CHAPTER 52: Groupings

1.6K 42 0
                                    

THIRD PERSON'S POV

Maaga pa lang ay gising na ang lahat sa kadahilanang kailangan pa nilang manguha ng mga tuyong sanga para ipanggatong at pagkatapos ay kinakailangan din nilang maghersisyo sa madaling araw. Ang lahat ng ito ay pinagagawa sa kanila ng tatlong gurong kanilang kasama para sila ay madisiplina at matutong gumising na nasa oras nang sa gayon ay makasanayan nila ito at hindi na sila kailangan pang gisingin ng kung sino para lamang gumising nang maaga upang hindi mahuli sa klase. Isa pang layunin ng mga guro kung bakit nila pinakukuha ng mga sanga ng puno ang lahat ng kanilang estudyante kahit na maaari naman sana silang magluto sa mansion na kanilang tinutuluyan ay para maturuan sila kung paanong maging responsable at upang ipakita rin sa kanila na lahat ng bagay ay pinaghihirapan.

Pagkatapos ng lahat maghersisyo ay bumalik na ang lahat sa kani-kanila nilang tent at kwarto upang mag-ayos ng sarili. Binigyan lang din sila ng labinlimang minuto para maligo at makapag-ayos ng mga sarili. Pagkatapos ng labinlimang minutong ibinigay sa kanila ay kailangan na nilang lahat magtipon upang makapag-almusal nang sabay-sabay. Ang sino mang mahuhuli ay hindi makakakain ng almusal at pwede ring paghugasin ng mga pinagkainan bilang parusa.

Wala pang sampung minuto ay tapos na ang lahat sa paliligo at pag-aayos ng kanilang mga sarili na siya namang ikinatuwa ng kanilang mga guro. Dahil dito ay mas napaaga ang almusal nila at binigyan din sila ng limang minuto para makapagpahinga saglit bago nila simulan ang mga aktibidad para sa araw na ito.

"Calling the attention of everyone. Please proceed to the yard. Everyone is asked to be here within a minute. Again, proceed to the yard. Your one minute starts now," anunsiyo ng kanilang guro mula sa bakuran gamit ang isang megapon.

Kani-kaniya namang takbuhan ang lahat at may ilan pang nadapa at nagkakabanggaan na dahil sa sobrang pagmamadali at pagkataranta. Lahat sila ay alam na may naghihintay na parusa sa sino mang hindi makaabot sa nakatakdang oras kaya ganoon na lang ang pagkataranta nila.

"Mukhang nandito na ang lahat. Mabuti naman at natututo na kayong sumunod sa nakatakdang oras," masayang saad ni Ma'am Alyson nang magkatipon-tipon na ang lahat sa harapan nila.

"Sino namang hindi susunod, Ma'am Alyson? Takot na lang nilang maparusahan," pabirong sabi ni Sir Jonathan na sinang-ayunan naman ng lahat.

"So, class, excited na ba kayong malaman ang susunod nating activity?" masayang tanong ni Ma'am Meg sa lahat.

"Super!" malakas na sigawan ng lahat sa pangunguna ni She na siyang mas nangingibabaw ang boses sa lahat.

"Kung ganoon ay huwag na natin pang patagalin ito. Our next activity is a cooking activity and it will be done by group which will composed of ten members which only means that each group will have five pairs," mabilisang anunsiyo ni Ma'am Meg.

"Cooking activity?" dismayadong tanong ng karamihan.

"My gosh! Hindi ako nasabihan na may ganito pala," nag-hy-hysterical na sambit ng isang babaeng estudyante na kulang na lang ay maglupasay siya sa damuhan.

"Ano namang alam ko sa pagluluto?" maktol naman ng isa sa mga kaklase nilang lalaki.

"Magsaing nga lang, hindi ko pa alam. Ano namang laban ko?" frustrated na sambit ng ilan pa.

"Sana naman may makagrupo tayong magaling magluto. Kung hindi ay lagot tayo nito. Matatalo tayo nang hindi man lang lumalaban," bagsak ang balikat na sabi ng isa pa.

Hindi na magkamayaw ang karamihan at may iilan namang taimtim nang nagdarasal at nananalangin na biyayaan sila ng magaling magluto sa grupo nila. Lahat ay nagkakagulo na at hindi malaman kung anong gagawin samantalang sina Sheena at Mary ay hindi na napigilan pa ang sariling mapangisi at salubungin ang tingin ng isa't isa habang nagtataas-baba pa ang kanilang kilay na animo'y nag-uusap sila gamit lamang ang kanilang mga mata at sinasabi nila sa isa't isa na, "This will be so much fun." Mula pagkabata ay naging hilig at bonding na nila ang pagluluto at pagbe-bake ng kung ano-anong maisipan nila kaya balewala na lang sa kanila ang challenge na ito.

The Revenge of a NerdTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon