Nakakarinig Ang Puso

2.7K 23 4
                                        

Isa sa pinakaayaw ko sa mundo ay ang maiingay.
Rinding-rindi ako sa kahit anong ingay.
Tapos dumating ka pa.
Mapang-asar talaga ang tadhana,
Ako 'tong naghahanap ng kapayapaan
Bigla ka na lang dumating,
dinala ako sa isang digmaan
Na walang bitbit na kalasag, walang espada,
Wala akong magawa kun'di takpan ang dalawa kong tainga.

Nagmistula kang sirena ng bumbero sa bawat mensaheng pinapadala mo.
Sunod-sunod, minu-minuto.
Ginawa mo akong talaarawan,
sumbungan.
Hindi mo naman ako tatay,
at malamang hindi rin ako ang iyong nanay.
I'm not your brother, nor teacher
good thing there's a mute button
on messenger.
Still, I listened to all your stories and dramas.

Akala ko naalis na kita sa aking mundo,
pero pinasabog mo naman ang notification ko.
Isa kang watusing malikot,
kung saan-saan sumusuot.
Akala mo tumigil na
pero hindi pa pala.
Then I asked you,
why you're doing this to me.
At sinabi mong mahal mo ako.
Lalo akong nabingi.

Hindi ka naman pangit,
mukha ka namang matalino
pero hindi kita gusto.
Hindi ko gustong, gustuhin ka.
Pero ikaw ata si Mike Enriquez,
Hindi mo ko tinantanan.
Hindi ka nagpatinag,
Naging kulog na may kasamang kidlat,
nanggugulat.

Sa unang pagkakataon narinig ko ang boses mo
at hindi ka naging ingay sa sandaling ito.
Nahulog ako sa isang patibong,
Sa tinig mong parang sirenang nang-aakit.
Kaya tinanong kita ng bakit,
Bakit mo ko minahal?
At dinaan mo na naman ako sa pag-awit.
"Walang sagot sa tanong kung bakit mahal kita"
Hindi ako nakontento.
Kaya sabi ko itigil na natin 'to.
Dahil ayaw kong mahulog sa 'yo.

Itinulak kita palayo,
Makalipas ang ilang buwan ikaw ay huminto.

Isa nga sa pinakaayaw ko sa mundo,
Ang maiingay na tulad mo.
Mapang-asar talaga ang tadhana,
Ako 'tong naghahanap ng kapayapaan
Bigla ka na lang dumating,
dinala ako sa isang digmaan
Na walang bitbit na kalasag, walang espada,
Wala akong magawa kun'di takpan ang dalawa kong tainga,
Ngunit nakakarinig pala ang puso,
Huli na dahil ako ang naunang sumuko.

Nesutaa

Spoken PoetryMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon