nga nila, kami'y "second mother" n'yo.
Dagling pagkainis, abot lamang ng trenta segundo,
Dahil 'di matiis, ano mang tigas ng inyong ulo.
E.
Effort ibubuhos, makapagturo lang ng ayos
Enjoy everyday, parang 'di napapagod.
"Es-em-el" man minsan, sa pagbabahagi ng kuwento,
"Edi waw" nalang, masakyan lang inyong biro.
GA.
Gaano man kahirap, nakapanlalata kung minsan,
Ga-drum man ang maipon sa t'wing papawisan,
Ga-bundok na gawain, hindi uurungan,
Gagawin ang lahat, malipasan man ng hapunan.
HA.
Hayaan sana ninyo kaming kayo ay tulungan,
Habang kayo'y musmos pa't marami pang 'di alam,
Hamon sa buhay, harapin natin'g magkaagapay,
Happy lang, minsa'y nadadapa man.
I.
Iwas-iwas muna sa inyong kaadikan, mga bebe,
I-pokus ang utak sa pagiging matinong estudyante.
Iwaksi na muna, mga bisyong noo'y dominante,
Isipin ang bukas, 'wag laging pabebe.
LA.
Laging isipin, inyong kinabukasan,
Laging alalahanin, inyong pinaglalaanan.
Lagyan ng limit, sarili'y pagbawalan,
Lalo na sa mga bagay na 'di pa naman kailangan.
MA.
Matutong isiping tao sa mundo'y 'di ikaw lang,
Mas alalahaning, pag-ikot nito'y 'di para sa'yo lang.
May pagkakataong, pag-iisa'y 'yong mararamdaman,
Maging matatag, sarili'y 'wag susukuan.
NA.
Nananalig akong may kaunti kang natutunan,
Na galing sa tulang biglang naisip lamang.
Naniniwala akong kakayanin mo lahat,
Na matisod ka man, sarili mo'y i-aangat.
NGA.
Ngayon sana'y alam mo nang kapakanan mo ang iniisip ko,
Nga-nga ka man minsan kapag nagtuturo ako,
Ngarag time man ang tawag mo sa subject ko,
Ngayo'y sana alam mo nang wala akong galit sa'yo.
O.
Okay lang sa 'kin kung minsa'y kainisan mo ako,
Oks lang, basta alam kong tama ang tinuturo ko sa'yo.
"O" man lagi ang bibig mo 'pag tulala ka sa klase ko,
Oks lang, basta sana kahit isang salita ika'y natuto.
PA.
Pakyawin mo man ang lowest scores sa exam ko,
Papayag akong magtutor ng libre sa'yo,
Palagi mo lang tandaang hindi lahat ng oras libre ako,
Para alam mo ring, mag-isa'y kailangan mong matuto.
RA.
Rambol man lahat ng subjects sa utak mo,
'Rapat lamang na lahat sila'y aralin mo,
Rami man ng leksyo'y higit pa sa mga "ex" mo,
'Rapat lamang isiping importante ang mga 'to.
SA.
Sapagkat lahat 'yan, sa future mo'y mahalaga,
Sa ngayon ay 'di mo lang siguro nakikita.
Sa pagdating ng oras, malalaman mo rin,
Sagot sa lahat ng "Sa'n ko ba 'to gagamitin?"
TA.
Talento ko'y ibuhos man, walang epekto,
Talagang lalo kung 'di ka interesado.
Tanging ikaw lang, makatutulong sa sarili mo,
Tanging support lang mabibigay ko sa'yo.
U.
Unahin mo lagi ang isiping kaya mo,
Upang maiwaksi lahat ng negatibo.
Unahing isiping kami'y kakampi mo,
Unahing tandaang kami'y lagi sa likod mo.
WA.
Wala kaming ibang nais kun'di kayong lahat ay mag-succeed
Walang ibang gusto kun'di pangarap nyo'y inyong makamit.
Walang ibang hiling kun'di kayo'y sumaya,
Walang ibang hangad kun'di buhay nyo'y guminhawa.
YA.
Yaong lahat ng payo, pakinggan ninyo sana,
Yaong lahat ng pangaral, alalahanin ninyo sa tuwina.
Yaong lahat ng hirap, sa dulo'y mabubura,
'Yan ang sigurado, 'pag nakamit ang diploma.
--
This work is especially dedicated to 11-PROCYON 2018-2019, my first born. HAHA My #MgaBebe. <3
YOU ARE READING
The Poetic Side
PoetryThoughts of a Random, Twisted Mind, translated into Poems. The Poetic Side of an Emo. Lol
