Kung Tuturuan Mo Ako

758 10 0
                                    

Hindi ako madaling matuto,
Pero kung ikaw ang guro?
Baka magulat ka sa makukuha kong grado—panigurado.
Pwede bang ikaw ang magturo?

Kung paano mo nakuha ang atensyon ko,
Yung tipong saan ka man dumako, mga mata'y sayo naka-pako.
Kung paano mo nagawang ako'y makinig sayo,
Sa bawat kumpas ng iyong mga labi,
Napapalunok na ako dito sa tabi.
Kung paano mo nagawang isipin kita palagi,
Kung paano mo nagawang patibukin ang puso kong hindi mapakali,
Iyon ang hindi ko pa masabi.

Hindi ako matalino,
Pero pagdating sayo;
Daig ko pa ang henyo.
Hindi ako eksperto,
Pero ang pagtingin ko sayo'y para bang perpekto;
Ano ba ang iyong itinuro?

Kung gaano ka naging importanteng aralin?
Yung hindi ko na magawang balewalain.
Yung tipong hindi ako kailanman tatamarin,
Dahil nasanay at natututo na akong ika'y mahalin.

Ganito ako naging katalino,
Ganito ka kahusay mag-turo, bilang Guro.
Pero bakit sa puso mo'y hindi parin ako pasado?
Kung hindi mo rin pala ako ipapasa,
Hindi mo nalang sana ako tinuruan pa;
Tinuruang umasang ika'y makukuha,
Puso mo'y isasabit sa'kin bilang medalya.

Hindi ako matalino,
Pero pwede bang ulit sayo'y magpaturo?
Kasi kung tuturuan mo ako,
Pangako, hindi na ako magiging tuliro.
Aaralin ko ng maigi kung paano;
Iiwas ang aking pagtingin,
Maging bingi sa pintig ng aking damdamin.
At kung paano ibaling sa iba,
Ang pagmamahal na agad kong natutunan sayo sinta.

Kaya kung tuturuan mo ako,
Asahan mong huli na ito.
Siguradong-sigurado,
Dahil aakyat na ako sa entablo;
Dala ang sertipiko,
Nagsasabing naging matalino ako.
Naging matalino,
Agad natutong mahulog sa tulad mo.
Pero isang bobo,
Na hanggang ngayo'y hindi matuto-tuto;
Dahil paglimot sayo'y napaka-kumplikado.

Kung nagawa mong turuan ako,
Na mahalin ka.
Kaya mo rin ituro,
Kalimutan ka'y sana'y madali na

Ni Simpleng Makata

Spoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon