Thirty three

1.2K 69 10
                                    

"Lolo kailan ninyo po ako dadalawin?" Ungot ni Dennise sa kanyang Lolo nang tumawag ito papalubog na ang araw at tanaw iyon mula sa bintana ng kuwarto niya. Hinihintay niya ang pagbabalik ni Alyssa. Itinaas niya ang buhok kaya maaliwalas ang mukha niya. Gusto niya subukan iyon dahil iyon ang gusto ni Alyssa.

"Nagpaplano na ba kayo ng kasal ni Alyssa? Para makapaghanda na kami ng Lolo niya. Saan mo ba gustong magpakasal?"

"Hindi kami nagmamadali ni Alyssa."

"Akala ko ba, gusto mo nang makuha ang villa Celestine?"

"Marriage is lifetime commitment, Lolo. Ayokong isipin na papakasalan ko lang si Alyssa dahil sa Villa Celestine."

"Baka naman in love ka na sa kanya?"

"Basta pumunta na lang kayo rito, Lolo. Gusto ko ring makilala ninyo si Alyssa." Noong una ay naiinis siya sa lolo niya dahil pinipilit siya nitong magpakasal kay Alyssa. Now she was thankful for having her.

Sa palagay niya ay ang relasyon mismo nila ang gusto nitong i-work out. Hindi nito tinatanggap ang tulong ng kapatid nito para umurong sa kasal nila. Kaya higit sa Villa Celestine, mas tini-treasure niya si Alyssa.

Pagkababa ng Telepono ay hinanap agad niya si Luna. "Luna!" Lumabas siya sa kwarto. Kapag tinatawag niya si Luna ay lumalapit agad iyon sa kanya. Naabutan niya si Mari na naghahanda ng pagkain sa kusina. "Nakita mo ba si Luna?"

"Hindi pa ba bumabalik?"

"Baka kung saan nakarating iyon." Protective siya hindi lang kay Mari maging kay Luna. May discrimination din maging sa mga pusa. Kapag lumalabas iyon ng bakod ng mansiyon ay palagi iyong napapaaway sa ibang pusa. Naapi rin iyon.

"Ako na ang titingin. Baka nandoon iyon sa abandonadong bahay kasama ang mga pusang ligaw. Mayamaya lang andito na si Señorita Alyssa. Bantayan mo na lang ang niluluto ko, Señorita."

Iniinin na lang ang sinaing ni Mari. Pero naluto na ang kanin ay hindi pa rin ito nakakabalik. Lumakas ang kaba sa dibdib niya. Wala namang ibang pupuntahan sina Mari at Luna. Bakit wala pa rin ang mga 'yon?

Lumabas siya ng gate para siya na mismo ang maghanap sa dalawa. Hindi pa siya nakakalayo sa Villa Celestine nang habulin siya nang pamangkin ni Mang Lito.

"Ma'am Dennise, iyon pong kasama ninyong kuba sa bahay..." napahawak ito sa tuhod at humingal.

"Nasaan si Mari?"

"Nandoon po sa tumana ng tatay ko. Napagkatuwaan po ng anak ni konsehal at ng mga kaibigan niya. Iniligtas po kasi ang pusa ninyo. "

"Halika! Puntahan natin."

"Señorita, tatawagin ko po muna ang tatay ko. Hindi po magandang sumugod tayo roon ng tayo lang. Marami po sila."

"Hindi pupuntahan ko na sila Mari ngayon."

Hindi na siya nagpapigil pa rito. Tinakbo niya ang direksiyon ng tumana. Hindi maganda ang pakiramdam niya. Mukhang mga bully ang mga batang iyon. Bumalik sa isip niya kung paanong pandirihan at ipagtabuyan si Mari, gayundin si Luna. Ayaw na niyang maranasan pa iyon ng mga kaibigan niya.

Malayo pa lang ay natanaw na niya ang puno ng acacia na nasa kubo sa gitna ng tumana. Naririnig niya ang tawanan ng mga kabataang lalaki. Lalo lang siyang kinabahan sa nakakatakot na tawanan ng mga tao.

