THIRD PERSON'S POV
Isang linggo na lang bago ang pagtatanghal ng kanilang sayaw. Napagkasunduan ng grupo nina Mary na magsuot na ng high heels sa practice nila para makasanayan nila ang paggamit nito habang nagsasayaw nang sa ganoon ay hindi na sila mahirapan pa.
Katulad ng kanilang nakagawian ay agad silang nagtungo ng gym pagkatapos ng lahat ng klase nila para mag-ensayo. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi nila kasamang dumating ng gym ang kalalakihan dahil ipinatawag ang mga ito ng coach nila sa basketball dahil sa isang importanteng bagay. Habang hinihintay ang pagdating ng mga kapareha nila ay isa-isa nang nagsuot ang kababaihan ng sapatos habang nakaupo sa mga bleacher na nakapalibot sa buong gym.
"Bea, seryoso ka bang 'yan ang susuutin mong sapatos?" biglang tanong ni Sheena kay Bea nang mapansin niya na sobrang taas ng takong ng suot nitong Mary Jane platforms. Mga limang pulgada ang taas nito. Isang maling hakbang o tapak mo lang ay siguradong tapos ang maliligayang araw mo.
"Yeah. Why? Is there something wrong?" kaswal na tanong ni Bea habang nagtatakang nakatingin kay Sheena na nawalan na ng kulay ang mukha nang makita nito kung gaano kataas ang takong ng sapatos na gagamitin niya.
"Sigurado ka?" hindi pa rin makapaniwalang tanong ni Sheena na sinabayan pa ni Chiella na hindi na rin mapakali habang titig na titig sa suot ni Bea na Mary Jane platforms.
"Oo nga. Bakit ba ganiyan ang mga mukha ninyo?" iritang tanong ni Bea saka muling tumuon sa pagsusuot niya ng sapatos. "Para kayong nakakita ng multo."
"E ang taas kaya ng heels ng sapatos mo. Makakapagsayaw ka pa ba sa lagay na 'yan?" nag-aalalang tanong ni Sheena na kulang na lang ay matunaw ang sapatos na suot ni Bea sa talim ng titig niya rito.
"Oo naman, ano. Ako pa," nagmamalaking sagot ni Bea kasabay ng pagtayo niya mula sa pagkakaupo niya sa isa sa mga bleacher.
Nagawa pa ni Bea ang rumampa nang nakasuot ng Mary Jane platforms na may taas na limang pulgada. Panay rin ang pag-strike niya ng pose na akala mo ay totoong may camera na nakapalibot sa kaniya. Tuwang-tuwa sa pagrampa si Bea habang sina Sheena at Chiella naman ay hindi na magkamayaw sa kaba habang sinusundan ng tingin ang rumarampang si Bea sa takot na baka matapilok o madapa ito.
"Masanay na kayo riyan kay Bea. Ganiyan talaga 'yan. Sanay na 'yan magsuot ng ganiyan kaya huwag na kayong mag-alala pa riyan. Kaya nga niyang makipaghabulan sa aso na nakaganiyan e," natatawang sabi ni Karla.
Biglang tumigil sa pagrampa niya si Bea nang marinig niya ang sinabi ni Karla at binigyan niya ito ng masamang tingin.
"Ay, grabe ka naman sa akin, Karla. Aso talaga? Hindi ba pwedeng pusa muna?" sarkastikong tanong ni Bea.
"E ikaw, Karla? Sanay ka na rin bang magsuot ng sapatos na matataas ang takong?" pagbaling ni Sheena kay Karla. Pigil na ni Sheena ang kaniyang tawa dahil sa asaran ng dalawa.
"Medyo. Nakasanayan ko na rin kasi madalas akong pagsuutin nitong si Bea tuwing may lakad kami," sagot ni Karla at dinuro-duro pa si Bea na hanggang ngayon ay nakatayo pa rin at mukhang wala na yatang balak na bumalik sa pagkakaupo niya.
Malakas na natawa si Sheena nang tarayan ni Bea si Karla dahil sa sinabi nito.
"Wala ka palang ibubuga pagdating kay Bea e. Matapang ka lang pagdating kay Stanley," tumatawang pang-aasar ni Sheena kay Karla.
"Oy, hindi ah. Magaling lang talagang mang-blackmail 'yang babaeng 'yan kaya wala akong magawa," depensa ni Karla sa kaniyang sarili at agad na nag-iwas ng tingin.
"Talaga lang ah?" mapanuyang tanong ni Bea at pinagtaasan pa ng kilay si Karla.
"Oo naman, 'no," giit ni Karla.
BINABASA MO ANG
The Revenge of a Nerd
RomanceMary Sophia Angeles has been blessed to have a luxurious life, a complete happy family and a best friend who never leave her side. She almost have everything-the beauty, the brain and the money. But despite of her almost perfect life, there's only o...