Inyong tunghayan ang kasukdulan,
ang natatanging kwento ng ating kasaysayan.
Ang kulay.
Ang kulay na minsan munang binalot ng kadiliman.
Ang saya.
Ang saya na minsang pinangunahan ng kalungkutan.
Ang kasalukuyan.
Ang kasalukayang minsang binuo ng mga nagdaang pangyayari, karanasan.
Ang kasaysayan.
Ang natatanging pamana ng ating bayan na unti-unti nating nakakalimutan.
Naaalala mo pa ba ang barangay?
Ang minsang naging tirahan ng mga datu, timawa, aliping sagigilid at aliping namamahay?
Ang kanilang buhay?
Naaalala mo na ba?
Ang mga umalohokan,
Ang pamumuhay nila sa gilid ng karagatan,
at gitna ng kagubatan?
Ang kalakalan,
Na nagsisilbing daan para sa mga bagong kagamitan, kasangkapan, kaalaman mula sa mga karatig na bansa.
Naaalala mo pa ba ang pagdating ng mga taga-Espanya?
Kung paanong ang paghahanap sa mga pampalasa,
Ay nauwi sa pagtuklas ng isang bagong isla.
Ang Pilipinas.
Naalala mo na ba ang pagdating ni Ferdinand Magellan,
ang kasunduan,
ang krus na simbolo ng katolisismo?
Ang Labanan sa Mactan,
na siyang pinangunahan ni Lapu-lapu,
sa lugar kung saan tinatawag ngayon na Cebu?
Pumapasok na ba sa iyong isipan,
ang mga bayaning nakilala dahil sa kanilang angking kagitingan?
Sa kanilang pag-aalay ng buhay para sa bayan.
Ang tatlong pari, ang Gomburza?
Si Dr. Rizal na binaril sa gitna ng Bagumbayan?.
Si Gat. Bonifacio na hindi isinuko ang rebolusyon na minsang nasimulan?
Si Gracio Lopez-Jaena? ang magkapatid na Luna?
Ang magkasanggang dikit na Del Pilar?
Ang mag-asawang Silang, at marami pang ibang bayani mula sa iba't ibang rehiyon ng ating bansa?
Naaalala mo pa ba ang pagdating ng mga Amerikano?
Ang hatid nilang pagbabago,
ang mga guro o thomasites,
ang diksyunaryo,
ang kanilang pagbibigay ng kaalaman na hindi matutumbasan ng kahit sinumang mananakop?
Si Pangulong Quezon?
ang Ama ng Wikang Pambansa at ang kanyang bariralang Filipino.?
Naalala mo pa ba kung paanong ang sining ng ating bayan,
ay mas nakilala sa henerasyong ito?
Santos, Guillermo, Villa, Dela Rosa, Matute at marami pang iba na walang takot na ipinakilala ang sining nating mga Pilipino?
Naaalala mo pa ba ang malagim na pangyayari sa mga mananakop na ito?
Sigurado ako.
Isa ito sa mga 'di malilimutan ng kahit sino.
Ang mga Hapon.
Kung paanong ang digmaan ay naging isang masakit na alaala para sa bawat isa ng panahong yaon.
Ang pagsisilbi ni Ginoong Laurel bilang puppet president,
para sa ikabubuti ng kanyang nasasakupan,
ang kanyang kinalakihan,
ang ating Inang Bayan.
Naaalala mo pa ba ang mga perang papel na minsang nawalan ng halaga?
Ang mga paninda na kinukuha nalang basta,
ang mga pananamantala,
ang pagpapasabog sa ilang mga natatanging lugar sa ating bansa?
Ang HUKBALAHAP?
Ang mga Makapili?
Ang Martsa ng Kamatayan,
na nagsimula sa Bataan at nagtapos sa Tarlac,
ang isa mga di malilimutang pagbasak ng mga Pilipino't Amerikano sa kamay ng mga Hapon.
Hindi pa tayo tapos.
Mayroon pa tayong tinatawag na "Panahon ng Bagong Republika",
kung saan naghanap ang mga mamamayan ng bayang ito ng mga tunay na mapagkakatiwalaan,
ang mga manunungkulan na hindi magnanakaw sa kaban ng bayan.
Nagkamali sila. Nagkamali tayo.
Naaalala mo na ba?
Bumabalik na ba ang lahat sa iyong isipan?
Ang mga bagay na minsang pinag-aralan,
tinalakay sa loob ng silid-aralan,
at tumatak sa iyong puso't isipan.
Sigurado ako.
Mayroon ka pang hindi nalalaman.
Handa ka na ba para sa kadiliman at makulay na sanaysay na hatid ng ating kasaysayan?
Kaya mo na bang tanggapin ang matinding kalungkutan at nakakatuwang panahon na nagdaan?
Sinisilip mo na ba ang hinaharap, kung sa katotohanan ay 'di mo pa talaga alam ang mga pangyayari sa nakaraan?
Alam mo na ba talaga ang kasaysayan na minsang bumuo sa 'yo,
at sa iyong Inang bayan?
Ating mahalin, alamin at balikan,
ang natatanging kwento ng ating kasukdulan,
ang minsang bumuo sa ating tinatawag ngayon na lipunan,
ang gumagabay sa makulay nating kultura't tradisyon,
ang isa sa mga ipapamana sa susunod na henerasyon,
ang ating pinagmulan.
Ang tatawagin ngayon at sa hinaharap na kasaysayan ng Inang Bayan.
Ang Kasaysayan ng Pilipinas.
By: EJ Salapatan
BINABASA MO ANG
Spoken Poetry
Puisi#SPOKENPOETRY Dear You, One day, all of the people you treasure the most will leave. But there is one thing that will never go, and you will never forget-poetry. A soul of yourself and a home of your emotions. People come and go, but th...