"Sige. Akyatin mo iyan kung gusto mong makuha ang pusang kasimpangit mo," anang pinakamatangkad sa grupo na sinegundahan pa ng mga kasamahan.

Paglapit niya ay nakita niya si Mari na nagpipilit umakyat sa puno. Hindi nito kayang dalhin ang katawan dahil sa kapansanan nito. Si Luna naman ay nakatali sa puno at umiiyak, parang nagmamakaawang pababain na ito.

Naglalaro sa kinse hanggang disisyete ang mga ito. Pawang matatangkad at may katawan. Suot ng mga ito ang uniform ng private high school.

Nagtawanan ang mga ito nang bumagsak si Mari. "Wala palang kwenta ito, Luis! Kahit ano'ng gawin niyan, 'di iyan makakaakyat sa puno. Boring!"

Nagsidampot ng bato ang mga ito at pinagbabato si Mari. "Huwag. Tama na," pagmamakaawa ni Mari. Pinagkrus nito ang braso para protektahan ang mukha. Subalit nagmistulang bingi ang mga bata at nilakasan pa ang pagtawa.

"Itigil ninyo iyan!" Pasigaw na sabi niya.

Lumingon sa kanya ang mga ito at natigilan sa pagbato. "Prinsesa ng dilim."

"Huwag mong sabihing natatakot ka riyan?" Maangas na sabi ng lider na si Luis at binatukan ang kasama. "Walang nakakatakot." Ito na ang nanguna sa muling pagbato kay Mari.

"Sabing tama na! Nasasaktan na si Mari."

Tumakbo siya palapit sa mga ito. Hindi niya inalintana kung baku-bako ang dinaraanan niya. It was so frustrating. Bakit sa mga istoriya niya, napakadaling takutin ng masasamang loob? Bakit hindi nalang mahati ang katawan niya o kaya ay labasan ng pangil para magtakbuhan ang mga ito?

Wala siyang magagawa para pigilan ang limang kabataang lalaki. Wala rin ba siyang magagawa para iligtas ang mga kaibigan niya? Nanunuot sa tainga niya ang iyak ni Luna at pagmamakaawa ni Mari.

"Huwag!" Pasigaw na sabi niya at mabilis na iniharang ang katawan kay Mari. Sunod-sunod ang pagtama ng bato sa katawan niya bago natigilan ang mga ito nang makitang siya ang nakaharang. Ininda niya ang sakit. "Di ba kayo titigil?"

"Umalis ka na riyan, Miss. Huwag kang panggulo." Dumampot ng malaking bato si Luis. "Umalis ka na riyan, sabi." Nanatili na may hawak na bato. "Isa, dalawa...."

"Señorita, di po kayo dapat sumunod dito. Umalis na po kayo."

"Hindi ako aalis," matigas na wika niya.

Kumawala sa kamay ni Luis ang bato. Niyakap niya si Mari. Matinding sakit ang naramdaman niya nang tumama ang bato sa noo niya. Pumikit siya ng mariin. Kaya niyang tiisin ang sakit kahit ilang bato pa ang ibato sa kanya.

"Luis, andiyan na ang mga baranggay tanod," sabi ng kasama nito.

Narinig niya ang pagbagsak ng mga bato sa lupa at ang mga yabag ng mga ito palayo.

"Dennise!" Narinig niya ang tawag sa kanya ni Alyssa, pagkatapos ay dinaluhan siya.

"Si Mari... si Luna..." gusto niyang matiyak na ayos lang ang mga kaibigan niya. Sumigid ang sakit sa ulo niya. Sinapo niya iyon. Nang tingnan niya ang kanyang palad ay may bahid ng dugo. Pagkatapos ay naramdaman niya ang pag-agos ng dugo sa mukha niya.
-------

I'm back. 🐱🐱🐱

My Nyctophilic WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon